Yakap
Apat na araw na ang nakalipas at wala kaming ginawa kundi ang magsaya. Hinayaan ko na rin ang sarili dahil matagal na rin simula nang naging ganito kapayapa ang buhay ko. Mas gumaan at mas naging masaya lalo na't kasama ko ang mga taong mahal ko sa buhay.
Mataas ang sikat ng araw ngayon kahit na alas tres y media na. Hindi naman masyadong mainit at sa tingin ko rin ay natatama lang para sa araw na 'to. Nasa likod kami ng resthouse nila Aegeus. May nakalatag na malaking sapin sa damuhan at doon kami nakaupong lahat habang nag memeryenda.
Sa tapat ko ay sina Thalia at Reinier na tahimik na nag uusap. Sa tabi ko ay si Iura, nasa gitna namin si Hartley habang tinitignan namin sa camera ang mga larawang kinuha lang kanina.
"Magpipicture ulit tayo mamaya kapag dumating na si kuya para may ipapa-frame na ako." sabi ni Hartley sa amin.
Tumango ako bago kumagat sa hawak na cupcake. Ramdam ko ang kamay ni Iura na dumantay sa kamay ko bago niya ipinatong ang balikat sa ulo ko. Ngumiti ako bago siya pinakagat sa hawak na cupcake.
"Lumalambing ka na," puna ko bago ko nahuli ko ang pagkakapula ng kanyang pisngi.
Suplada siyang nag iwas ng tingin habang ngumunguya. Mahina na lang akong natawa.
"Miss Hartley, nariyan na ho sina Sir Aegeus." tinig ng sumulpot na isang kasambahay bago tanguan ni Hartley.
Sina? Kuryuso kong inangat ang tingin sa nangungunang naglalakad na si Aegeus. Sa tabi niya ay ang isa pang lalaki at mayroon pang tatlo sa likod. Nagtatawanan sila habang naglalakad.
Mga kaibigan niya? Ngumuso ako habang pinagmamasdan siyang nakapamulsa habang malapad ang ngisi sa mga kasamang naka-tux.
"Yow!" bati ng katabing lalaki ni Aegeus na maraming hikaw sa tainga. Nagsipulan ang mga kasama niyang lalaki habang pinagmamasdan kaming kunot noong nakatingin sa kanila.
"Ooh! Hot girls!" hagikhik ng isang lalaki na hanggang balikat ang pinakulayan na mahabang buhok na kulay green. Asul ang kulay ng mga mata habang sinisiko nito ang ilang kasama sa likuran.
"Jules," suway ni Aegeus ngunit nahuhuli ko naman ang kanyang pagngisi. Nanliit ang mga mata ko habang nakatitig sa kasintahan. Ganito ba siya kapag kasama ang mga kaibigan?
"Reinier, dude! I didn't know you're here. Oh, is that Thalia?" wika nung isa. Kinawayan lang siya ni Thalia habang nakangiti. Kilala rin pala sila ni Thalia.
"Congrats, Thalia! Napunta ka sa maling tao!" hagikhik nung unang lalaki bago sila nagtawanan.
Nanliit ang mga mata ko nang mapansing hindi nila kinakausap si Iura. Hindi ba nila alam na magkapatid sila ni Reinier? Kunot noo kong sinulyapan si Iura na ngayo'y nasa malayo nakatingin ngunit halata ang pagbabaga ng kanyang mga pisngi. Mas lalong nanliit ang mga mata ko roon.
"You have friends now, Hartley? Good for you."
Huli kong tinignan ay ang lalaking nahuhuli. Nakaitim na tux at bumabakat sa tux ang malalaki niyang braso. Masasabi ko agad na mas matanda siya ng ilang taon kay Aegeus. Nakapamulsa siya habang pinagmamasdan ang pagtayo ni Hartley.
"Thyone!" medyo ikinagulat ko ang pagtakbo papalapit sa kanya ni Hartley upang yakapin. Mahinang humalakhak ang lalaki bago nakangiting ginulo ang kanyang buhok.
Halos magkakasingtakad sila at magkakasingkisig silang lahat. Ngunit hindi ko alam kung bakit siya itong may nararamdaman akong kakaiba. Hanggang batok ang itim na buhok at medyo magulo iyon dala ng ihip ng hangin.
Nang inangat niya ang tingin sa akin, pakiramdam ko'y biglang may gumuho sa akin. Malamig ang tingin niya at seryosong nakatitig din sa akin. Nanlamig na ang buo kong katawan, hindi ko na maiangat ang tingin ko ngayon sa kanila o kahit kanila Thalia.