[Kabanata 9]
Alfredo!
Kuya!
A...Alfredo!
Kuya...
Ang sanga ng puno na kinakapitan ni Alfredo ay tuluyang tinangay ng agos sa tabing pampang. Patuloy ang kanyang paghagulgol habang paulit-ulit pa ring tinatawag ang pangalan ni Gabriel. Tumigil ang malakas na agos ng ilog hanggang sa tumahimik ang buong paligid. Ni isang ingay ay wala siyang marinig, maliban sa kanyang paghikbi at paghinga.
Napansin ni Alfredo ang dalawang pares ng sapatos na nakatayo sa batuhan ng ilog. Basa sa tubig ang sapatos at may pumapatak pang tubig mula sa itaas. Dahan-dahang tumingala si Alfredo upang tingnan kung sino ang taong iyon.
Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita si Gabriel na nakatayo roon at nakatingin sa kanya. Maputla ang mukha at braso nito. Ang labi ay nangingitim, namumula ang mga mata at basa rin ang buhok at damit.
"Kasalanan mo ito. Bakit ka nanahimik? Pinabayaan mo ako!" sigaw ni Gabriel habang nanlilisik ang mga mata. "Ikaw ang pumatay sa akin!"
NAPABALIKWAS si Alfredo sa kanyang higaan saka napahawak sa kanyang dibdib. Basang-basa siya ng pawis, pilit na hinahabol ang kanyang paghinga kasabay ng mabilis na pagkabog ng kanyang puso.
Napanaginipan na naman niya ang nasaksihang pagkamatay ng kapatid. Ang boses nito habang tinatawag ang kanyang pangalan ay paulit-ulit na umuugong sa kanyang tainga. Pilit niyang ipinikit ang kanyang mga mata upang pakalmahin ang sarili.
Ilang segundo siyang nanatiling nakaupo habang hinihintay na kumalma ang sarili at bumalik sa normal ang paghinga. Madalas siyang bangungutin ng trahedyang iyon. Ilang taon na niyang iniinda mag-isa ang kalagayang ito.
Nang imulat ni Alfredo ang kanyang mga mata ay natagpuan niya ang sarili sa isang hindi pamilyar na silid. Dahan-dahan siyang bumangon at lumingon sa kaliwa at kanan ngunit walang ibang tao roon. Wala ang kanyang ama at ina.
Napansin niya ang daplis ng bala na tumama sa kanyang braso. Nagamot na ito. Muling nangilid ang luha sa kanyang mga mata nang maalala ang kanyang nakatatandang kapatid. Agad siyang lumundag pababa sa kama saka tumakbo papalabas ng silid sa pag-asang binangungot lamang siya at maabutan niya si Gabriel sa labas na naglalaro lang ng pana.
Ngunit bago pa niya mabuksan ang pinto ay napaatras siya nang bumukas ito at tumambad sa kanyang harapan ang taong hindi niya inaasahan. "Mabuti na ang iyong kalagayan, hijo?" ngisi ni Don Tomas Romero. Ang kulay abo nitong balbas at buhok ay nakakapagpaamo sa kanyang mukha ngunit taliwas iyon sa nararamdaman ni Alfredo, para sa kanya, ang matandang Don na iyon ay tulad ng mga aswang o halimaw na gumagala sa kagubatan.
Napahakbang paatras si Alfredo nang pumasok sa loob ang matandang Don. Naiwan sa labas ang alalay at kutsero nito. Ngayon lang napagtanto ni Alfredo na nasa ospital siya. Isinara ng alalay ang pinto at ang tunog ng pagsara nito ay umalingangaw sa buong silid.
Napapikit si Alfredo saka mariing tinakpan ang kanyang dalawang tainga. Kasinglakas nito ang putok ng baril na tumama sa kanilang magkapatid. "Sshhh... Huwag kang tumangis, hijo" malambing na wika ni Don Tomas dahilan upang mas lalong matakot ang bata.
Umupo ang Don sa tapat ni Alfredo saka marahang hinawi ang buhok nito tulad ng kung paano niya hinahawi ang buhok ng apong si Teodoro. "Naparito ako upang kumustahin ang iyong kalagayan. Nais ko rin ibalita sa 'yo ang sinapit ng iyong kapatid" napatigil si Alfredo sa sinabi ng Don saka dahan-dahang tumingin sa matanda.
"Ganiyan nga, tumingin ka sa akin at iyong pakinggang mabuti ang aking sasabihin" patuloy ng Don habang hinahawi ang buhok ni Alfredo. "Ano ang sinasabi ng matatanda ukol sa mga batang matigas ang ulo at hindi nakikinig sa mga nakatatanda?"
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)
Historical Fiction"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...