Panghihina
Sinarado ko ang librong binabasa at napatayo. Napatingin sa akin sina Thalia at Hartley na mukhang naistorbo ko sa kanilang pag aaral. Hinilot ko ang batok at saka napapikit.
"Bathroom lang," paalam ko at hindi na hinintay ang tugon nila at umalis na.
Kanina pa ako nag-aaral kaya unti unti na akong tinamad at inantok. Kailangan kong makapag-lakad lakad muna sandali para tuluyang mawala ang antok sa akin samantalang iyong dalawa ay nanatiling atentibo sa ginagawang pag aaral. Sigurado naman ako na hindi ako mahihirapan sa exam.
Tahimik akong lumabas ng library. Wala ako sa sarili kagabi pa. Maraming bumabagabag sa akin lalo na sa nararamdaman ko kay Aegeus.
Humalukipkip ako at napapikit. At naalalang dahil hindi iyon matanggal sa isipan ko hanggang sa paggising ko kinabukasan ay nasugatan ko ang sarili. Hindi ko namalayang may hawak pala akong kutsilyo habang naghihiwa ng isda kanina. Nasugatan ako sa aking baba. Maliit lang ang sugat kaya hindi ko na ginamot.
"Lumiko do'n sa kaliwa!"
Nabulabog ako sa tilian at tawanan ng mga kababaihan. Pagdilat ko ay may tumama sa aking babae. Nasanggi niya ang braso ko ngunit napanatili ko ang postura ko habang siya ay napaupo sa sahig. Agad siyang dinaluhan ng apat na babae. Pareho silang lima na masamang inangat ang tingin sa akin ngunit nang makita ako na malamig lang na nakatingin sa kanila ay pare-pareho silang namutla.
"I-I'm sorry, Archana!" paumanin nila bago nila hinila papalayo iyong babaeng nabangga sa akin.
Bumuntong hininga ako at nagpatuloy na lang sa paglalakad. Hindi ko alam kung bakit takot na takot sila sa akin kapag nakikita ako. Hindi naman ako nananakit kung walang mananakit sa akin.
Bumagal ang paglalakad ko nang namataan si Aegeus sa 'di kalayuan na humalakhak. Mag isa lang siya at pansin ko ang pawis sa kanyang mukha ngunit kahit ganoon ay walang nagbago sa itsura niya. Pinagmasdan ko ang pagtingala niya sa kalangitan kasabay ng paghagod niya sa kanyang buhok.
Napatigil siya sa paglalakad at mukhang hinihingal. Nang ipinirmi ang tingin sa daan ay nagtama ang mga mata namin sa isa't isa.
Mabilis akong pinamulahan at nag iwas ng tingin. Kumanan agad ako dahil may mas malapit na restroom sa building ng junior high. Si Aegeus ba iyon? Hindi ba't malayo ang building department nila mula rito? At kung siya man iyon ay ano namang ginagawa niya rito?
Tuluyan na akong napahinga ng maluwag nang matanaw ang restroom ng girls. Binilisan ko na ang paglalakad para makagamit na ng banyo. Inangat ko ang kamay at hahawakan na sana ang door knob nang may nakauna sa akin na gawin iyon. Tinignan ko kung sino iyon at laking gulat ko nang makita si Aegeus na hinila ako sa loob. Agad niyang sinarado ang pintuan at saka ako isinandal roon. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat kasabay ng pagbilis ng tibok ng puso ko habang siya ay malapit sa akin.
Hawak niya ang kamay ko habang ang isang kamay niya ay nasa nakasandal sa gilid ng ulo ko. Pulang pula ako dahilan kung bakit hindi ako makatingin ng diretso sa kanya.
"Aegeus--" nilagay niya ang hintuturong daliri sa bibig ko.
Uminit na ang pisngi ko at hindi na naituloy ang sasabihin. Mabilis kong naitikom ang bibig sa kabila ng bilis ng tibok ng puso ko. Kahit na pawisan siya ay mabango pa rin ang amoy niya. Hindi ko alam kung bakit nandito siya at mukhang may pinagtataguan.
"Nawala si Aegeus?"
Nanlaki ang mga mata ko. Bakit siya hinahanap? Hindi pamilyar ang mga boses nila. Tahimik ako habang nakikinig sa usapan nila. Boses ng mga kababaihan na mukhang nasa isang misyon na kailangang magtagpuan agad si Aegeus.