LIVING ENTRY #6

183 5 0
                                    

DEAR DIARY,

     Nanlaki ang mga mata ni Mrs. Sandoval dahil sa sinabing iyon ni Mia. Her mouth was partly open, and then she said, “Ano?! Paninda? Hindi ba't nasa protocol 'yan ng campus, Ms. Kinley? Bakit nagdala ka pa ng paninda?” galit nitong sabi sa akin.

     Napayuko na naman ako habang ang aking dalawang kamay ay magkahawak sa aking harapan para mapigilan ko ang panginginig nito. “Gusto ko lang po kasing tulungan sa paghahanap-buhay ang Tiya Marcela ko, ma'am,” paliwanag ko sa kanya. Pero bumuntong hininga lang siya, diary. Inihilamos pa ang mga palad sa kanyang mukha.

     “Pero alam mo namang bawal, hindi ba?”

     “Opo.”

     “Kung alam mo naman pa lang bawal, bakit nagdala ka pa ng paninda?! Bakit hindi mo na lang sabihin diyan sa Tiya mo na pagtindahin ka na lang habangbuhay kesa sa mag-aral?”

     “Gusto ko naman po na may matutunan po ako sa iskwelahan, ma'am, kahit kaunti lang. Malaking bagay na po iyon sa akin basta po nakapag-aral po ako.”

     “Ano ang gusto mong matutunan sa iskwelahan, Hanna Poorita? Ang magtinda nang magtinda?” humalakhak nang pagkalakas-lakas si Mia, diary, pagkatapos niyang bitawan ang mga katagang iyon. Pati na rin ang iba ko pang mga kaklase ay nakitawa na rin. Palibhasa kasi, diary, ay may mga kaya sa buhay ang mga ito, kaya ganito na lang sila kung makapanghusga sa taong katulad ko.

     Hinuhusgahan nila ako dahil lang sa nagtitinda ako. Ano naman ang meron doon, diary? Sa pagkaka-alam ko ay hindi naman illegal ang ginagawa kong pagtitinda, pati na rin ang aking mga paninda ay hindi din illegal. Oo, alam ko namang bawal ang magtinda sa campus. Pero ayaw kong suwayin si Tiya. Gusto ko ring makatulong sa kanya dahil ito lang ang tanging paraan para tulungan ko siya. Ito lang ang tanging paraan para masuklian ko ang pagtanggap niya sa akin sa pamamahay niya.

     Alam ko naman kung bakit bawal magtinda ang mga istudyanteng katulad ko dito sa campus, diary, kahit na hindi naman ito pribadong iskwelahan. Ipinagbabawal lang naman kasi ito ng Principal ng iskwelahang ito para malakas ang benta sa school canteen. At alam mo ba, diary, iyong perang ginamit para sa mga tinda sa canteen ay galing mismo sa bulsa ng Principal namin.

     Hindi galing sa iskwelahan ang pera kaya ang nakikinabang lang din ay siya, hindi mismo ang iskwelahan. Pinapaalis nga ni Principal ang mga taong dating nagtitinda sa harap ng iskwelahan dahil hindi daw malulusog ang mga tinitinda nila, samantalang puro kakanin lang naman ang tinitinda nila pati mga ulam na paninda ay kadalasang gulay at makaka-afford pa ang ibang istudyante. Hindi katulad sa canteen na halos pang-isang linggo ko ng baon ang halaga sa isang serve.

     Talagang napaka-utak ng mga tao, diary. Napaka-utak para sa sariling kapakanan. Hindi man lang iniisip ang kapakanan ng ibang nangangailangan.

     Ang sakit. Ang sakit lang, diary. Sobrang sakit ng mga salitang natanggap ko mula kay Mrs. Sandoval at kay Mia. Ganyan ba talaga kababaw ang tingin nila sa akin? O sila lang itong mamabaw kung maka-asta sa iba?

     Alam mo, diary, I didn't hate her. I just hate her words. I didn't hate them, I just hated their words.

     Ewan ko ba sa sarili ko kung bakit hindi ko magawang magalit sa isang tao kahit na alam naman ng puso't isipan ko na paulit-ulit lang akong sinasaktan ng mga ito. Marunong akong mainis, diary, oo. Pero ang magalit? Hindi ko alam kung paano magalit sa isang tao, diary. Ewan ko kung bakit. Siguro ay dahil ganito na talaga ako, ang pahalagahan ang mga taong nananakit at nangungutya sa kapwa nila tao... dahil alam ko namang may pagkakataon pa silang magbago.

     Tipid na lang akong ngumiti sa kanila, diary, kahit na patulo na ang mga luha sa aking mga mata. Nakayuko pa rin ako habang naglalakad patungo sa aking upuan kung saan naka-pwesto sa likuran na malapit sa bintana.

     Diary, alam ko, magbabago rin sila.

—Hanna

———
Thank you for reading!
@Un_iiink

Living With Nothing | Published Under Ukiyoto Publishing HouseWhere stories live. Discover now