Kabanata 4 - Balete

93.4K 6K 10.2K
                                    

[Kabanata 4]

HINDI malaman ni Agnes kung bakit bigla siyang dumiretso nang tingin nang mapatingin si Alfredo sa gawi ng kalesang dumaan. Napahawak siya nang mahigpit sa kaniyang saya, ang kaniyang palad ay nanlalamig at namamawis.

"Señora, ayon sa matatanda ay may matandang puno raw po rito ng Balete kung saan maaari kayong humiling" wika ni Ana habang inililibot ang mata sa kabilang gawi ng kalesa. "Nasaan kaya iyon? Wala pa raw hiling na hindi nito pinagbigyan" patuloy ni Ana, napalingon sa kanila ang matandang kutsero.

"Nasa bukana ng kagubatan ang mapaghimalang punong iyon. Ibig niyo ho bang dalhin ko kayo roon bukas?" tanong ng matandang kutsero. Napangiti at napatango si Ana sabay tingin kay Agnes. Ngunit nawala ang kaniyang ngiti nang makitang nakapikit ang mga mata ng amo habang may luhang dumadaloy mula sa mga mata nito.

Napayuko na lamang siya. Sa kaniyang isipan ay dinadamdam ngayon ni Agnes ang mga sinabi ni Doña Helen habang nasa simbahan sila kanina.

Hindi mawari ni Agnes kung bakit pinangunahan siya ng takot. Ang sinumang asawa na makakakita sa kanilang asawa na may kalaguyo ay tiyak na lalaban at haharapin ito. Ngunit hindi niya iyon kaya. Hindi niya batid kung may karapatan ba siyang ipaglaban si Alfredo gayong sa simula pa lang ay si Emma na ang nagmamay-ari ng puso nito.


KINABUKASAN, maagang kumatok ang tagapagsilbi ni Doña Helen sa silid ni Agnes upang ipahatid ang ipinapasabi ng Doña na maghanda na ito dahil babalik na sila sa Kawit. Nakatulala lang si Agnes sa bintana, malamig na ang kape na tinimpla ni Ana para sa kaniya. Maging ang tinapay na may palaman na keso na nakapatong din sa mesa ay hindi niya pa nagagalaw.

"Pakisabi kay ina na bukas ng umaga ako babalik sa Kawit. Ibig ko pang magdasal ng isang araw dito" tugon ni Agnes nang hindi lumilingon sa kausap. Napatigil si Ana sa pagtutupi ng mga damit ni Agnes, ilalagay na sana niya ito sa maleta.

"Masusunod po, Señora" wika ng tagapagsilbi saka isinarado ang pinto.

Lumapit si Ana kay Agnes "Ipagtitimpla ko na lang ho kayo muli ng kape, Señora" wika nito at akmang kukunin sana ang kape ngunit ininom na iyon ni Agnes at nagsimula na siyang kumain.

"Kumain ka na rin at maligo. May mahalaga tayong pupuntahan" saad ni Agnes, sinubukang magsalita ni Ana ngunit pinili na lang niyang itikom ang kaniyang bibig. Hindi nagtagal ay natanaw nila sa bintana si Doña Helen at ang dalawang tagapagsilbi nito na pasakay na sa kalesa.

Napakunot ang noo ni Ana. Hindi siya makapaniwala na magagawang iwan ni Doña Helen si Agnes sa Bulakan. "Señora, may kasamang alikabok ang ihip ng hangin. Ang mabuti pa ho ay isara muna natin ang mga bintana" wika ni Ana, tumango lang si Agnes habang tulalang nakatitig sa pagkain na tila nawawala sa sarili. Agad sinara ni Ana ang mga bintana upang hindi makita ni Agnes ang pag-alis ni Doña Helen.


BAGO sumapit ang tanghali ay narating na nila ang matandang puno ng Balete na nasa bukana ng kagubatan. Nag-alay sila ng kandila tulad ng ginagawa ng ibang bumibisita roon. Mataas, mayabong ang sanga at dahon ng puno. "Ayon ho sa matatanda ay apat na daang taon nang nakatayo ang punong ito. Dito raw ho naninirahan ang mga diyos at diyosa na sinasamba noon ng mga katutubo" panimula ni Ana.

Napatingala si Agnes sa malagong puno. Sa tuwing umiihip ang hangin ay dahan-dahang nahuhulog ang mga dahon mula sa itaas. "Ibig niyo ho bang humiling dito, Señora?" tanong ni Ana.

"Ibig ko sanang magpalipas lang ng oras. Sapat na oras upang magkaroon ng sapat na lakas bago ko muling harapin ang bagay na ibig ko sanang iwasan" tugon ni Agnes, napaisip si Ana sapagkat hindi niya maunawaan ang sinabi nito.

May mga prutas, gulay at karne silang pinamili kanina sa pamilihan ngunit ang ipinagtataka ni Ana ay kung bakit hindi ito inihandog ni Agnes sa mahiwagang puno ng Balete. Makalipas ang ilang sandali ay tumalikod na si Agnes "Humayo na tayo" wika nito saka naunang naglakad pabalik sa kalesang naghihintay sa malayo.

Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon