LIVING ENTRY #15

164 5 0
                                    

DEAR DIARY,

     Panibagong araw na naman ang bumungad sa akin kanina. Nagising na naman ako nang alas kwatro ng madaling araw. Miyerkules ngayon, diary, at hindi regular ang aming klase kanina. Ayon sa schedule ng Grade-12 ay kapag miyerkules ay Physical Education ang aming unang subject sa loob ng dalawang oras, and the rest hours hanggang hapon ay Cookery naman.

     Nakaka-bagot kanina, diary, ang sakit na ng kamay ko. Eh paano ba naman kasi, ang ginawa namin buong araw ay nagsulat lang nang nagsulat, sa P.E man o sa Cookery. Ang dami naming isinulat kanina tapos sabi pa ng mga guro namin sa dalawang subject ay may long quiz daw kami sa susunod na meeting. Haaay! Quiz na naman, diary. Na-träuma na ako sa quiz quiz na 'yan, diary, ha. Ano na naman kaya ang mangyayari sa akin sa pangatlong quiz na ito. Remember, 'di ba no'ng unang quiz ay na-detention ako tapos no'ng sa pangalawang quiz naman ay 'yong na late ako dahil sa hindi ako pinapapasok ni Manong Guard?

     Tsaka, alam mo ba, diary? Si Edrilyn bigla na lang lumapit sa akin kanina at humingi pa ng tawad. Nagulat nga ako dahil hindi naman ugali no'n ang mag-sorry lalong-lalo na sa akin na kina-iinisan niya nang husto. Hindi kaya, pinagbäntaan ni Kuya Moi si Edrilyn, diary? Eh, kung pinagbäntaan man, bakit naman kaya? Haaay naku! Si Kuya Moi talaga, diary, oo. Hindi ko naman makausap nang matino si Kuya Moi kanina dahil sa tuwing kakalabitin ko siya o 'di kaya tatawagin eh bigla-bigla na lang yuyuko sa desk, kun'di naman ay tatayo at lalabas ng classroom. Ewan ko sa dalawang 'yon, diary, hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko, naku! Sumasakit lalo ang ulo ko dahil sa kanilang dalawa.

     Literal talaga na masakit ang aking ulo, diary. Noong isang buwan ko pa ito nararamdaman. Iyong tipong parang mabibiyak na ang ulo ko sa sobrang sakit. Tapos noong isang araw din ay bigla na lang may tumulong dugo sa ilong ko, pati kung magdudura ako ng laway ay may kasama nang dugo. Nagpa-panic pa nga ako noong isang araw dahil tuloy-tuloy na ang pagtulo ng dugo dito sa ilong ko. Wala pa naman akong dalang panyo no'n, kaya ang ending pa ay iyong laylayan na lang ng aking damit na suot ang aking ipinangpunas sa ilong. Hindi ko na sinabi pa kay Tiya Marcela, diary, na madalas sumasakit itong ulo ko. Alam mo naman siguro, diary, kung ano ang iisipin at sasabihin no'n. Saka, baka sa init lang ito ng panahon at baka sa pagod din ito dahil sa madalas na pagtitinda.

     Sa susunod na miyerkules sana ako magpapa-check up, diary, tutal libre naman ang magpa-check-up dito sa clinic dito sa lugar namin. Magpapadala na lang sana ako ng excuse letter sa mga guro namin, ang kaso nga lang talaga ay may quiz kami at hindi p'wedeng umabsent dahil long quiz namin iyon. Sayang din ang score, diary. Medyo mababa pa naman ang mga grades ko. Saka, kung magpapa-check up ako saan naman ako makakahanap ng pera pambili ng gamot kung sakali mang may irereseta ang doktor sa akin? Hindi naman ako pwedeng manghingi kay Tiya Marcela dahil nga ay halos wala na kaming makain, saka hindi din naman ako p'wedeng mangupit sa itininda ko dahil bilang na ni Tiya ang mga paninda, at lalong hindi ko kayang mangupit, diary, kasalanan iyon. Kung kay Kuya Moi kaya, diary? Ay, huwag na lang pala, ang laki na nang naitulong ni Kuya Moi sa akin tapos may gana pa akong mangutang ng pera sa kanya. Ayaw ko, baka hindi ko pa mabayaran, nakakahiya lang sa kanya.

     Haaay, bahala na nga, diary. Susubukan ko na lang sa susunod kapag may naipon na ako, baka sakaling makahanap ako ng ibang mapagtrabahuan para makapag-check up na ako. Kaya ko pa naman, diary. Natitiis ko pa naman ang sakit, hindi pa naman siguro ako kukunin ng nasa itaas.

     Pero, kung saka-sakali man, diary, okay lang din naman sa akin. Wala naman akong karapatan na sisihin ang nasa itaas dahil hiniram lang naman din natin itong mga buhay natin. Kung ito man ang sign, diary, sana ay hindi niya ako pahihirapan pa nang husto.

—Hanna

———
Thank you for reading!
@Un_iiink

Living With Nothing | Published Under Ukiyoto Publishing HouseWhere stories live. Discover now