44: Ingat

7.6K 122 32
                                    

— SASHA —

Alas-dyis na nang marinig kong bumukas ang pinto sa sala. Kanina pa kami nakauwi ni Josh, pero ngayon lang dumating si Jolo. Ilang minuto rin akong naghintay na marinig ang pagpanik niya pero marahil ay sa sala na lang siya nagpahinga dahil hanggang sa muli akong makatulog ay hindi ko narinig na bumukas ang pinto ng office kung saan siya natutulog.

Madaling-araw nang magising ako sa pag-iyak ni Josh at nakitang nakatayo na si Jolo sa gilid ng kuna niya upang buhatin siya. "Matulog ka na ulit," bulong niya sa akin habang hinehele si Josh. "Ako na bahala."

Heto na naman kami at bumalik naman sa pag-iilangan. Hindi ko na tuloy alam kung tama ba ang ginawa kong pagkompronta sa kaniya kanina.

Kung iisipin, ako ang nakipaghiwalay sa kaniya noon at kahit na sinubukan niyang makipag-ayos sa akin ay tinanggihan ko siya. Wala kaming relasyon na dalawa, kaya siguro nga ay malaya siyang magbigay ng singsing sa kahit na sino pang gustuhin niya.

Singsing lang naman iyon.

Kapirasong pilak.

Kahit hindi ako nagsabi at kahit hindi siya nangako sa akin ay nandito naman siya ngayon at inaalagaan ang anak namin.

Hindi ko na alam kung anong iisipin.

"Magkaibigan lang kami ni Tiffany," bulong ni Jolo. Nakatalikod siya sa akin at tanging mukha lang ni Josh na nakapatong sa balikat niya ang nakikita ko. "Paulit-ulit kong sasabihin kasi iyon iyong totoo. Malinaw na iyon sa aming dalawa, Sash. Hindi na iyon lalagpas pa ro'n."

Pinili ko na huwag na lang sumagot dahil ayaw kong magkamali ng sasabihin. Pinanood ko lang siya habang pinapatulog niya si Josh na tumigil na sa pag-iyak pero dilat na dilat pa rin ang mga mata.

"Iyong sinabi ko na wala na, sa totoo lang, hindi ko alam kung bakit ko sinabi," muling bulong niya. "Hindi totoong wala na. Hanggang ngayon, ikaw pa rin."

Napaka-kaswal lang ng pagkakasabi niya. Walang arte, walang lambing, walang paligoy-ligoy.

"Sorry... sa lahat." Malalim ang boses niya pero nakatalikod siya sa 'kin kaya hindi ko makita kung ano ang emosyon sa mga mata niya. "Sorry, wala ako sa tabi mo no'ng panahong kailangan mo 'ko."

Mula sa hinihigaan ko ay natatanaw ko ang pagtaas baba ng balikat niya, senyales ng mabigat niyang paghinga.

"Paano ba 'ko makakabawi sa 'yo?" tanong niya. Sa sobrang hina ng boses niya, hindi ko na tiyak kung ako pa ba ang kausap niya o sarili niya. "Paano ba kita mababawi?"

Panaginip lang siguro ang nangyari dahil nang magising ako ay wala na ulit si Jolo at pati na rin si Josh. Mayro'n akong shift ngayon sa restaurant kaya kailangan kong dalhin si Josh kay mama para makapagtrabaho ako. Naririnig kong may tumutunog sa sala kaya madali akong tumayo mula sa kama at lumabas ng kwarto.

Nagulat na lang ako nang maabutan si Josh na nakasuot ng Santa Claus na costume at nakaupo sa ilalim ng isang maliit na Christmas tree. Hindi pa siya nakakaupo nang mag-isa, kaya't pinalibutan siya ng maraming mga throw pillow para makapuwesto nang maayos.

"Jolo!" kabadong sigaw ko habang tumatakbo palapit kay Josh.

"Oh?"

Just for Jolo (Dawson University Series #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon