Kabanata 19 - Simula

79K 4K 7.8K
                                    

[Kabanata 19]

TAIMTIM na pinagmamasdan ni Mateo ang itim na balisong na mula kay Mang Pretonio. May kalumaan na ito ngunit nahasang mabuti ang patalim. Napukaw ang atensyon ni Mateo sa disenyo ng ahas na detalyadong nakaukit sa balisong. Ang ahas ay simbolo ng lunas sa medisina na mula sa Bibliya. Ngunit ang ahas ay nagdadala ng lasong nakakapinsala. Lunas at lason ang simbolo nito.

Pumapasok ang sariwang hangin mula sa malaking bintana ng silid ni Mateo. Sandali siyang natigil sa paghahanda nang mapansin ang balisong na iyon sa tabing mesa. Naalala ni Mateo ang naging pag-uusap nila ni Mang Pretonio na ilang gabi pa lang ang nakararaan.

Sandaling pinagmasdan ni Mateo ang balisong nang kunin niya ito sa kamay ni Mang Pretonio. Ang anino ng balisong sa pader ay malaki na tila ba anumang oras ay sasakupin na rin siya ng dilim.

"Ang tanging hangad ko lamang ay ang kaligtasan ni Agnes" wika ni Mateo saka tumingin kay Mang Pretonio, "May sakit na ang kanyang ina, sa aking palagay ay hindi na magtatagal ang buhay nito"

"Aking nauunawaan ang iyong ibig iparating. Batid ko ang pakiramdam na mawalan na mawalan ng anak. Ngunit kung magiging padalos-dalos tayo, hindi natin matitiyak ang kaligtasan ni Agnes. Wala nang kakayahan si Don Rafael upang protektahan ang kanyang samabahayan, lalong-lalo na si Agnes" mahinahong tugon ni Mang Pretonio.

"Ano sa tingin mo ang sasapitin ni Agnes sa oras na malaman ni Asuncion na buhay ang kanyang manugang na kanyang ipinapatay? Malamang ay hindi na siya magdalawang-isip na tuluyan ito hangga't wala pang naaalala si Agnes"

"Ngunit maaari naman nating ilihim ito kasama ang kanyang pamilya" suhestiyon ni Mateo ngunit umiling nang marahan si Mang Pretonio.

"Iyo namang nababatid na walang lihim na hindi nabubunyag" saad ni Mang Pretonio. Sa bawat araw ay inihahanda niya na darating ang araw na malalaman ng lahat ang kaniyang lihim.

"Darating ang panahon na maaaring magbalik ang alaala ni Agnes, gaya nga ng inyong sinabi, wala kayong maililihim sa kanya" saad ni Mateo ngunit nanatiling kalmado si Mang Pretonio na tila ba batid na niya na hindi ganoon kadali mapapayag si Mateo.

"Batid kong darating ang araw na iyon ngunit hindi ba't mas mabuti kung nasa mas maayos na kalagayan na si Agnes? Kung saan malayong matagpuan siya at pagtangkaan muli ang kanyang buhay" hindi nakasagot si Mateo, sa lahat ng sasabihin niya ay may makabuluhang sagot si Mang Pretonio.

"May posibilidad din na hindi na bumalik ang kanyang alaala, aking nababatid na alam mo 'yan" dagdag ni Mang Pretonio. Natahimik si Mateo, hindi ganoon kalawak ang kaalaman niya pagdating sa utak ng tao. Mas pinag-aralan niya ang mga buto.

Bukod doon ay kilala rin ng lahat na abusado si Don Asuncion. Wala pa silang sapat na katibayan na magpapatunay na may kinalaman ito sa nangyari sa anak ni Mang Pretonio at ang trahedyang sinapit ni Agnes at ng mga kasama nito.

Kinuha ni Mang Pretonio ang isang kuwaderno na nasa ilalim ng mga libro. Binuklat niya iyon at iniabot kay Mateo, "Nariyan ang lahat ng plano" nanlaki ang mga mata ni Mateo sa gulat nang mabasa ang mga nakasaad sa kuwaderno. Naroon din ang ilang detalye ng iba pang mga plano kung hindi magtatagumpay ang unang nakahanda.

"Kaya nagpapatuloy ang kasamaan ay dahil hinahayaan lang natin ang mga tulad ni Asuncion. Ilang taon akong nanahimik. Pinili kong kalimutan ang nangyari sa aking anak upang protektahan si Agnes. Ngunit hindi laging nagtatago ang mga daga, hindi sa lahat ng oras ay nagkukubli sila sa dilim habang nangangamba kung bukas ba ay sasapitin pa nila ang umaga. Kung malalaman lang ng mga daga na takot din sa kanila ang mga tao, hindi sila mag-aatabuling maunang lumusob"

Lo Siento, Te Amo (Self-Published under Taralikha)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon