LIVING ENTRY #4

192 6 0
                                    

DEAR DIARY,

     Isang matangkad, matipuno ang pangangatawan, may bilog na mukha, singkit ang mga mata, may matangos na ilong, may maninipis na pulang labi at kulot ang buhok. Iyan ang pumigil sa akin. Sino ba 'tong lalaking ito? Hindi ko siya kilala sa pangalan man o sa kanyang mukha. Nangunot na lang ang noo ko dahil sa kanyang sinabi. At dahil matangkad itong lalaki, tumingala pa talaga ako nang todo para makita ko ang kanyang mukha. Ano ang ibig niyang sabihin na siya na ang bahala sa mga paninda ko, diary?

     Ang kanyang kulay abong mga mata ay sinalubong ng tingin ang aking nagtatanong na itsura. “Oh? Gulat ka yata, Ate? Don't worry, ako na nga ang bahala diyan sa paninda mo. Bibilhin ko lahat 'yan para makapasok kana sa school.” Iyan ang sabi niya sa akin habang nakangiti, at muli na naman itong kumindat. Nagtataka na nga din ako  kung kindat ba talaga itong ginagawa niya o sakit na talaga niya ito? Porket singkit ang mga mata niya, abaaa.

     “Bakit?” takang tanong ko pa, diary, sa ekstraherong pumigil sa akin.

     “Wala lang, narinig ko kasi ang pag-uusap ninyo ni Manong Guard kanina, kaya I help you na lang.” Isang malapad na ngiti na naman ang ipinakita niya sa akin at kumindat na naman ulit. Hindi ko na talaga nakayanan kaya napatanong na lang ako bigla sa kanya.

     “Ah, Kuya, may sakit ka ba?”

     Biglang nangunot ang kanyang noo sa tanong ko, diary, at naniningkit pa ang singkit na nitong mga mata. “Wala naman, bakit?”

     “Panay kasi ang kindat mo, kuya, kaya akala ay ko may sakit ka,” pahayag ko sabay hagikgik. Napatigil naman ako kaagad nang biglang naging seryoso ang kanyang mukha. “Joke lang po 'yon, sorry po,” bawi ko kaagad. Baka kasi magbago pa ang isip niya at hindi na niya ituloy ang pagbili sa paninda ko.

     “No! No!” agaran nitong sabi. “It's okay. Sinadya ko talaga 'yon para ngumiti ka, kanina ka pa kasi parang naiiyak, eh. At hindi naman ako nabigo do'n sa ginagawa kong technique. Oh, akin na 'yang paninda mo.” Turo nito sa bitbit kong bilao at inilahad pa ang kamay niya sa akin upang makuha ang paninda ko.

     Nagdadalawang isip pa nga ako, diary, kung ibibigay ko ba ito sa kanya. Kasi kung bibilhin niya 'to, mauubos ba niyang kainin itong lahat? O kung hindi naman niya 'to kakainin, saan niya ito ilalagay o ibibigay?

     “Hoi, Ate, akin na. Para makahabol ka pa sa exam mo. Magkano ba 'yan lahat?”

     “Seryoso ka po ba talaga? Bibilhin mo 'to lahat?” paninigurado ko pa ulit sa kanya.

     “Oo nga, kulit mo, Ate. Sige ka, baka magbago pa ang isip ko at hindi ka na makapag-exam,” sabi nito habang naka-labi at naka-pameywang pa.

     Oo nga pala, diary! Nakalimutan ko ang exam dahil sa kakulitan ni Kuyang Kulot. Nag-atubili akong ibigay sa kanya ang bilao, at mabilis din na binanggit ang presyo ng buong paninda ko.

     Kaso, pinigilan niya ako.

     “Wait lang pala, Ate. Pakihawak muna 'yang bilao, kukuha muna ako ng pera pangbayad ko sa ‘yo,” humalakhak pa ito habang kumukuha ng pera sa kanyang pitaka. “Parang kanina lang ayaw mo pang ibigay. Pero noong narinig ang salitang exam naging mas mabilis pa sa kidlat ang pagkilos.”

     “Oh, ito na ang pera, Ate. Akin na 'yang bilao. Pumasok ka na at ayusin mo ang pagsagot sa exam ha. Naku!”

     “Salamat po ng marami, Kuya. Ano po pala ang pangalan mo?” pagpapasalamat ko sa kanya. Yumuko pa talaga ako para malaman niya kung paano akong nagpapasalamat sa kanya.

     “Walang anuman. Basta ikaw,” sagot naman nito na medyo humihina na ang boses. Kaya tumayo pa ako ng tuwid para malinawan sa kanyang sinabi. Kaso hindi ko na siya nakita. Nagpalinga-linga pa ako sa paligid, diary, pero wala akong nakitang lalaking matangkad, kulot ang buhok at may bitbit na bilao. Ang bilis nawala ni Kuyang Kulot, diary. Ano 'yon, magic?

     Tiningnan ko pa nang maigi ang papel na perang ibinigay niya sa akin, diary. Baka kasi fake pa ito, lagot ako kay Tiya nito kapag nagkataon. Presko pa naman ang mga pasa ko sa tagiliran, tapos madagdagan pa. ‘Hay naku! Malamang Hanna, kahapon pa 'yang pasa na 'yan kaya presko pa. Hindi naman 'yan katulad ni Kuyang Kulot na basta-basta na lang nawawala.’

     Nang makasigurado na ako, diary, na hindi peke ang limang daang piso, isinisik ko ito sa aking bag. Hindi naman 'to basta-basta mawawala dahil may sekretong bulsa itong bag ko. Incase kasi na mapagtripan na naman ako, atleast safe itong pera na benta sa kakanin na paninda ko.

     Salamat talaga sa ginawang pagtulong sa akin ni Kuyang Kulot, diary. May tao pa palang may ginintuang puso. Sana ganyan nalang lahat ng tao sa mundo para wala ng gulo, para wala ng taong masasaktan... katulad ko.

—Hanna

———
Thank you for reading!
@Un_iiink

Living With Nothing | Published Under Ukiyoto Publishing HouseWhere stories live. Discover now