Chapter 24
Hindi ko maiwasang magtaka sa nabasa. Mukha kasing isinulat niya ito nang may pagmamadali, hindi na maintindihan ang gitna at nasa dulo. Ngunit iisa lang talaga ang nakasulat dito at puro paulit-ulit lang. Kung hindi ko lang siya nakita nang maayos kanina ay iisipin ko nang balisa siya.
Bahagya na bumagal ang lakad ko nang makarinig ng pagtatalo. Alam kong malapit lang 'yon at kilala ko kung kaninong boses 'yon! Sina Tiya Rosa at Mama Frieda! Bahagyang nakataas ang mga boses nila at rinig sa pasilyo ito.
Kumunot ang noo ko. Kahit kailan ay hindi ko pa nakikita na nag-away sino man sa pamilyang ito kaya naman hindi ko maisip ang dahilan ng pagtatalo nila ngayon. Sumilip ako sa pakanang pasilyo at nakita ko sila roon at kapwa magkaharap.
"At ano? Hahayaan ko na lang siyang makulong dito!? Hindi ka ba naaawa sa bata? Hindi na tao 'yang itinuturing mong kapatid!" nanggagalaiting sigaw ni Mama kay Tiya Rosa.
Nang tignan ko si Tiya Rosa ay nakatiim-bagang na ito at mababasa ang galit sa mga mata. Gusto ko man silang pigilan ngunit pakirandam ko ay wala rin akong magagawa. Ngayon ko lamang sila nakitang ganiyan kagalit at parang napakabigat na bagay ang pinag-uusapan.
"Ikaw ang hindi naaawa sa kaniya, Frieda! Alam mong may posibilidad na delikado rin siya kapag umalis dito! Sinabi na sa atin 'yan, ang magagawa na lang natin ay alagaan siya hanggang sa dumating ang tamang panahon! Alagaan at mahalin, Frieda. Hindi pwede 'yang gusto mo!" asik ni Tiya Rosa.
Nagngingitngit na siya sa galit at pakirandam ko ay napakabigat ng dinadala niya. Hindi ko gaanong maintindihan ang sinasabi nila. Sino ba ang tinutukoy ni Tiya Rosa? Ako ba? Kumunot ang noo ko at mas maingat na nakinig.
"Naniwala ka naman? Nakikilala mo pa ba talaga 'yang kapatid mo, ha!? Sa tingin mo tama lang na isama niya si Aquila sa mga masamang ginagawa niya? Oo! Alam ko, Rosa! Nakita ko nang isagawa niyo ang ritwal sa kaniya! Hindi ba kayo naaawa!?" nanggigigil na ring saad ni Mama.
Kumalabog ang puso ko sa sariling pangalan. Ritwal? Naguluhan ako sa pinag-uusapan nila. Ako ang tinutukoy nila pero nagtataka akong wala akong alam sa sinasabi nila.
"Wala akong magagawa! Masasayang ang lahat ng isinakripsyo ko kung siya ang pipiliin ko. Pero hindi naman siya naghihirap, diba? Naibibigay natin ang pagmamahal na kailangan niya. Hindi natin maibibigay ang kalayaang gusto mo para sa kaniya dahil maging tayo ay hindi rin mga malaya!" ganti ni Tiya.
Umiling naman si Mama at nang-uuyam na ngumisi. Ngunit kita ko pa rin ang galit sa mga mata habang matiim na nakatitig kay Tiya. Para ba silang nagsusukatan ng tingin. Ayaw kong nakikita silang ganito pero wala akong magawa. Nanatili lang akong nakikinig sa pag-aaway nila.
"Sakripisyo nga bang maituturing 'yan? Kaduwagan, Rosa! Duwag! 'Yon ang dapat na itawag sa 'yo! Sana hindi ka naging tanga noon para hindi ka naging sunod-sunuran ngayon! Pero ako, may magagawa ako. Ilalayo ko si Aquila rito. Malayo kahit kanino sa inyo..." determinadong ani Mama.
Dumilim ang titig ni Tiya Rosa Kay Mama Frieda at humakbang paabante, randam ko ang panggigigil niya at natatakot akong magkasakitan sila. Dahil gusto akong ilayo ni Mama dito? Wala naman akong nakikitang rason para gawin niya 'yon.
"Hindi ko hahayaang gawin mo 'yan kung ganon. Sa tingin mo ba ay hindi ka niya mahahanap kung makaka-alis man kayo rito?" Ngumisi nang mapait si Tiya at umiling. "Hindi. Dahil mahahanap at mahahanap niya kayo. Huwag mo nang gamiting rason ang bata para maka-alis dito. Maayos dito si Aquila kaya hindi porke't hindi ka na masaya kay Thobbias ay isasama mo na siya!"
Hindi makapaniwalang tinitigan ni Mama si Tiya Rosa at para bang may sinabi itong mali. Nahihibang niya itong tinawanan at bigla na lang nangilid ang luha sa mata. Napasinghap ako.
YOU ARE READING
Lie Down My Damon
FantasyIf you will fall inlove, what would you do? Will you still fight for it even if it means your life? Or you will just accept the faith that your love is a taboo? Choose your own path, Aquila. A/N: This story contains typos and grammatical errors, I'm...