Kabanata 17 - Pagkakamali

83.9K 4.1K 6.3K
                                    

[Kabanata 17]

GULAT na napaayos ng upo si Agnes matapos siyang kausapin ni Alfredo. Hindi niya batid kung bakit bigla siyang nakaramdam ng kaba. Batid niyang ang sinabi nito ay hindi para sa kanya.

Maging si Alfredo ay napaisip at dahan-dahang umayos nang upo. Napahawak pa siya sa dibdib nang maramdaman ang pagkirot ng kanyang sugat. Nag-alala si Agnes, ang tunay na pakay niya kaya pumasok doon ay upang gisingin si Alfredo dahil mali ang pagkakatulog nito. Ngunit hindi niya nagawa.

"Sumakit ba ang iyong..."

"Anong ginagawa mo rito?"

Muli silang napatigil nang magkasabay sila sa pagsasalita. Si Agnes ang unang napaiwas ng tingin, kinagat niya ang kanyang ibabang labi saka tumayo. "H-hinahanap ko ang kura. Mauna na ako" mabilis niyang saad nang hindi tumitingin kay Alfredo. Dali-dali siyang naglakad papalabas ng tanggapan at ipininid ang pinto.

Nanatiling nakatingin si Alfredo sa nakasaradong pinto. Hindi siya makapaniwala sa nangyari. Buong akala niya ay naalala lang niya sa panaginip ang tagpong iyon sa silid-aklatan ng kanilang tahanan.

Samantala, nang marating ni Agnes ang palikong pasilyo ay tumigil siya sandali saka sumandal sa dingding upang pakalmahin ang sarili. Ipinikit niya sandali ang kanyang mga mata at huminga nang malalim.

Ilang sandali pa ay nakarinig ng mahihinang bulungan si Agnes mula sa di-kalayuan. Nang sumilip siya sa tabing pasilyo ay natanaw niya sina Sor Cecilia, Sor Fernanda at ang mga kasama nilang madre. Napansin ni Agnes ang isang mestizang babae na kasama nito. Sa tindig, pananamit at kilos pa lang ay nababatid niyang mayaman ang Doña.

Kausap ng Doña si Sor Cecilia habang mabagal silang naglalakad sa kahabaan ng pasilyo at tumigil sa tapat ng tanggapan ng kura. "Nasaan na si Liliana?" tanong ng punongmadre kay Sor Fernanda saka luminga-linga sa paligid.

"Marahil ay naligaw si Liliana" tugon ni Sor Fernanda. "Ipahahanap ko siya sa isang katiwala" patuloy nito.

Halos hindi naman nawawala ang ngiti sa labi ni Doña Helen, sa kanyang isip ay pinagpapala siya sapagkat nakasalubong niya rin ang lipon ng mga madre. "Pinapasok kami ng sakristan mayor sa tanggapan, naghihintay sa loob si Alfredo" wika ni Doña Helen saka binuksan ang pinto at naunang pumasok sa loob na tila ba pamamahay niya iyon.

Napakagat sa labi si Agnes habang nakasilip sa tabing pasilyo. Muli siyang nagpakawala nang malalim na buntong-hininga, mabuti na lang dahil nakaalis siya agad doon. Tiyak na mapapahamak sila ni Alfredo at baka kung anong isipin ng mga taong makakakita sa kanilang dalawa.

Tumunog na muli ang kampana, senyales na tapos na ang ikalawang misa sa umaga. Isinuot ni Agnes ang kanyang belo saka tinahak ang daan pabalik sa loob ng simbahan. Aabangan na lang niya mamaya ang mga madre sa labas kapag natapos na ang sadya nito sa kura ng Kawit.

Isinuot ni Alfredo ang sumbrero at nagbigay galang sa mga madreng kasama ng kanyang ina. Malugod din siyang binati ng mga ito at kinumusta ang kanyang kalagayan. Matapos ang ilang sandali ay nagawi muli ang kanilang atensyon sa mga kuwento ni Doña Helen tungkol sa mga pangitain at pagpapala na kanilang tinatanggap na batid ni Alfredo na wala namang katotohanan.

Halos hindi niya maintindihan ang pagpapalitan ng usapan sa loob ng tanggapan habang hinihintay ang kura. Hindi mawala sa kanyang isipan si Liliana na narito rin sa Kawit. Malaki ang pagkakahawig ni Liliana kay Agnes, batid ni Alfredo na maraming makakapansin niyon lalo na sa bayang ito na siyang kinalakihan ng kanyang dating asawa.

Walang anu-ano'y tumayo siya dahilan upang mapatigil sa pagsasalita si Doña Helen at mapatingin ang lahat sa kanya. Yumukod si Alfredo, "Ipagpaumanhin po ninyo ngunit may kailangan lang po akong gawin" wika nito saka nagmamadaling lumabas sa tanggapan.

Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon