[Kabanata 28]
MALUGOD na inanyayahan si Alejo sa tindahan ng mga tela sa pamilihan. Halos isang oras din siyang naghintay sa labas bago ito magbukas. Kinilatis mabuti ng sastre ang itim na panyong iniabot ni Alejo.
"Kung hindi ako nagkakamali ay sa Siam nagmula ang ganitong uri ng tela" paliwanag ng matandang sastre saka tumingin sa misteryosong lalaki na nagpakilala na bahagi ng hukbo. Sa tindig nito ay masasabi niya na hindi nga ito nagsisinunggaling.
Napatitig si Alejo sa itim na panyo, nagpaalam na siya sa sastre at ibinilin na ilihim ang kaniyang pagpunta. Nang makalabas siya sa tindahan ay agad siyang sumakay sa kaniyang itim na kabayo.
Naalala niya ang ilan sa mga natuklasan niya sa pag-iimbestiga noon sa katauhan ni Mang Pretonio. Matagal itong nanatili sa Siam at doon nagpalawig ng kaalaman sa panggagamot. Sumagi rin sa kaniyang isipan ang natuklasan sa bahay-panulayan sa Bataan, maaaring hindi nagkataon na naroon ang matandang manggagamot sa lugar na iyon nang mabaril si Alfredo.
Sariwa pa sa kaniyang ispan ang hitsura ni Mang Pretonio, hindi rin nababakas sa hitsura nito ang kagalakan na makasalo ang pamilya Salazar sa hapag. Hindi rin karaniwan na hindi ito humingi ng salapi o kayamanan kapalit ng pagligtas sa buhay ni Alfredo.
Napatingin si Alejo sa mga taong naglalakad sa kalsada, ang iba ay hila ang kanilang mga kalabaw at baka. Ang mga ordinaryong mamamayan ay may kani-kaniya ring istorya. Hindi lang malalaking tao ang nakakagawa ng kagimbal-gimbal na mga bagay. Karamihan ay nagkukubli sa katauhan ng mga maralita upang makibahagi sa kaisipan ng lahat na wala naman silang magagawa dahil sila ay mga aba lamang.
Napahigpit ang hawak ni Alejo sa itim na panyo at agad pinatakbo nang mabilis ang kabayo pabalik sa Maynila sa pag-asang makakarating doon bukas. Ang lahat ng katibayan na kaniyang natuklasan ay nagtuturo ngayon kay Mang Pretonio na sa una pa lang ay pinaghinalaan na niya.
TUMIGIL si Agnes sa pagtugon ng halik mula kay Alfredo. Dahan-dahan niyang inilayo ang sarili ngunit ramdam niya pa rin ang mainit na palad ni Alfredo sa kaniyang leeg at balikat. Halos walang kurap siyang nakatingin kay Alfredo, animo'y nakalimutan niyang magsalita o huminga ng ilang segundo.
Sumasabog ang kaniyang damdamin. Isang pamilyar na pakiramdam na nagbabalik sa kaniyang dating sarili. Iminulat ni Alfredo ang kaniyang mga mata, ang kaibahan ng noon at ngayon ay unti-unting naging malinaw sa kaniya. Kung noon ay hinalikan niya ang asawa sa hindi malamang dahilan, ngayon ay may kaakibat na itong paglukso ng kaniyang puso.
Tumayo si Agnes at pinagpagan ang kaniyang saya. Hindi niya malaman ang gagawin, napahawak siya sa kaniyang braso, leeg at sinubukang hawiin ang ilang hibla ng buhok na tumatama sa kaniyang pisngi.
Dahan-dahang tumayo si Alfredo na nanatiling nakatingin pa rin sa kaniya. Hinihintay niya ang sasabihin ni Agnes. Tulad ng paghihintay ng tadhana kung maaari pang ituloy ang kapalaran nilang hindi naman nagwakas.
Nangungusap ang mga mata ni Alfredo, binabasa sa reaksyon ni Agnes kung naalala na nito ang lahat. Ang nangyari noong gabing iyon na tanging siya lang ang nakababatid. Ang ipinagtapat niya na hindi man lang nito narinig.
Hindi na nagawang tumingin ni Agnes kay Alfredo, namamanhid ang kaniyang katawan sa kabila ng malakas na pagkabog ng kaniyang dibdib. Inaamin niya sa sarili na sandali siyang nawala sa ulirat. Sumagi sa kaniyang isipan si Mateo. Naalala niya ang asawang naghihintay at walang nalalaman kung nasaan siya ngayon. Agad siyang tumalikod at naglakad pabalik sa silid at isinara ang pinto.
Napasandal si Agnes sa pinto at tinakpan ang mukha gamit ang kaniyang dalawang palad upang pigilan ang papausbong na luha mula sa halo-halong damdamin. Siya ang higit na nakakaalam ng pakiramdam ng taong pinagtaksilan. At ngayon ay nakagawa siya ng kasalanang naging sanhi ng kaniyang kasawian.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)
Historical Fiction"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...