Pagkabigo
Pagpasok namin ng university ay hindi na nawala ang tingin sa akin ng mga estudiyante, wala akong ibang makita sa kanilang mga mata kundi ang kuryusidad. Kumunot ang noo ko nang makitang halos sila ay nakatingin at mga nagbubulungan. Ramdam ko ang pagsulyap sa akin ni Thalia, nagtataka rin kung anong mayroon at halos ay nakatingin sa amin.
"Ikaw ba ang pinagtitinginan, Archana?" bulong niya sa akin. Suminghap ako kasabay ng pagpasok sa isipan ko ang posibilidad kung bakit ako ang usap-usapan. Ngunit imposible naman lalo na't paano naman iyon kakalat kaagad gayong kahapon lang naman iyon nangyari? Na kahapon lang namin iyon napag-usapan?
"Hindi ba't siya iyon?"
Huminga ako ng malalim at malamig na nilinga ang tingin sa mga estudiyanteng nagbubulungan. Ang ilan ay nakitaan ko ng kaba't takot dahil sa lamig at matalim kong pukaw ng tingin sa kanila.
"Hindi na nakakapagtaka," napatingin ako sa matangkad at mestizang babae na huminto sa dinadanan namin ni Thalia. Nakahalukipkip at nakataas ng kilay, ramdam ko ang panghahamon niya ng away. Hindi nagbago ang ekspresyon ko na bahagyang nagpakunot ng noo sa kanya. Ramdam kong medyo nawala ang tapang sa kanya dahil siguro nang makitang hindi ako natinag sa kanyang presensiya.
"Grace!" tawag nung isang babaeng hindi katangkaran at saka siya hinila papalayo sa amin.
Pumikit ako ng mariin bago nagpatuloy sa paglalakad kasunod ng ngumingising si Thalia.
"Nawawala talaga ang tapang nila kapag ikaw na ang kaharap." natatawang bulong sa akin ni Thalia, halatang natutuwa sa nangyayari. Inirapan ko lang siya at nauna nang pumasok sa aming silid.
Halos lahat ng kaklase namin ay napatingin na sa amin. Napatingin ako kay Hartley na nasa kanyang upuan na ngunit siya'y nakayuko. Huminga ako ng malalim.
"Uh, Archana.."
Kinunot ko ang noo sa kaklaseng babaeng tumawag sa akin. Nahihiya at naiilang ang tingin niya sa akin ngunit dahil siguro sa kumalat na balita, handang isakrisyo ang lahat, may masagap lang na balita.
"Kayo na pala ni Aegeus.." nakain ng hangin ang sinasabi niya nang nilagpasan ko lang siya. Dinig ko ang pagpigil ng tawa ni Thalia sa likod ko na agad sumunod sa akin.
Tinignan ko si Hartley. Inangat niya ang tingin sa akin bago siya ngumuso at nag iwas ng tingin.
Bumuntong hininga ako. "Mag-uusap tayo mamaya, Hartley." sabi ko, tinanguan niya lang ako at muling nanahimik.
Nangangati na ang mga kamay ko. Kahit sa pagtuturo ay hindi pa rin ako matahimik. Ang tanging nasa isip ko ay kung paano tatapusin ang problemang ito.
Kung sasabihin kong kasinungalingan lang ang lahat, maaaring may ibang maniwala at may iba ring hindi maniniwala. Mahihirapan pa akong ipagsabi iyon lalo na't sa dami ng estudiyanteng nasa paaralan na ito at baka ako pa ang masabihan ng sinungaling.
Walang ibang paraan kundi ang sabayan ang daloy ng kasinungaling ito kung ayaw kong dungisan ang pangalang ito.
Tama. Kailangan kong sabayan. Kung gusto kong tapusin ito ngayon na, kailangan ko ng makipaghiwalay. Iyon naman ang plano ko kahapon pa kaya doon ako mananatili. Ngayon ay kailangan ko ng mag-isip ng dahilan kung bakit ako makikipaghiwalay sa kanya. Ngunit ang tanong ay, kanino nagsimula ang lahat. Ang kwentong iyon hanggang sa tuluyan na ngang kumalat?
Kumunot ang noo ko at napatingin kay Hartley na seryosong nakikinig. Imposible.. pero malay mo siya ang gumawa. Kaming tatlo lang naman ang nakakaalam. Imposibleng sa amin manggaling kaya.. baka siguro galing nga sa kanya.
Dumating ang aming vacant. Imbes na sa cafeteria ay sa restroom kami dumiretso. Nauna akong pumasok sa loob kasunod ni Hartley at panghuli si Thalia na agad ni-lock ang pintuan.