[Kabanata 11]
MAAGANG sinasalubong ng mga tao sa bayan ang umaga. Ang mga magsasaka ay maagang nagtutungo sa sakahan, ang mga mangingisda ay naghahanda na rin sa laot at ang mga manggagawa sa bayan ay maagang nagsisipasok.
Maging ang bahay-panuluyan na tinutuluyan ni Alfredo ay abala na rin sa pagluluto ng agahan para sa mga bisita. Isinara na ni Alfredo ang kanyang bagahe saka tumayo at humarap sa salamin upang suriin ang kanyang ayos. Isinuot na niya ang sumbrero nang kumatok ang kutsero sa pinto.
"Señor, handa na ho ang inyong bagahe?" tanong ni Mang Lucio, tumango si Alfredo saka kinuha ang maleta at naglakad na papalabas sa silid. Agad itong kinuha ni Mang Lucio habang maingat silang bumababa sa makipot na hagdan na iisa lang ang maaaring makadaan.
Naunang bumaba si Alfredo, nakasunod sa kanya ang kutsero. "Natapos niyo na po ang lahat ng inyong sadya rito sa Bataan?" tanong ng kutsero, tumango si Alfredo nang hindi lumilingon kay Mang Lucio.
"Siya nga po pala, ako po'y nakapagpasiya niya. Nakausap ko na rin po ang aking asawa at mga anak. Sang-ayon po sila na manungkulan ako sa inyo" patuloy ni Mang Lucio, narating na nila ang ikalawang palapag. Napatigil si Alfredo sa pagbaba sa hagdan saka lumingon sa kutsero at tinapik ang balikat nito.
"Maraming salamat sa tiwala, Señor. Inyo pong asahan na ako'y buong tapat na maglilingkod sa inyo" wika ni Mang Lucio saka yumukod. Ngumiti nang kaunti si Alfredo saka isinuksok ang kamay sa bulsa. "Salamat din po sa pagtanggap ng aking pabor, Mang Lucio"
Magpapatuloy na sana sa pagbaba sa hagdan si Alfredo nang magsalita muli ang kutsero. "Akin po palang nakaligtaan na ibigay sa inyo ito" wika ni Mang Lucio sabay abot ng isang puting sobre. Kinuha ni Alfredo ang sobre na iyon, "Ipinadala ho iyan kagabi ng sekretarya ni Don Dario, ayon ho sa kanya nariyan po ang ilang tala mula sa mga lugar na tinirhan ng pamilya De Guzman, nalipon po ang mga impormasyon na iyan mula sa mga buwis na binabayad ni Mang Pretonio"
Napatitig sandali si Alfredo sa sobreng iyon. Ibinalik na lang niya ito sa kutsero nang hindi binubuksan. "Sunugin niyo na lang ho ito upang walang ibang makabasa" wika ni Alfredo dahilan upang magtaka ang kutsero.
"Marahil ako ay nahihibang na. Hindi tama na humingi ako ng tawad sa isang tao dahil lang sa kahawig niya ang taong ibig kong makausap. Ako'y namulat na magkaibang tao nga sila. May sariling pangalan, tirahan, pamilya, at higit sa lahat may sarili siyang buhay" patuloy ni Alfredo saka nagpatuloy na sa pagbaba.
Tumango na lang si Mang Lucio, nauunawaan niya ang punto ni Alfredo gayong magkakahawig ang kanyang mga anak na babae at ang mga pinsan nito. Ibinulsa na lang ni Mang Lucio ang sobre. Nang makasunod siya sa ibaba ay naabutan niyang nagbabayad na si Alfredo sa pananatili nito sa bahay-panuluyan. Palabas na ang kutsero nang maabutan si Mang Pretonio na nakatayo sa labas.
YUMUKOD si Mang Pretonio bago iabot ang papeles na nakapaloob sa isang paniklop. Nakatayo sila ni Alfredo sa likod ng bahay-panuluyan kung saan naroon ang bakanteng lupa na pinaglalagyan ng mga kagamitang kinukumpuni ng mga manggagawa sa bahay-panuluyan.
"Ito na ho ang dokumento at ang nilagdaan kong kontrata" panimula ni Mang Pretonio. Napatitig sandali si Alfredo sa bagay na inaabot sa kanya ng matandang manggagamot bago nagsalita. "Hindi ko na po balak bilhin ang inyong lupain. Inaasahan ko na mamuhay kayo rito ng payapa" tugon ni Alfredo.
Nagtatakang napatingin si Mang Pretonio kay Alfredo. "Hindi ba't naiibigan ng inyong ama ang lokasyon ng aming lupa?"
"Ang lahat ng sinabi ng inyong anak ay tama. Madali lang para sa isang may kaya na mabili ang isang lupa. Hindi dapat ganoon ang mayayaman. Minsan ko nang natunghayan ang masalimuot na dinanas ng isang pamilya nang maagawan sila ng lupa" patuloy ni Alfredo. Hindi nakapagsalita si Mang Pretonio.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)
Historical Fiction"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...