LIVING ENTRY #1

266 10 2
                                    

DEAR DIARY,

     Unang araw ng klase bilang grade-12 student ay na detention kaagad ako. Paano ba naman kasi, habang nasa kalagitnaan kami ng quiz sa subject ni Mrs. Sandoval ay may bigla na lang nagbato ng gusot na papel patungo sa inuupuan ko, hindi ko alam kung kanino 'to galing dahil nasa quiz ang buo kong atensiyon. Wala ako nagawa, diary, kung hindi ang pulutin ang papel dahil ayaw kong makakita ng kalat. Dagdag lang 'to sa pagkasira ng ating kalikasan, ayaw ko ng gano’n.

     At ayon nga diary, nakita ako ni Mrs. Sandoval na hawak ang papel na kakapulot ko lang. Istrikto ako nitong tinanong kung ano iyong hawak ko, sinabi ko naman sa kanya ang totoo dahil baka magalit pa ito. Ipagpatuloy na sana ni Mrs. Sandoval ang quiz namin, nang bigla nalang nagtaas ng kamay si Mia, isa sa mga kaklase ko na lagi na lang akong pinagti-trip-an simula bata pa lang kami. Sinabi ni Mia kay Mrs. Sandoval na nag-cheat daw ako sa quiz niya, at iyong hawak ko daw na papel ang pruweba. Nagalit si Mrs. Sandoval sa narinig niya mula kay Mia, kaya tinanong niya ako kung ano ang nakasulat sa papel na hawak ko. Sinabi ko sa kanya na hindi ko alam dahil hindi ko naman ito binuksan.

     Pinabuksan sa akin ni Mrs. Sandoval iyong hawak kong papel, diary, para daw malaman kung ano ang laman nito. Umiyak ako nang makita ko kung ano ang nakasulat doon. Iyon 'yong diniscuss sa amin ni Mrs. Sandoval bago kami mag-quiz. Nagalit ng husto si Mrs. Sandoval kaya pinalabas niya ako sa classroom namin at pinapunta nga sa detention room. Pero bago ako makalabas, nakita ko ang masasayang mukha ng mga kaklase ko, lalong-lalo na kay Mia Herrera. Samantalang si Mrs. Sandoval naman ay galit na galit akong tinapunan ng tingin.

     Lagi na lang. Lagi na lang nila akong pinagkakaisahan, diary, para sa kanilang kaligayahan. Samantalang kahit kailan ay hindi naman ako nakialam sa kanilang buhay. Okay lang naman sa akin na wala akong kaibigan, diary, okay na okay lang sa akin na ako lang ang mag-isa dahil sanay na ako... Pero wala nga akong kaibigan, ngunit ganito naman ang ginagawa sa akin ng mga kaklase ko. Hindi ko kaya ang mga pinag-gagawa nila. Kaya para maiwasan ko ang gulo, kinikimkim ko na lang ang saloobin ko sa kanila.

     Nakayuko pa ako kanina habang lumuluhang naglakad papunta sa detention room, diary. Nang nasa harapan na ako nito, pinunasan ko ang luha ko bago ako pumasok doon. Tinanong naman ako kaagad ng disciplinary teacher kung ano ang nagawa ko at bakit ako napadpad doon. Sinabi ko nalang sa kanya na nahuli ako na nag-cheat sa quiz ni Mrs. Sandoval. Napa-iling ang disciplinary teacher nang marinig ang sinabi ko sa kanya at napag-desisyonan niya na maglinis nalang ako sa buong library.

     Ala singko y medya na nang makauwi ako dito sa bahay, diary, samantalang alas kwatro ang uwian galing sa skwelahan. Kaya pinagalitan na naman ako ni Tiya Marcela. Pagkatapos no’n ay pina-akyat na niya ako sa kwarto ko para makapagbihis at makapagtinda na rin. Pero bago ako nakapunta sa kwarto ko, diary, nakasalubong ko si Kuya Aldrin, ang anak na lalaki ni Tiya Marcela. May bitbit itong chitchiria at coke na nasa babasagin na bote. Huminto sa paglalakad si Kuya Aldrin at hinarangan niya ako sa dadanan ko. Seryoso ako nitong tiningnan sabay sabi niya na, “Nabalitaan kong, nag-cheat ka daw sa quiz ninyo kay Mrs. Sandoval kanina.”

     Naistatwa ako sa kanyang sinabi, diary, hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko kay Kuya. Baka isumbong pa niya ako kay Tiya Marcela, lagot na naman ako nito. Diary, ano’ng gagawin ko?

—Hanna

———
Thank you for reading!
@Un_iiink

Living With Nothing | Published Under Ukiyoto Publishing HouseWhere stories live. Discover now