KABANATA 11

5 0 0
                                    


RAMON

Inayos ko ang pagkakatupi ng manggas ng t-shirt na suot ko habang nakatingin sa maliit kong salamin. Mula sa manggas ay napatutok ako sa mukha ko habang nakaharap pa rin sa salamin. Malaki nga ang pinagbago ko katulad ng sinabi ng pamangkin kong si Aiko. Mula sa pagiging tatlumpu't tatlo, tila naging treinta na lamang ako. Ang batang iyon, mas masaya talaga kapag nariyan siya.

"Parang kailan lang no? Noong ipinakilala mo sa akin si Aiko ay maliit pa lamang siya. Pero ngayon, dalaga na," biglang saad ni Mayumi na naghihintay mula sa likuran ko.

Hindi man ako mapalagay sa presensiya niya kahit kaluluwa na siya ay hindi ko naman siya maitaboy palayo. Tila mas naging ilang pa ako sa kaniya ngayon na hindi na siya nabubuhay pa katulad ko. Kung noon, nagagawa ko pang umiwas sa kaniya, ngayon ay hindi na.

"Wala pa siya sa tamang edad. Kaya hindi pa siya isang ganap na dalaga," komento ko naman.

Napansin ko naman Mula sa salamin na napalingon sa akin si Mayumi habang nakakunot ang noo. Pero hindi ko ipinahalata na napansin ko iyon.

"Ako ang babae kaya ako ang nakakaalam. At saka, anong hindi dalaga? Mukhang may nagugustuhan na nga ang batang iyon eh," muli namang sabi ni Mayumi. Hindi na lamang ako nagsalita pa dahil wala naman talaga akong alam tungkol sa mga babae. At tama rin naman ang mga sinabi niya, mas may alam siya tungkol kay Aiko. Dahil bukod sa pareho silang babae, ilang taon din niyang nasaksihan si Aiko na lumaki sa pangangalaga ko.

Muli akong tumayo ng tindig sa harapan ng salamin at pagkatapos ay humarap kay Mayumi.

"Magmumukha na ba akong presentable sa harapan ng asawa mo?" tanong ko kay Mayumi at mukhang nakuha naman nito na ang porma ko ang tinatanong ko. Kung kumusta ba ito.

"Hmm," napahawak ito sa kaniyang baba na tila pinag-iisipan ng mabuti ang kaniyang magiging komento. Tiningnan ako nito mula ulo hanggang paa. "Ayos. Gwapo pa rin." nakangiti nitong saad.

Pero nagulat ako nang bigla siyang lumapit sa akin at sinubukan ako nitong hawakan pero tumagos lamang ang kamay niya sa katawan ko. Nakaramdam naman ako ng lamig dahil sa nangyari. Nakita ko na biglang napasimangot si Mayumi at itinuro na lamang ang kwelyo ko.

"Ayusin mo," wika niya. Muli naman akong humarap sa salamin at inayos ang kwelyo ko. "Hanggang ngayon ba naman, hindi ka pa rin marunong?" tanong pa nito.

Bigla naman akong napatigil sa ginagawa ko. Pero kaagad din na nakabawi at nagpatuloy.

"Nawala kase ang taong... nais kong gumawa ng ganitong bagay sa akin," sagot ko. Nagpatuloy lamang ako sa ginagawa ko at hindi sinulyapan ang naging reaksiyon niya.

Ilang sandali pa ay natapos ko na ang pag-aayos ko. Kahit paano naman ay komportable na ako sa porma ko. Hindi ko na nakahiligan pa ang mag-ayos lalo na noong ako na ang nag-alaga kay Aiko matapos itong maulila sa kaniyang mga magulang. Pero kailangan ko itong gawin lalo na at haharap na naman ako kay Robert. Na kahit minsan ay hindi ko ginustong makita. Para lamang ito kay Mayumi. Sa ngalan ng pinagsamahan namin.

Lumabas na ako Ng bahay at siniguradong naisara ko ito Ng maayos. Mayroon namang hawak si Aiko na kopya ng susi ng bahay. Sumakay ako ng taxi at nagpahatid sa isang tindahan Ng mga bulaklak. Nang makabili ako ay muli akong sumakay sa taxi at sunod naman na nagpahatid sa isang sementeryo.

Mourning SoulsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon