[Kabanata 27]
PABALIK-BALIK ang lakad ni Emma sa loob ng silid ni Carlos. Hindi siya mapakali, kinakagat ang pudpod na kuko sa hinlalaki. Hindi niya lubos maisip kung kanino nanggaling ang mga mensahe na natagpuan niya sa opisina ni Alfredo.
Napahawak siya sa kaniyang sentido, ngayon ay malinaw na sa kaniya na kaya pala ilang buwang tahimik at wala siyang natatanggap mula sa estrangherong nagpapadala ng sulat ay dahil maaaring napupunta iyon kay Alfredo.
Napapikit si Emma, hindi rin mawala sa kaniyang isip ang posibilidad na si Alfredo rin ang nagsulat niyon. Sa kilos ni Alfredo ay hindi niya maitatanggi na maaari niya itong paghinalaan. Kahit gaano mo pa lubos na pinagkakatiwalaan ang isang tao, darating ang araw na magagawa ka pa ring talikuran nito.
Ngunit hindi niya lubos maisip kung ano ang pangunahing layunin ni Alfredo kung ito nga ang nagpapadala ng mga mensaheng iyon sa kaniya? Naging tapat siya at minahal niya ito nang lubos. Naniniwala siya sa kaniyang sarili na hindi siya nagkulang sa pag-unawa at pagmamahal kay Alfredo.
Napatigil si Emma nang marinig ang katok mula sa pinto at marahang pumasok si Alma. Nagbigay-galang ito sa kaniya, "Naipadala ko na po sa mensahero ang inyong liham, Señora" saad ni Alma, ang tinutukoy nito ay ang liham na isinulat ni Emma para sa kaniyang ina na naninirahan sa Bulakan. Matagal-tagal na rin nang huli silang nagkita, at sa mga nangyayari ngayon ay siya ang una niyang naalala.
"Gising na ba si Alfredo? Sabihin mo na nakahanda na ang agahan at hihintayin ko siya sa ibaba"
"Señora, maaga pong lumisan kanina si Señor Alfredo, ipinatawag siya ng isang madre" tugon ni Alma, nagtatakang napatingin sa kaniya si Emma.
"Nabanggit ba kung bakit siya ipinatawag?" tanong ni Emma, umiling si Alma bilang tugon. Sandaling napaisip si Emma, naalala niya ang bahay-ampunan na sinusuportahan din ni Alfredo bilang alaala sa yumao nitong asawa. Pinapamahalaan iyon ng ilang madre.
Napatingin si Emma sa liham na nakapatong sa kaniyang mesa kung saan nakasulat sa sobre ang pangalan ni Agnes. Nakuha niya rin iyon sa opisina ni Alfredo. Naalimpungatan si Carlos, ni hindi man lang tiningnan ni Emma ang anak, kung kaya't lumapit si Alma kay Carlos at tinapik nang marahan ang hita nito upang patulugin muli.
Lumapit si Emma sa mesa at kinuha ang liham, nabasa na niya iyon na siyang nakadagdag sa kaniyang mga alalahanin. "Alma, ipahanda mo ang kalesa bago magtanghali, magtutungo tayo kay doktor Ong"
Tumingin si Alma kay Emma na nakatitig sa liham. Wala siyang ideya kung ano iyon at kung ano ang mga natuklasan ni Emma sa opisina ni Alfredo. Ngunit ayon sa hitsura ni Emma ngayon ay batid niyang may natuklasan itong hindi inaasahan.
"Hindi na ako maghihintay pa, kailangan na nating gumawa ng paraan" patuloy ni Emma habang nakatitig sa liham na iyon na halos limang taon na ang nakalipas. Ang petsang nakasaad sa liham ay ang araw ng pagkamatay ni Agnes. Itinago niya ang liham sa pag-asang magagamit niya iyon balang-araw.
BUMABA sa kalesa ang kanang-kamay ni Don Asuncion na kilala sa pangalang Herman. May katungkulan ito sa hukbo at nakasuot ng uniporme. Magiliw na sinalubong si Herman ng serbidora sa panciteria. Umupo siya sa mesa at silyang malapit sa bintana.
Matapos pumili ng pagkain ay pinagmasdan niya ang nangyayari sa kalsada. Mahaba-haba ang paglalakbay na kaniyang tatahakin patungo sa Bataan ngayong araw matapos malaman na wala si Alejo sa bilangguan nito. Ipagtatapat niya sana kay Don Asuncion ngunit napag-alaman niya sa bantay na si Alfredo ang nasa likod ng paglaya ni Alejo.
Naisip ni Herman na mahuli muna si Alejo bago ibalita kay Don Asuncion ang ginawa ni Alfredo. Tiyak na sasaktan lang siya ni Don Asuncion sa oras na malaman nitong wala pa rin sa kamay nila si Alejo.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)
Historical Fiction"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...