[Kabanata 16]
MALUGOD na sinalubong ng punongmadre si Mang Pretonio. Nagagalak itong makilala ang isang taong nakasagip ng isang buhay. Mabilis na kumalat sa bayan ang pagbibigay ni Don Asuncion ng gantimapala at papuri sa matandang manggagamot.
Karamihan ay nagsasabi na nakatanggap daw ng malaking salapi ang manggagamot, hindi na raw nito alam kung saan pa ilalagak ang pabuyang kayamanan. Ayon naman sa ilan, magkakaroon na raw ng magandang posisyon ang manggagamot na iyon kahit walang certifico. May mga tao nga namang ipinanganak ng suwerte ika nila.
"Nagagalak lang din ho akong ipagbigay alam sa inyo na maayos ang kalagayan ni Liliana rito sa aming piling. Siya rin ay maaasahan at matalinong babae" papuri ni Sor Cecilia. Ang kapurihan ay nararapat sa pamilya ng taong nakagawa ng higit na kabutihan.
Panay lang ang tango ni Mang Pretonio, kung nagagawa niyang linlangin ang mga alagad ng simbahan ay batid niyang hindi niya malilinlang ang Diyos. Nababatid ng Poong Maykapal ang kanyang lihim at mga kasalanan.
"M-maaari ko ho bang makausap ang aking anak?" tanong ni Mang Pretonio nang makatyempo sa dami ng sinasabi ng punongmadre. "Aking nahihinuha na iyon ang dahilan ng iyong pagparito" ngiti ng punongmadre saka ipinatawag si Sor Fernanda upang ihatid si Mang Pretonio sa anak nito.
Samantala, abala si Agnes sa pagwawalis ng mga abo at alikabok sa pugon. Napatigil siya nang marinig ang pag-uusap ng dalawang kusinera. "Tiyak na paghihiganti ang pakay ng taong may matinding galit sa pamilya Salazar kung kaya't nagawa nitong balikan si Señor Alfredo" wika ng isa, napalingon sa kanila si Agnes nang marinig ang pangalan ni Alfredo.
Abala sa paghihiwa ng mga sangkap ang dalawang kusinera. "Nangangamba nga rin ako lumabas ngayon sa dami ng mga guardia sa paligid lalo na sa tahanan ni Don Asuncion" saad ng isa, hindi namalayan ni Agnes na humahakbang na siya papalapit sa dalawang kusinera.
"Mawalang-galang na ho, maaari ko bang malaman kung ang ano pong nangyari? May nagtangka po muli sa buhay ni Señor Alfredo?" gulat na tanong ni Agnes. Napatango ang dalawang kusinera habang patuloy pa rin sa pagluluto.
"Oo. Noong isang gabi ay may nanloob sa kanilang tahanan. Tinangkang saktan muli si Señor Alfredo. Ngunit nabigo ang salarin, pinaghahanap na ito ngayon ng mga guardia" tugon ng isa, hindi nakapagsalita si Agnes. Napatulala siya sa gulat.
"Siya nga pala, kilala mo ba si Señor Alfredo? Isa ka sa mga kasambahay nila?" tanong ng isa dahilan upang matauhan si Agnes. Napailing siya bilang tugon. "Hindi po. Wala po akong ugnayan sa kanya" tugon niya saka bumalik muli sa paglilinis ng pugon.
Nagtatakang nagtinginan ang dalawang kusinera dahil sa gulat na reaksyon ni Agnes na animo'y apektado sa nangyari kay Alfredo. Nagpatuloy na lang sila sa kanilang ginagawa at nag-usap ng ibang bagay.
Ilang sandali pa ay dumating si Sor Fernanda, "Liliana, sumunod ka sa akin" wika nito. Agad ibinaba ni Agnes ang walis at pandakot saka nagbigay galang at lumapit sa madre. Sinundan siya ng tingin ng dalawang kusinera na may malaking pagtataka.
Narating nila ang hardin kung saan naghihintay si Mang Pretonio. Nang makilala ni Agnes ang tindig ng kanyang ama ay naunahan na niyang maglakad si Sor Fernanda, "Itay!" tawag niya, agad lumingon si Mang Pretonio at ngumiti nang marahan nang makita ang anak.
Hinawakan ni Agnes ang magkabilang braso ng ama at pinagmasdang mabuti ang kalagayan nito. "Tila ikaw ay namayat, itay" puna ni Agnes, animo'y nadurog ang kanyang puso nang mapagtanto na nagutom ang ama sa loob ng bilangguan ng ilang araw.
Hinawakan ni Mang Pretonio ang kamay ni Agnes at tinapik ito nang marahan. "Huwag ka nang mabahala, anak. Mabuti ang aking kalagayan at hindi minasama ni Don Asuncion ang panggagamot ko sa kanyang anak" wika nito, hindi nakapagsalita si Agnes.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)
Historical Fiction"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...