Kabanata 18 - Sa Kanya

73.2K 3.9K 5.9K
                                    

[Kabanata 18]

PINAGMAMASDAN ni Alfredo ang mga halamang tinatanim ng hardinero sa hardin ng hacienda Salazar. Nagpatanim siya ng mga halaman at bulaklak doon upang ibalik ang dating maaliwalas at maayos na hardin.

Oras ng tanghalian, tumayo si Alfredo sa kanyang kinauupuan saka hinawakan ang isang halaman na inilipat ng hardinero sa lupa. Gustuhin man niyang siya mismo ang magtanim doon ngunit nangangamba siya na baka mamatay ang mga halaman sa kanyang kamay dahil wala siyang nalalaman sa pagtatanim.

Ilang sandali pa ay napansin niya ang dalawang magkasunod na kalesa na pumasok sa kanilang lupain. Ang mga babaeng lulan ng kalesa ay nakasuot ng puti at itim. "May panauhin ba tayong inaasahan?" tanong ni Alfredo sa hardinero na tumigil sa kanyang ginagawa at tinanaw sa malayo ang dalawang kalesa na mabagal na umuusad.

"Sa akin pong pagkakaalam ay inanyayahan ng inyong ina ang orden ng mga madre. Nagkataon ho na narito sila ngayon" tugon ng hardinero na naapsingkit pa ang mga mata habang tinatanaw ang mga kalesa dahil sa liwanag ng sikat ng araw.

Napatingin muli si Alfredo sa dalawang kalesa, umikot ito sa hardin at ngayon ay papalapit na sa harapan ng mansyon. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita si Liliana na lulan ng ikalawang kalesa.

"Sila ba ay mula sa Maynila?" tanong ni Alfredo nang makilala ang punongmadre na nakasalumuha nila sa simbahan kahapon. "Opo. Sila ay mga taga-Maynila" nagulat ang hardinero nang biglang tumakbo si Alfredo patungo sa mansyon.

Napahawak si Alfredo sa kanyang dibdib ngunit sinikap niya pa ring bilisan ang kanyang pagtakbo upang maabutan kalesang tumigil na sa tapat ng mansyon. Nang makarating siya roon ay nakita niyang naglalakad na ito papasok. Bago ito pa ito makahakbang muli ay mabilis niyang hinawakan ang pulso nitong upang pigilan.

"H-huwag..." ang tanging naisaad ni Alfredo habang pilit na hinahabol ang kanyang paghinga. Gulat na nakatingin sa kanya si Agnes. Bago pa ito makapagsalita ay mabilis niyang hinila si Liliana patungo sa gilid na bahagi ng mansyon.

Samantala, hindi makapagsalita si Agnes sa gulat. Nakasandal siya ngayon sa pader ng mansyon habang hawak ni Alfredo ang magkabilang balikat niya. Dahan-dahang iniangat ni Agnes ang kanyang paningin, sandali niyang tinitigan si Alfredo na hinihingal pa rin at pilit na sumisilip sa gilid kung saan nagtataka nang lumabas si Sor Fernanda.

Hindi malaman ni Agnes kung bakit parang tumigil ang pagtibok ng kanyang puso, maging ang kanyang paghinga. Ramdam niya ang mainit na palad ni Alfredo na nakahawak pa rin sa kanyang magkabilang balikat.

Naalala niya ang pinagtalunan nila kahapon sa simbahan. Maaari bang pagkakamali na lang ang itawag sa isang kasalanan? Hindi niya maunawaan kung bakit pumasok sa kanyang isipan ang bagay na iyon habang nakatingin kay Alfredo.

Tumingin si Alfredo sa kanya, "Hindi ka dapat nagtungo rito" wika nito, napansin ni Agnes ang mga butil ng pawis na tumatagaktak sa noo at leeg nito. Napatigil si Alfredo dahil sa halos walang kurap na nakatitig sa kanya si Agnes.

Sa pagkakataong iyon ay naalala niya ang bilang na sandali kung saan nagawa niyang titigan ang asawa noon nang maabutan niya itong natutulog sa silid-aklatan. Ang maikling sandaling iyon ay tumatak sa kanyang alaala. At ngayon ay hindi niya maunawaan kung bakit wala ring pinagkaiba si Liliana sa kung paano siya tingnan noon ng dating asawa.

Natauhan si Alfredo nang marinig ang boses ni Doña Helen, "Anong ibig niyo pong sabihin?" tanong nito kay Sor Fernanda. Muling sumilip si Alfredo at natanaw niyang lumabas na rin sa mansyon ang kanyang ina at ang mga panauhin nito.

"Hindi ka nila maaaring makita" saad ni Alfredo saka hinawakan ang pulso ni Agnes at dinala niya ito sa likod ng mansyon kung saan naroon si Mang Lucio na nagpapakain sa kabayo. Kinuha ni Alfredo ang isang pulang balabal na nakasampay at ipinatong iyon sa ulo ni Agnes. Napahawak nang mahigpit si Agnes sa dulong bahagi ng balabal na suot niya ngayon. Sa bilis kumilos ni Alfredo ay nagawa niya lang sundan ito ng tingin.

Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon