Kabanata 2 - Ang Daan Pauwi

95.1K 5.8K 5.3K
                                    

[Kabanata 2]

HINDI nagsalita si Alfredo, humakbang na siya papasok sa loob. "A-akala ko ay hindi ka na darating. Ikaw ba ay kumain na? Sandali, ipaghahain kita" saad ni Agnes. Sinubukan niya pang kunin ang maleta na hawak ni Alfredo ngunit nag-alinlangan siya sapagkat hindi nito pinapahawak sa iba ang mga gamit niya sa trabaho.

"Kumain na ako" tipid na sagot nito nang hindi tumitingin sa kaniya. Hinawakan ni Agnes ang itim na abrigo na suot ni Alfredo ngunit umiwas ang asawa. "A-akin na ang iyong sumbrero. Hubarin mo na rin ang iyong sapatos" dagdag ni Agnes ngunit tila walang narinig si Alfredo.

Diretso lang itong naglakad paakyat sa hagdan na para bang isang hangin si Agnes na hindi niya nakikita. Napalunok na lang si Agnes ngunit kahit papaano ay nagpapasalamat siya dahil dininig ng Panginoon ang kaniyang dasal na ligtas na nakabalik si Alfredo.

Agad niyang sinundan ang asawa bitbit ang nag-iisang lampara. "Sandali, baka mahulog ka sa hagdan" habol ni Agnes. Hindi nagsalita si Alfredo, hindi rin ito tumigil sa pag-akyat o lumingon sa kaniya upang sabay na lang sila umakyat. Sa halip ay nagpatuloy lang ito paakyat sa hagdan.

Dumiretso si Alfredo sa isang bakanteng silid sa kanilang tahanan kung saan siya natutulog. Sa katapat na silid naman ang tinutulugan ni Agnes. Naunang pumasok si Alfredo ngunit hindi niya isinara ang pinto kung kaya't napangiti si Agnes sa sarili at agad sumunod sa loob.

Inilapag ni Alfredo ang maleta sa tabi ng aparador at naupo sa kama upang maghubad ng sapatos. Ipinatong naman ni Agnes ang lampara sa katabing mesa saka sinindihan ang iba pang lampara sa loob ng silid.

"Pasensiya na sapagkat hindi namin ito nalilinis. Iyong bilin na walang sinuman ang maaaring pumasok dito sa iyong silid kung kaya't maalikabok" saad ni Agnes saka sinimulang punasan ang mga mesa. Agad siyang kumuha ng walis at winalis ang sahig. Hindi naman nagsalita si Alfredo, nagtungo lang ito sa palikuran at nagpalit ng damit.

Tulad ng dati ay si Agnes lang ang nagsasalita sa kanilang dalawa. Kahit papaano ay masaya na rin si Agnes dahil hinahayaan lang siya ni Alfredo na magsalita kahit hindi naman ito tumutugon pabalik.

Nagpatuloy sa pagkwento si Agnes, "Dumating kanina ang mga ninang at ninong natin sa kasal. Maging ang mga kaibigan nila ama. Dalawa na rin pala ang anak nina Fernando at Viola. Kay lusog na bata ng kanilang bunsong lalaki" ngiti ni Agnes saka binuksan ang mga bintana sa silid. Batid niyang mas gusto ni Alfredo na nakabukas ang mga bintana sa gabi.

"Dumating din ang iyong mga magulang. Sa susunod na linggo pala ay isasama ako ng iyong ina sa Bulakan" saad ni Agnes, lumabas na si Alfredo sa palikuran. Halatang sarado ang tenga nito sa mga sinasabi niya. Kinuha ni Agnes ang mga damit na labahan ni Alfredo. Napatigil siya nang maamoy ang kakaibang pabango roon. Isang mahalimuyak na pabango ng mga babae.

"Kung ikaw ay tapos na rito, maaari ka nang lumabas" wika ni Alfredo habang pumipili ng librong babasahin bago matulog. Natauhan si Agnes nang magsalita ang asawa, tiningnan niya ito, naupo na ito muli sa kama habang sinusuri ang librong napili.

Napailing si Agnes, pilit niyang inaalis sa isipan ang kung anu-anong walang kwentang bagay na tumatakbo ngayon sa kaniyang isipan. Malayo ang nilakbay ni Alfredo mula Maynila pabalik sa Kawit, tiyak na sa dami ng taong nakasalamuha nito lalo na dahil pista sa bayan ay dumikit sa kaniya ang mahahalimuyak na pabango ng mga kababaihan.

"I-ibig mo ba ng maiinom? Tubig? Tsaa? Gatas ng baka---"

"Ibig ko nang matulog" wika ni Alfredo saka inilapag ang hawak na libro sa mesa, pinatay ang sindi ng lampara at humiga na sa kama. Napayuko na lamang si Agnes saka naglakad papalabas ng pinto. Ngunit bago niya isara iyon ay muli siyang napalingon kay Alfredo na mahimbing nang nakapikit ang mga mata.

Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon