Dear Sunshines,
Sa wakas ay nakaabot ka sa pagtatapos ng nobelang ito. Nais ko lang ibahagi sa inyo ang ilan sa mga mensahe ko para sa kuwentong ito.
Ang kuwentong ito ay taliwas sa pinaniniwalaan kong wakas na may hustisya. Ito rin ang unang kuwento na hindi ko sinunod ang paniniwalang iyon. Sa landas ng pagsusulat, marami tayong kailangan gawin na taliwas sa ating gustong mangyari. Nakikita kong isang pagsubok sa sarili ang paggawa ng bagay na taliwas sa ating pinaniniwalaan at nakasanayan.
Marahil ay nagtataka kayo kung bakit, tulad ng aking hangarin na hindi ito malayo sa tunay na nangyayari sa mundo, alam kong alam niyo na hindi lahat ng tao ay pinalad sa buhay. May mga taong isinilang na puno ng pasakit hanggang sa magwakas ang kaniyang buhay na tila hindi siya nilubayan ng kalungkutan. Iyon ang karakter ni Alfredo. Siya ay nabubuhay sa patay na lupain.
Nakapanghihinayang. Nakakalungkot. Masakit sa damdamin. Nakakaawa. Ngunit ito ang takbo ng buhay, kung kaya't pahalagahan natin kung ano ang mayroon tayo. Dahil hindi lahat ng tao ay kasingpalad natin. At ang lahat ng ating piniling desisyon sa buhay ay may kahihinatnan sa huli.
Nais ko ring gamitin ang pagkakataong ito upang iparating sa inyo kung gaano kahalaga ang papel ng isang magulang. Bilang magulang, tayo ang huhubog sa ating mga anak. Walang perpektong magulang sa mundo, ngunit hangga't maaari gawin natin ang lahat upang tayo ay maging karapat-dapat na magulang. Walang kakayahan ang bata na pumili kung sino ang kanilang mga magiging magulang, hindi nila kasalanan kung bakit sila dumaranas ng kahirapan at kalungkutan. Nawa'y gabayan natin ang mga buhay na ating binuo. Dahil ang dala nila ay pag-asa at bagong kabanata.
Bago ako tuluyang magpaalam sa kuwentong ito, nais kong balikan niyo ang huling sinabi ni Manang Oriana nang ikuwento niya ang totoong kinahinatnan ng paru-paro at adelpa.
Wala silang pinagsisihan. Anuman mangyari sa ating buhay, ang bawat desisyon, at landas na ating pinili ay marapat na ating panindigan. Sa huli, natatagpuan ang pag-ibig sa oras na natuto tayong humingi ng tawad, magpatawad at tanggapin ang ating mga naging pagkakamali.
Nagpapasalamat,
Bb. Mia
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)
Historical Fiction"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...