Ang Nakaraan
Halos dalawang buwan na ang nakalipas. Sa buwang iyon ay nasanay akong nakikita sila ngunit alam kong medyo hindi pa rin nasasanay si Iura na makipaghalubilo sa amin. Madalas siyang ilag ngunit dahil mapilit iyong dalawa, wala siyang nagagawa kundi ang makisama sa amin.
"Iura, kailangan ko ng tulong." anunsyo ni Thalia kay Iura na abala sa kanyang cellphone. Napatayo siya para tulungan si Thalia sa pagiihaw ng barbeque.
Kasalukuyan kaming nandidito sa resthouse nila Hartley. Sa gilid ng kanilang mansyon ay dito namin napagpasyahang maghanda ng meryenda. Kaming tatlo lang naman ang nandito maliban sa ilang tauhang kasama.
"Iura!" lumapit sa kanila si Hartley na humahagikhik.
Napangiti ako habang pinagmamasdan sila ngunit unti unting napawi ang ngiti ko nang mapatingin sa tiyan ni Thalia. Pagkatapos ay kay Iura at Hartley. Muli ko na naman tuloy naalala ang pangyayaring naganap kahapon. Noong binisita ko si tita Fley na siyang ina ni Cole.
"I missed you, hija!" nagagalak at halatang masaya si tita Fley nang makita ako. Sinalubong niya pa ako para akapin ng mahigpit.
"Buti naman at nakabisita ka na sa akin ngayon. Naiinis na nga si Cole sa laging pangungulit ko." hagikhik niya.
Napangiti ako at nilingon ang pinsang tinanguan ako bago lumabas. Dinig ko ang pagsara ng pintuan habang ginigiya ako ni tita na maupo sa kanyang kama.
"Kumusta na?" tanong niya.
Nanikip ang dibdib ko nang mapatingin sa kanya. May dahilan ako kung bakit madalang at ayokong magpakita sa kanya. Magkamukha kasi silang dalawa ni mama kaya hindi ko maiwasang labis na makaramdam ng kalungkutan sa tuwing natatanaw siya. Magkaiba nga lang ang pag uugali nilang dalawa.
"Ayos lang naman ho." sagot ko at tipid na ngumiti.
"Pinagpatuloy mo pa rin ba?"
Doon ako natahimik bago nag iwas ng tingin. Hinahagod niya ang buhok ko habang patuloy na nakatingin sa akin.
"Pareho nating alam na hindi ito nagugustuhan ni Miranda. Hinding hindi siya papayag na maghihiganti ka. Hinding hindi, hija."
Huminga ako ng malalim bago inangat ang tingin sa kanya. Nangingilid ang luha sa gilid ng aking mga mata bago ko siya niyakap. Alam ko naman 'yon. Sorry ma.
Mahina siyang humagikhik habang hawak hawak ang kamay kong nakaakap sa kanya.
"Ipahinga mo muna ang sarili mo, hija." banayad niyang sinabi.
"Cleaya,"
Bumitaw ako sa yakap sa kanya bago nag iwas ng tingin.
"Sinong tinatawag mo? Kailangan ko na bang umalis?" malamig kong tanong. Humalakhak siya.
"Hindi ka pa rin nagbabago." ngisi niya.
"Hanggang ngayon hindi mo pa rin kilala kung sino si Cleaya." mapaglarong sinabi niya habang mahinang tumatawa. Nagtiim bagang ako. Maya maya ay ngumiti siya at sumeryoso na.
"Hija, pagpahingahin mo ang sarili mo. Tama na. Oras na upang maghilom ang sugat at tuluyan nang talikuran ang nakaraan. Hindi sa lahat ng pagkakataon, lagi kang nasasaktan. May oras din para sumaya at sa pag ibig."