Kabanata 12 - Kondisyon

89.4K 4.6K 5.4K
                                    

[Kabanata 12]

MAGKASUNOD na bumaba sina Mateo at Fernando sa kalesa. "Narito na tayo" wika ni Fernando, napatingin si Mateo sa kumbento. Taon-taon ay ginaganap ang pagsusuri ng kalusugan ng mga madre bilang bahagi ng pagkakawanggawa ng ospital.

Sinalubong sila ng madre na kanang-kamay ng punong madre. "Magandang umaga sa inyo mga ginoo. Tumuloy ho kayo" magalang na paanyaya nito saka itinuro ang bukas na pinto. Nagpakilala ang madre sa kanila na si Sor Fernanda. Ipinaliwanag nito kung gaano sila nagpapasalamat sa serbisyo ng ospital. Ang totoo ay nais din kunin ng ospital ang tala ng mga madre sa kumbento.

"Inyo hong ipabatid sa amin kung kailangan niyo ng tulong" patuloy ni Sor Fernanda habang naglalakad sila sa pasilyo. Naririnig na nila ang mga yapak pababa sa hagdan at ang mahihinang bulungan sa pinakamalaking silid.

Nabanggit ni Fernando na nauna nang dumating ang mga kaagapay nila sa pagamutan upang ihanda na ang mga kagamitan. Naroon na ang nagtatala sa tabi ng mesa habang maayos na nakapila ang mga madre.

Pinakilala ni Sor Fernanda sa mga estudyante ang dalawang doktor. Sabay-sabay na nagbigay-galang ang lahat. Yumukod din sina Mateo at Fernando at itinapat ang kanilang sumbrero sa kanilang dibdib.

Isang madre ang lumapit kay Sor Fernanda at bumulong. Hinihiling nito na makausap ang doktor na kagagaling lang sa Europa. Hinatid ni Sor Fernanda si Mateo sa tanggapan ng punong madre.

"Magandang umaga sa iyo, Señor Mateo" magiliw na bati ng punong madre. Kilalang magiliw sa lahat ngunit may pagkamahigpit si Sor Cecilia. Yumukod si Mateo saka bumati rin ng magandang umaga sa punongmadre. Inanyayahan siya nito maupo. Malaki ang tanggapan ng punong madre, maraming libro at santo sa bawat sulok. Amoy sampaguita rin ang loob ng silid dahil sa mga kuwintas na sampaguita na nakasabit sa leeg ng mga santo.

"Ibig kong ipaabot sa inyo ang aming pasasalamat sa serbisyong ito. Pagpalain kayo ng Poong Maykapal" wika ng matanda saka nakiusap kay Sor Fernanda na dalhan sila ng maiinom. Tinanong niya pa si Mateo kung ano ang ibig nitong inumin.

Patungo na sa kusina si Sor Fernanda nang tawagin siya ng isang madre dahil ang iba ay hindi pa bumababa sa kani-kanilang mga silid. Agad nagtungo si Sor Fernanda sa silid kung saan ginaganap ang pagsusuri nang makita niya si Agnes na nakasilip sa gilid ng pintuan.

"Liliana, maaari mo bang dalhan ng tsaa ang punong madre at ang bisita nito sa kanya ang tanggapan?" tanong ni Sor Fernanda na papasok sa pintuan. Nagulat si Agnes at agad nagbigay-galang saka dali-daling nagtungo sa kusina.

Nagtimpla siya ng dalawang tsaa saka nagtungo sa tanggapan ng punong madre. Naabutan niyang nakabukas nang kaunti ang pinto nito. Sumilip siya sandali, may kausap ang punong madre na isang lalaki. Hindi niya makita ang hitsura nito dahil sa nakatingin ito sa punong madre.

"Ang totoo niyan, nais ko sanang humingi ng pabor sa 'yo, hijo" napahawak ang punong madre sa kanyang lalamunan bago nagpatuloy sa pagsasalita. "Ang aking nakatatandang kapatid ay may may katandaan na, marami na siyang iniindang sakit sa katawan ngunit ang bagay na aking ikinakabahala ay ang kaniyang pagiging malilimutin. Kung minsan ay hindi na niya naaalala kung sino ako" napayuko ang punongmadre.

"Siya na lang ang natitira kong kapatid at pamilya. Ang kanyang anak ay nakapangasawa na ng isang mayamang kastila at nanirahan sa Europa. Wala na siyang ibang kasama kundi ang aming katiwala" dagdag ng punongmadre saka tumingin kay Mateo.

"Aking nabalitaan na isa kang mahusay na doktor. Kung maaari ay iyong suriin ang kalagayan ng aking kapatid" patuloy nito. Tumango si Mateo. Magsasalita pa sana ito nang marinig ang katok mula sa pinto.

"Narito na pala ang ating inumin, pasok ka hija" nakangiting bati ng punongmadre. Napayuko lang si Mateo, iniisip niya kung paano sasabihin sa punongmadre na baka sa katapusan pa ng buwan niya masusuri ang kapatid nito dahil magtutungo siya sa Sugbo sa sabado.

Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon