[Kabanata 33]
ILANG segundong nakatingin si Teodoro sa nakasaradong pinto ng kaniyang silid matapos siya dalhan ng tsaa ni Agnes. Magkasama silang lumaki, nababatid niya kung ang kapatid ay may itinatago o hindi sinasabi sa kanila. Ilang taon niyang pinakiramdaman ito nang makasal kay Alfredo, ang ikinilos ni Agnes at ang mga isinagot nito sa kaniyang tanong ay natutulad kung paano niya pinagtatakpan noon ang dating asawa.
Bago magtakipsilim ay lihim na pinasok ni Teodoro ang silid ni Agnes upang kunin ang talaan na batid niyang hawak ng kapatid. Ilang minuto siyang naghanap mula sa ilalim ng kama, aparador at mga maaaring ipitan na uwang ng mga dingding hanggang sa matagpaun ang talaan sa loob ng dala nitong tampipi.
Hindi malaman ni Teodoro ang dapat na maramdaman nang makita ang talaan. Hindi niya lubos akalain na magagawang magsinunggaling ni Agnes upang protektahan si Alfredo at ang pamilya Salazar na naging sanhi ng kanilang kasawian.
Bago lumisan si Teodoro ay kinausap siya ni Don Rafael sa silid nito. "Ano raw ang kailangan ni Mateo?" tanong ni Don Rafael, ipinakita ni Teodoro ang liham na ipinadala ng kaibigan, sandali itong binasa ng matandang Don.
"Hawak ni Agnes ang talaang tinutukoy ni Mateo?" pagkumpirma ni Don Rafael mula sa nabasa niyang liham. Napalunok si Teodoro, hindi niya mawari kung dapat ba sabihin sa ama na nagsinunggaling sa kaniya si Agnes.
"Nakuha ko na po" ang tanging tugon ni Teodoro, isang sagot na hindi tumutukoy kung ibinigay ba ni Agnes o hindi.
"Mag-iingat ka sa iyong paglalakbay pabalik ng Maynila. Ibig mo bang ipasama ko ang ilan sa ating mga manggagawa noon?"
Umiling si Teodoro, "Huwag na po, ama. Hindi ko ibig maghinala ang iba sa ating mga kilos. Gawin lang natin ang karaniwang ginagawa natin noon pa man."
Tinupi ni Don Rafael nang maayos ang liham saka ibinalik sa anak. "Siya nga pala, anong masasabi mo kay Mang Pretonio?" napatingin si Teodoro sa ama dahil sa tanong nito. Ilang linggo nang kaanib ng kaniyang ama ang matandang manggagamot kung kaya't nakapagtataka na ngayon lang ito magtatanong.
"Ibig niyo po bang malaman kung sa tingin ko ay mapagkakatiwalaan si Mang Pretonio?" paglilinaw ni Teodoro. Tumikhim si Don Rafael saka tumingin sa bintana. Alas-sais pa lang ng gabi ngunit madilim na ang paligid.
"Mahaba ang gabi ngayon. Nalalapit na rin ang Pasko. Nawa'y hindi natin makaligtaan ang pagdiriwang ng Pasko gayong hindi maganda ang hanging dala ng Amihan. Hindi sana tayo mapinsala nang lubusan."
Ibinaba ni Teodoro ang hawak na pluma saka tumayo at tumindig din sa tapat ng bintana. "Lahat tayo ay tatamaan ng hanging Amihan. Walang makakaligtas sa kaniyang malakas na ihip. Ang kaibahan lang ay may mga mananatiling nakatayo at babagsak matapos ang kaniyang pagdaan. Sa loob ng mahabang panahon ay nanatili tayong nakatayo, dahil umaayon tayo sa takbo ng hangin."
Tumingin si Don Rafael kay Teodoro, nakikita niya ang talino at tindig ni Don Tomas na kaniyang kinatatakutan mula pagkabata. Nababatid ni Don Rafael ang karamihan sa katiwalian at kasamaan ng kaniyang ama kung kaya't pinatunayan niya na maaari siyang mamuno nang hindi sumusunod sa yapak ng yumaong ama.
Ngunit sa nakikita niya ngayon sa panganay na anak, nararamdaman niya ang kaparehong takot mula sa mga mata nito. "Hindi ako nagtitiwala kay Mang Pretonio. Hindi rin ako naniniwala na ang hangad lang niya ay ang kaligtasan ni Agnes. Lahat tayo ay may pangunahing hangarin, ngunit hindi iyon nangangahulugan na wala na tayong iba pang ibang nais."
Tumitig si Teodoro sa matamlay na parol na nakasabit sa katapat na bahay na ilang metro ang layo sa kanila. "Ipinaliwanag niya ang dahilan kung bakit niya ibig paslangin si Alfredo. Naniniwala ako sa poot na kaniyang nararamdaman sa pamilya Salazar. Ngunit nararamdaman ko rin ang kaniyang hangarin na tapusin ang buhay ni Alfredo upang hindi ito maging sagabal sa pamumuhay ni Agnes sa pangalan ng kaniyang anak." Patuloy ni Teodoro, hindi na niya sinabi na nakasisiguro siya na may pagtingin pa si Agnes kay Alfredo.
BINABASA MO ANG
Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)
Historical Fiction"Wattys 2021 Winner in Historical Fiction Category" Si Agnes Salazar y Romero ay ikinasal sa lalaking malabong masuklian ang kaniyang pagmamahal dahil sa matinding galit nito sa pamilyang kaniyang kinabibilangan. Ang kanilang pagsasama ay puno ng l...