EARTHION(ANG BAGONG SANSINUKOB) 5
FINDING CLUES
Naalimpungatan ako kaya't nakusot ko ang mata ko. Tuluyan akong napamulat at nanlaki ang mata ko dahil sa isang hindi pamilyar na lalaki ang nakatayo sa gilid ng kama ko.
"Gumising ka na. Dahil gusto kong ako mismo ang bumawi ng kamalayan mo."
Pagkasabi niyon ay agad ako nitong hinawakan sa leeg. Sumilay ang ngiti sa kanyang labi. Ngunit hindi ko ikinatuwa ang ngiting iyon. Pahigpit ng pahigpit ang pagkakasakal niya sa akin. Halos hindi na 'ko makahinga.
"S-sino k-ka?"
Inilapit niya ang mukha niya sa mukha ko. Saka ngumiti ng pagkalapad-lapad. Kitang-kita ko ang pula niyang mata. Nasilayan ko roon ang sarili kong nakabaliktad. Walang kahit anong kulay ang mata niya kundi pula. Ngunit malinaw doon ang imahe ng sarili kong nakabaliktad.
"S-sino ka b-ba?" Pinilit ko pa rin ang magsalita kahit halos kapusin na ako ng hininga.
Imbis na sumagot ito ay tumawa ito ng pagkalas-lakas at unti-unti akong iniangat mula sa pagkakahiga. Tanging sa leeg ko lamang siya nakahawak. Nakikita ko ang paglutang niya sa hangin.
Ramdam na ramdam ko ang mahigpit na pagkakahawak niya sa leeg ko. Napakalakas niya. Ramdam ko rin ang sakit dahil sa pagpiga niya sa leeg ko. Ngunit hindi ko alam kung bakit hindi pa ako nalalagutan ng hininga.
Patuloy lang itong tumatawa na parang hindi siya nagsasawa. Binaling ko ang paningin ko sa gilid kahit hindi ko maipihit ang ulo ko.
Nasaan ako? Nasa kuwarto lang kami kanina.
Ngunit ito...hindi pamilyar sa akin ang lugar na ito.
Nagbibitak-bitak na ang lupa. Ngunit dinidilig ito ng dugo.
Biglaan ang pag-ugong ng ingay.
Naghihingalo ang mga tao. Ngunit pinagpipiyestahan lamang sila ng mga halimaw. Naghihingalo ang mga tao. Ngunit wala na silang buhay.
"Iyan ang mangyayari sa hinaharap. Ngayon ang hinaharap. Wala na kayong panahon pa upang manatiling buhay. Mawawala kayong lahat at ako... Kami ang maghahari sa mundo. Hindi kayo nararapat dito. Wala kayong alam kundi ang gumawa ng kasalanan. Naubos na ang pagkakataon para sa inyong mga tao. Ngayon... Ngayon ang panahon upang kami... Kami naman ang mabuhay. Kami ang nararapat dito at hindi kayo!"
Ibig sabihin...Ito ang daigdig?
Ito na ba ang...Earth?
Gumagapang ang luha ko ng hindi ko namamalayan.
Gusto ko silang tulungan. Gusto kong tulungan ang mga tao upang mabuhay. Ngunit hindi ko kaya. Mahigpit ang pagkakahawak niya sa leeg ko.
Hindi ako makawala.
"Hindi mo na sila maliligtas. Wala kang kakayanan upang pigilin ang naisulat na. Nakatakda na ito at wala ka nang magagawa. Isa ka lang makasalanan at inutil na nilalang. Lahat kayo ay walang karapatan upang mabuhay sa isang masaganang lupain."
Mas lalong humigpit ang pagkakasakal nito. Iniangat pa niya ako lalo. Hindi ko na kayang humigop pa ng hangin.
"Ngunit may Diyos ako. H-hindi niya kami pababayaan!"
Tumawa pa ito ng malakas.
"Diyos din namin s'ya! Ngunit hindi siya naging patas sa amin. Kayo lamang ang nagkaroon ng pagkakataon. Habang nagpapakasaya kayo, nakakulong kami. Nakakulong kami sa kawalan. Napuno ng dilim at pighati ang paningin namin. Sa matagal na panahon. Kami naman ang dapat na mabuhay. Hindi kayong makasalanan!"
BINABASA MO ANG
Earthion:Ang Bagong Sansinukob
Fantasy"Humans had their turn.Time will come, other creatures will rule the world. Unluckily...they're not humans."-Aice Hindi ko alam kung lahat ba tayo ay mabubuhay. Hindi ko alam kung kailan ba matatapos ang lahat ng 'to. At mas lalong hindi ko alam kun...