[Kabanata 22]
PINAGMAMASDAN ni Agnes ang pagbagsak ng tubig ulan sa mga tuyong dahon ng sementeryo. Yakap niya ang kaniyang tuhod habang nakasandal sa katawan ng isang malaking puno. Natauhan siya nang maramdaman ang gabardino na ipinatong ni Alfredo sa kaniyang balikat.
Muling sumandal si Alfredo sa tabi ng katawan ng puno. Nakasuksok ang kaniyang kamay sa magkabilang bulsa ng kaniyang pantalon. Pansamantala silang sumilong habang hinihintay na tumila ang ulan. Ibabalik sana ni Agnes ang itim na gabardino ni Alfredo ngunit nagsalita na ito.
"Pasensiya na... aking nakaligtaan ang ating huling usapan" wika ni Alfredo, hindi na niya nagawang ituloy ang sasabihin na mas lalong naging makahulugan ang kaniyang paghihinala nang malaman na walang laman ang libingan ng dating asawa.
Ang malulutong na tunog na nalilikha mula sa pagtapak ng ulan sa mga tuyong dahon ang naghahari sa nakabibinging katahimikan. Tulala si Agnes sa lupang unti-unting lumalambot, "Anong gagawin mo kung sakaling buhay nga siya?" tanong ni Agnes nang hindi tumitingin kay Alfredo.
Napatingin si Alfredo kay Agnes, ang likod at kaliwang bahagi ng mukha lang ni Agnes ang kaniyang nakikita. Sandaling natahimik si Alfredo, kung buhay nga si Agnes ay siguradong nagtatago lang ito sa pangalang Liliana.
"Ang totoo... hindi ko alam kung paano siya haharapin" tugon niya habang nakatingin kay Agnes na tulala sa malayo. "Nais kong maging totoo sa kaniya, gaya ng isang kaibigan na maaaring sandalan anumang oras" patuloy ni Alfredo habang ginugunita ang sinabi noon ni Agnes na ang tanging hiling lang nito ay magawa siyang ituring ni Alfredo na kaibigan kahit papaano.
"Sa tingin mo ba ay maaari pang mangyari iyon?" tanong ni Agnes na hindi pa rin lumilingon sa kaniya, "Kung magbabalik siya, paano ang asawa at anak mo ngayon?"
Sandaling hindi nakasagot si Alfredo, nanatili siyang nakatitig kay Agnes kahit pa hindi siya nito tinitingnan pabalik. "Maging komplikado man ang lahat, mas gugustuhin ko pa rin na buhay siya. Na hindi nasayang ang buhay niya dahil sa akin"
Dahan-dahang napalingon si Agnes kay Alfredo, hindi na niya nagawang magtanong muli. Ramdam niya mula sa mga mata ni Alfredo na ang hangad nitong buhay ang dating asawa at nabubuhay ito ngayon ng payapa at maligaya.
UMUWING basa sa ulan si Agnes. Agad siyang sinalubong ni Manang Inda at kinuhanan ng tuwalya. "Jusmiyo! Bakit ka nagpaulan, hija?" ngumiti nang bahagya si Agnes upang ipakita kay Manang Inda na mabuti naman ang kaniyang pakiramdam.
"Hindi ko po akalain na uulan" tugon ni Agnes, sandali lang tumila ang ulan kanina, ang sandaling pagtigil ay hindi nangangahulugan ng pagtatapos. "Ikaw ay maligo at magpalit agad ng tuyong damit" nag-aalalang wika ni Manang Inda saka agad inasikaso ang mainit na tubig na ilalagay sa pampaligo ni Agnes.
Alas-siyete ng gabi, madilim na ang paligid, patuloy pa rin ang pagbuhos ng ulan. Kakatapos lang nila mag-hapunan ni Manang Inda. Nagsabi si Selio na sa bahay ng sapatero muna siya mamamalagi ng ilang araw. Samantala, wala naman siyang ideya kung kailan makakabalik ang ama.
Marahang pinupunasan ni Agnes ang dulo ng kaniyang buhok habang naglalakad patungo sa kama. May sindi na ang lampara na sinindihan ni Manang Inda habang naliligo si Agnes. Nakalatag na rin sa kama ang malinis at tuyong bestidang pantulog.
Nang makapagpalit si Agnes ay naupo siya sandali sa silyang nakaharap sa maliit na mesa at nasa tapat ng bintana. Sarado ang bintana dahil sa lakas ng ulan ngunit ramdam niya ang malalakas nitong pagsusumamo at pagnanais na mapakinggan kahit saglit man lang.
Naalala ni Agnes ang napag-usapan nila ni Alfredo, ilang beses na siyang tinanong nito tungkol sa kaniyang pagkatao ngunit kailanman ay hindi niya sinagot ang mga katanungan nito. Bakit? Dahil ba sa hindi rin niya alam kung ano ang kaniyang nakaraan? Ang nakaraan na maaaring magturo na siya nga ang dating asawa ni Alfredo.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)
Historical Fiction"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...