LIVING ENTRY #11

173 5 0
                                    

DEAR DIARY,

      Ang hiling ko noong isang-araw ay hindi tinupad ng mga naggagandahang tala mula sa kalangitan. Iyong araw lang na 'yon naging mabuti sa akin si Tiya, diary. Dahil kahapon ay binubungangaan na naman ako nito dahil hindi ko naubos ang mga paninda kong basahan. Noong isang-araw lang ata ako siniswerte, diary. Akala ko ay magtuloy-tuloy na iyon.

     Araw ng lunes ngayon, diary. Pasukan na naman. Pangalawang linggo na sa pagsisimula ng klase. At panibagong linggo para sa akin sa pagtitiis sa mga istudyanteng mapangutya. Alas k'watro akong nagising dahil binulabog ako ni Tiya sa aking pagtulog para matulungan ko siyang magluto. Gusto ko pa sanang matulog dahil inaantok pa ako, pero kailangan kong ipagpaliban ang aking kaunting katamaran sa katawan para makatulong kay Tiya Marcela.

     Lumpiang shanghai ang niluto namin ni Tiya Marcela, diary. Siya ang nagtimpla nito at ako naman ang taga-balot nito sa wrapper. Pagkatapos kong ibalot ang mga ito ay si Tiya na naman ang nagprito. Mahigit dalawang daan din ang nagawa namin ni Tiya, diary, at mabuti na nga lang dahil hindi niya ako pinapatinda ngayon sa iskwelahan. Ang sabi nito ay siya na ang magtitinda dahil marami ang nag-request sa kanya kahapon na iyon ang itinda niya ngayong araw, tapos ako na daw ang bahala sa pagtinda mamayang gabi, basta ay mabenta ko daw lahat ang mga mapinda ko.

     Haaay! Naiinis na talaga ako dito sa mga kaklase ko, diary. Inis lang, diary, ah, hindi galit. Paano ba naman kasi, sinong hindi magagalit kung pagkabukas mo pa lang sa pintuan ng inyong classroom ay may bigla na lang natapon sa iyong ulo. Tapos malalaman mong tubig kanal pala ito. Oo, diary, tubig kanal ang sumalubong sa akin pagkapasok ko sa classroom namin. Sobrang baho talaga nito, pati ako ay amoy kanal na din dahil halos ipinangligo ko na ito.

     Puno na naman ng tawanan ang buong silid namin, diary. Tawa ng mga kaklase kong masaya sa nangyari sa akin. Samantalang ako ay hindi na makagalaw dito sa aking kinatatayuan, nanatiling nakatayo at nakahawak pa rin sa siradura ng pinto. Tumulo na naman ang mga luha mula sa aking mga mata. Diary, hanggang kailan nila ako gaganituhin? Hanggang kailan sila titigil? Kapag ba, wala na ako sa mundong ito? Ha, diary?

     Sasalampak na sana ako sa sahig dahil nangangatog na ang tuhod ko sa kahihiyan sa kanilang ginawa nang may mga brasong bigla na lang sumalo sa akin. Natahimik ang buong silid dahil sa kanilang nakita. Gulat ang mga itong nakatingin sa taong nasa aking likuran. Bakit, diary, sino ba ang nilalang na ito?

     At dito ko napagtanto kung sino siya nang magsalita na ito. “Are you okay, Amber?” mahinang bulong nito sa aking tainga kahit basa na ng tubig kanal. Pamilyar, sobrang pamilyar ng boses niya, diary, na kahit ilang araw din kaming hindi nagkita. At isa lang din ang taong tumatawag sa aking pangalawang pangalan.

     Dahan-dahan akong tumingala upang makaharap at makumpirma kung tama nga ba ang hinala ko kung sino ito. At nang makita ko na ang itsura nito ay naiiyak na naman ako dahil sa pangatlong pagkakataon ay iniligtas at tinulungan na naman niya ako. “K-kuya Moi,” mahinang sambit ko.

     “Are you okay?” pag-uulit nitong tanong nang wala itong nakuhang sagot mula sa akin sa una niyang tanong. This time, dahan-dahan na naman akong tumango at iniwas ang tingin sa kanya, “O-oo, Kuya Moi, ayos lang ako.”

     “Ay weeeh? Sa tingin ko, mukhang hindi eh,” pangungulit pa nito. Tila hindi niya alintana ang mabahong amoy mula sa aking ulo at katawan, pati na rin sa mga tingin ng mga tao dito sa loob ng silid na ito.

     Moumin Grae Cosain. Kapag ako talaga ay mapag-initan uli ng mga taong naka-palibot at naka-tingin sa atin ngayon dahil dito sa ginawa mong eksena, lagot ka talaga sa akin. Kuya Moi, namaaaan!

     “What the fvck are you doing here, Kuya Grae?!” sigaw ni Mia na umalingaw-ngaw pa sa silid na ito. Ngunit nginitian lang siya sa tinawag nitong Kuya Grae.

     “Oh? Hi there, my pretty bratty cousin,” ngiting saad nitong kulot na nasa likod ko.

     Sandali, diary. Nag-lo-loading ang utak ko sa sinabi ni Kuya Moi. Anong cousin? Huwag mong sabihin na magpinsan sila? Paano? Bakit hindi naikwento sa akin ni Kuyang Kulot ito? Hmm, sabagay hindi pa naman kami gaanong magkalapit ni Kuya Moi para i-kwento niya lahat sa akin ang kanyang buong buhay. Wala din naman akong karapatan na magtanong sa kanya dahil kakakilala lang namin.

     Sige, diary, hanggang dito na lang muna. Babalikan lang kita mamaya dahil kailangan ko pang umuwi sa bahay para makaligo at makapagbihis muli. Hindi ko na kaya ang amoy kanal, ang sakit na sa ilong ko, pati nasusuka na talaga ako sa baho nito.

—Hanna

———
Thank you for reading!
@Un_iiink

Living With Nothing | Published Under Ukiyoto Publishing HouseWhere stories live. Discover now