LIVING ENTRY #22

162 5 0
                                    

DEAR DIARY,

     Ito na yata ang pinakamasamang kaarawan na naranasan ko. Naiiyak na naman ako. Umiiyak na naman ako, diary, haaay! Para na namang binibiyak ang ulo ko. Sobrang sakit na, diary, minsan ko pang pinukpok ang ulo ko dahil sa sobrang sakit nito.

     Dalawang araw na akong nandito sa hospital, diary. Hindi pa ako pinapauwi ng doktor dahil kailangan ko pa daw magpahinga nang ilang araw. Kahapon ko pa talagang gustong umuwi, diary, dahil wala naman akong balak na manatili nang matagal dito sa hospital dahil wala akong pera pangbayad sa bills.

     Papagalitan na naman ako ni Tiya Marcela nito, diary. Kaso, ayaw talaga nila akong paalisin dito. Mahigpit ang pagbabantay sa akin ni Kuya Moi. Kung hindi sana ako tumakas kahapon, eh 'di sana hindi mahigpit sa pagbabantay si Kuya Moi sa akin ngayon.

     May naganap kasing marathon dito sa hospital kahapon, diary. Kahapon kasi, no'ng mapansin kong nakatulog si Kuya Moi sa sofa na nasa gilid lang ng hinihigaan kong kama dito sa hospital ay dahan-dahan kong tinanggal ang dextrose sa kamay ko at sa maingat ding bumaba. Laking tuwa ko pa nga kahapon no'ng makalabas ako ng k'warto, pa-simple pa akong naglakad habang tinatabunan ang pulso kong dumudugo dahil sa dextrose para hindi nila mapansin na pasyente ako na tumatakas.

     Sa isip-isip ko kasi kahapon kaya ako tumakas ay si Kuya Moi na lang muna ang bahala sa bayarin sa hospital dahil wala akong pera, at babayaran ko na lang siya kapag may sapat na akong naipong pera.

     Tapos no'ng makahakbang na ako palabas sa main door ng buong hospital, diary, ay hinarangan kaagad ako ng guard. Hiningian pa ako nito ng visitors ID. Wala ako no'n, diary, dahil alam mo namang ako ang pasyente. Paniguradong na kay Kuya Moi iyon.

     Tumahak na lang ako sa ibang direksyon, diary, para makahanap ng ibang door exit na pwedeng malusutan. Bakit pa kasi may pa-ID ID pang nalalaman itong hospital na 'to. Wala tuloy akong nagawa kahapon nang makasalubong ko si Kuya Moi na may kasamang dalawang nurse, huhu. May marathon tuloy na naganap sa hospital kahapon, diary, nang dahil sa akin.

     At ngayon, diary, nandito pa rin ako sa kwartong ito. Nakahiga, nakatulala habang may nakakabit na dextrose sa kaliwang kamay, at hindi makakalabas ng k'warto dahil naka-lock ito pati may isang bantay.

     Hindi si Kuya Moi ang bantay sa akin ngayon, diary, umalis siya saglit dahil may importante daw siyang pupuntahan, kaya itong isang nurse na ito ang kasama ko ngayon sa kwartong 'to. Ano kaya ang pinagkaabalahan ng kulot na iyon, diary?

     Namimilipit na naman ako sa sobrang sakit, diary, parang gusto ko nang mawala dito sa mundo para wala na akong iindahin pang sakit. Kahit na gusto ko nang sumigaw nang pagkalakas-lakas ay pinipilit ko na lang na maging kalmado ang aking itsura at kilos upang hindi ipahalata sa nurse na may masakit na naman sa akin. Ayaw ko nang magtagal pa dito, diary, sobra-sobra na talaga ang pagtulong sa akin ni Kuya Moi, hindi ko na alam kung paano ko ito masusuklian.

     Diary, tulungan mo naman akong mag-isip kung paano ako makalabas dito sa hospital na 'to, oh. Bahala na kung sobrang sakit pa nitong ulo ko, gusto ko na talagang makauwi baka nag-alala na sila Tiya Marcela sa akin dahil ilang araw na din akong wala sa bahay. Ako na lang ang bahalang magpaliwanag kay Kuya Moi, diary, kapag nahuli ulit tayong tumakas. Sige na, diary, nagmamakaawa ako sa iyo, tulungan mo na ako.

—Hanna



———
Thank you for reading!
@Un_iiink

Living With Nothing | Published Under Ukiyoto Publishing HouseWhere stories live. Discover now