[Kabanata 6]
Filipinas, 1885
UMAALINGAWNGAW ang tunog ng agunyas na alay ng pamilya Romero para sa ika-limang anibersaryo ng pagkamatay ng kanilang bunsong anak. Maaga pa lang ay nagtungo na si Don Rafael sa simbahan upang mag-alay ng dasal para kay Agnes.
Mula nang mawala ang kaniyang anak ay napabayaan na niya ang pagsisilbi sa bayan ng Kawit. Napalitan siya bilang alcalde mayor dahil sa kaniyang kapabayaan. Ang pinsan ni Don Asuncion Salazar na si Don Alvaro ang siyang pumalit bilang alcalde.
Ang kaniyang asawa na si Doña Vera naman ay naging masakitin. Matamlay, payat at madalas na tulala. Sinasabi ng ilan na kinukuha na raw ni Agnes ang kaluluwa ng kaniyang ina upang may makasama ito sa kabilang buhay. Ayon naman sa iba ay minamalas na ngayon ang pamilya Romero dahil galing naman sa nakaw ang kanilang kayamanan. Ang buhay ni Agnes ang naging kabayaran ng kasalanan ng kanilang angkan.
Tanging si Teodoro ang kumakayod upang matustusan ang pamumuhay at mga gamot ng kaniyang mga magulang. Nasa edad dalawampung-siyam na taong gulang na ito. Ang hula ng iba ay hindi na makakapag-asawa pa si Teodoro dahil walang sinumang binibini ang nais maipit sa sitwasyon ni Teodoro na kung saan ay kailangan niya pang buhayin ang kaniyang mga magulang.
Halos naibenta na rin nila ang kanilang mga lupain. Wala na ring natirang negosyo. Maging ang patahian na minana nila sa kanilang ninuno ay naglaho na rin. Nakatira na lamang sila sa isang bahay na sapat lang ang laki para sa kanila.
Wala sa sarili si Doña Vera habang nakatanaw sa bintana. Ang tunog ng agunyas na alay para sa kaniyang anak ay nagpapanumbalik sa malagim na balitang dumating sa kanila limang taon na ang nakararaan.
Nagsasalo sa agahan sina Don Rafael at Doña Vera gaya ng dating gawi. Kung maaari lang sana ay araw-araw nilang sabayan si Agnes sa pagkain sa tahanan nito ngunit nagmamadaling umalis si Agnes patungo sa Maynila. Ni hindi man lang ito nakapagpaalam nang maayos sa kanila.
Pababa ng hagdan si Teodoro habang binubutones ang kaniyang abrigo. Patungo na siya sa Maynila. Malayo pa lang ay naririnig na nila ang paparating na kabayo. Si Manang Oriana ang unang naglakad papunta sa pintuan upang salubungin ang paparating.
Ang katiwala ni Don Rafael ang dumating bitbit ang isang telegrama. Hindi pa tuluyang nakakatigil ang kabayo ay agad na itong tumakbo papasok sa mansyon. "Don Rafael! Don Rafael!" paulit-ulit na tawag ng katiwala na si Celso.
Agad tumayo si Don Rafael upang salubungin si Celso. Agad itong napayuko saka iniabot sa kaniya ang isang maliit na papel. "Mensahe mula po ng isang tinyente sa Maynila"
Kinuha ni Don Rafael ang papel saka binasa ito. Kinutuban at kinabahan sina Doña Vera at Teodoro nang makitang namutla sa gulat si Don Rafael. "Bakit? May masamang balita mula sa Maynila?" tanong ni Doña Vera ngunit hindi nakasagot si Don Rafael. Nabitiwan nito ang papel at nawalan ng balanse ang Don. Mabuti na lang dahil maagap siyang nahawakan ni Teodoro sa likod.
Pinulot ni Manang Oriana ang papel. Maging siya ay namutla at gulat na napatingin sa mag-anak na Romero. "Manang" ulit ni Doña Vera. Nababalot na ito ng matinding pangamba dulot ng mensaheng iyon.
"M-may masamang nangyari kay Agnes" ang tanging nasabi ni Manang Oriana ngunit batid nilang lahat na kakambal ng masamang pangyayari sa buhay ng isang tao ay kakambal ng kamatayan.
TULALANG nakatitig si Alfredo sa puntod ng kaniyang dating asawa. Nagdidilim ang langit, nagbabadiya ang pagbuhos ng ulan. Marahan ang ihip ng hangin. Mula sa daan-daang yumao na nakahimlay doon ay naroon ang babaeng minsang naging bahagi ng kaniyang buhay ngunit hindi niya pinahalagahan.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)
Historical Fiction"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...