Ang Sugat
Hindi na nawala sa isipan ko ang napansin ko noong nakaraan at ngayon ay mas lalo lang iyong bumabagabag sa akin.
"Cleaya, pabuhat muna sandali si Archana. Gagamit lang ako ng banyo."
Napakurap ako sa lumapit na si Thalia habang buhat buhat si baby Archana. Mabilis na kumalabog ang dibdib ko. Lagi akong kinakabahan t'wing pinapabuhat niya sa akin si Archana. Natatakot ako na baka maipit ko.
Ngumiti ako at dinungaw ang maamong mukha ni Archana na mahimbing na natutulog. Kuhang kuha niya ang mukha ni Reinier samantalang nakuha naman niya ang mga labi ni Thalia. Maingat akong umupo sa sofa kasabay ng pagpulupot ng braso sa baywang ko.
"Baby Archana," malambing kong bulong habang nakangiting nakatitig sa sanggol.
Ramdam ko ang paghalik sa akin ni Aegeus sa aking ulo bago pinagmasdan din si Archana.
"Gusto ko na rin ng baby." pagpaparinig niya sa akin. Napasinghap ako at mariing napapikit habang ramdam na nag iinit na naman ang pisngi ko.
"Hindi pa puwede ngayon, mahal. Pagkatapos ko ng kolehiyo at kapag may trabaho na ako't nakapag ipon na-"
"Hindi mo naman na kailangang mag trabaho. Responsibilidad ko iyon. Sa ngayon, hihintayin na lang kitang magkapagtapos ng kolehiyo." bulong niya sa tainga ko.
Muling napaawang ang labi ko ngunit walang lumabas na salita roon. Mababa siyang humalakhak at maya maya ay seryoso na akong pinagmasdan.
"At masyado ka atang seryoso ngayon."
Napanguso lang ako.
"Anong bumabagabag sa'yo, mahal?"
Napakagat ako sa aking pang ibabang labi bago umiling. "Wala naman," pagsisinungaling ko.
Napabuntonghininga siya ngunit maya maya ay napatango na lang rin. Ngunit mukhang hindi naman siya kumbinsido sa sinasabi ko at nanatili ang naninimbang na mga tingin sa akin.
Tinaasan ko na lang siya ng kilay.
Nandito kami ngayon mismo sa mansiyon nila Reinier at Thalia. Matagal na pala itong ipinagawa ni Reinier, noong magkasintahan palang silang dalawa. Nalaman ko rin na naghiwalay na pala sila noon at nagkapabalikan lang. Kanina lang naikuwento ni Thalia.
Dito kami magpapalipas ngayon ng gabi. Kasama sina Hartley, Iura at Aegeus. Sa katabing guestroom matutulog si Aegeus samantalang tabi ulit kami nila Iura. Nasanay na rin kami na ganoon.
Ala singko na ng gabi at wala pa rin si Iura. Pinauna niya kasi kami rito at susunod na lang kamo siya pero bakit kaya hanggang ngayon ay wala pa rin siya. Masama ang pakiramdam ko. Hindi ko alam kung ako lang ang nakakapansing may kakaiba dahil iyong dalawang ay nag aya na mag inuman sa salas.
Wala akong nagawa kundi ang sumunod kanila Aegeus at Reinier para sana makisali. Gusto ko ring sandaling malimutan ang mga iniisip.
Ayokong mag aalala at mangamba ngunit hindi ko maiwasang maramdaman iyon.
"Si Iura kaya, Reinier?" napatanong na ako. Hindi talaga ako mapakali. Kahit pagtawag at pagbigay ng mensahe wala akong natanggap. Ayokong mag isip ng masama ngunit hindi ko iyon mapigilan.
Naputol ang tawanan nilang dalawa ni Aegeus at napatingin sa akin.
"Ah, nabanggit niya sa aking dadaanan niya si Tita Verha."
Verha? Verha Valleza? Ang nag iisang kapatid ba ni Papa? O baka kaibigan? Kakilala?
Tumikhim ako at wala nang nagawa kundi ang mapatango kahit na sa kabila ng dami ng iniisip.