KABANATA 17

6 0 0
                                    


Araw ngayon ng sabado. Si Mayumi ang kasama ko ngayon dahil nagtungo si Tiyo Ramon sa kaniyang trabaho. At nandito rin si... Soul. Na kanina ko pa hindi kinikibo at pinanpansin.

Hindi ko alam kung bakit pero kaninang naramdaman ko ang pagdating niya ay biglang bumilis ang pintig ng puso ko. Gusto kong magpasalamat sa kaniya pero kinakabahan ako. Marahil ay nais na rin nitong ibahagi sa akin na nahawakan niya ako kahapon. Pero hindi niya magawa dahil hindi ko pa siya kinakausap.

Katatapos ko lamang ng gawaing bahay kung kaya wala na akong gagawin pa para makaiwas kay Soul. Yaman na wala si tiyo ngayon, baka maaari na akong magtanong ng mga bagay-bagay kay Mayumi kung ano talaga ang mayroon sa kanila ni Tiyo Ramon.

Inilapag ko sa lababo ang basong ginamit ko pero napatigil ako nang maramdaman ko ang presensiya ng kaluluwang kanina ko pa hindi kinikibo.

"Iniiwasan mo ba ako, binibini?" tanong sa akin ni Soul.

Kahit kinakaban ay humarap ako sa direksiyon kung saan ko narinig ang boses niya. "Hindi," nakangiti kong sagot.

"Kung gayon ay bakit hindi mo ako pinapansin?"

"Eh hindi naman kase kita nakikita. At saka hindi mo naman ako tinatawag. Wala rin naman akong sasabihin." muli kong tugon sa kaniyang tanong.

Hinintay ko ang sunod niyang tanong o sasabihin pero wala nang sumunod pa. Ngumiti ako nang maramdaman kong nakatingin siya sa akin. Mas lalo akong kinakabahan.

Muli akong nagpatuloy sa paglalakad ko palabas ng kusina. Pero napatigil ako nang pumasok sa isipan ko ang isang bagay. Wala naman kaseng dahilan para iwasan ko siya. Nagawa ko pang magsinungaling sa kaniya na hindi ko siya iniiwasan.

Humarap ako kay Soul kahit hindi ako sigurado kung tama ang direksiyon na tinitingnan ko.

"Maraming salamat pala sa ginawa mo kahapon." nakangiti kong wika. Wala akong nakuhang tugon mula kay Soul pero naramdaman ko ang paglamig ng paligid ko dala ng presensiya ni Soul.

"'Wag mo na akong iiwasan binibini, pakiusap."

Tila biglang bumagal ang paggalaw ng paligid ko nang marinig ko ang maamong boses ni Soul sa harapan ko. Kasabay nito ay ang pagbilis ng tibok ng puso ko habang nakatingin ako ng deretso sa harapan ko. Wari'y nakatitig ako ngayon sa mata ng kaluluwang nagiging dahilan ng pagbilis ng tibok ng puso ko. Na sa buong buhay ko, ngayon lamang nangyari.













Umupo ako sa tabi ni Mayumi na nakaupo sa sahig habang tinititigan ang mga guhit ni tiyo na nakaimbak dito sa likod ng kaniyang bahay. Sinabi ko noon na ipalamuti ang mga ito sa loob ng kaniyang bahay pero tumanggi siya.

Tumitig din ako sa mga ito hanggang sa mapansin ko ang guhit na nasa pinakalikuran. Natatakpan din ito ng ibang guhit kaya hindi masyadong napapansin. Kinuha ko ito at napangiti ako nang makita ito ng buo.

Ang mukha ni Mayumi na iginuhit ni tiyo Ramon.

Ipinakita ko ito kay Mayumi at mas lalong lumawak ang ngiti ko nang umiwas siya ng tingin. Samantala ay napalingon ako sa tabi ko kung saan sa tingin ko naroon si Soul. Kung nakikita ko lang din sana siya ay baka maiguhit ko rin ang kaniyang pigura.

Sana ay may paraan para makita ko siya. Kahit minsan lang.

Muli kong ibinalik ang guhit at humarap kay Mayumi. "Maaari po ba kayong magkwento ng tungkol sa inyo?" tanong ko. "Tungkol po sa nakaraan ninyong buhay."

"Alam ko ang gusto mong malaman,"

Ngumiti na lamang ako. Wala rin palang magagawa ang paggamit ko ng ibang salita para hindi masyadong nakakahiya na magpapakwento ako tungkol sa kanila ni tiyo Ramon.

"Dati kong kasintahan si Ramon." panimula ni Mayumi pero sa sinabi pa lamang niya ay nagulat na ako. Sa pagkakaalam ko, isa lang ang naging kasintahan ni tiyo Ramon, kaso hindi ko alam ang pangalan. Si Mayumi kaya iyon?

"Ano po ang nangyari? Bakit kayo naghiwalay?"

Ngumiti sa akin si Mayumi pero tila may halo itong kalungkutan. "Hindi ko siya pinili noong mga panahon na dumating ang kababata ko."

"Siya po ba 'yung Robert?" tanong ko nang maalala ko ang binanggit na pangalan ni tiyo Ramon noon na kaniyang kakausapin para kay Mayumi.

"Oo. Siya ang gusto ng mga magulang ko para sa akin. Kaya para maging isang mabuting anak, sinunod ko sila. At iyon, iyon ang pinakamalaking pagkakamali na nagawa ko sa buong buhay ko," tugon ni Mayumi. Napasimangot na lamang ako dahil sa mga naririnig ko. "Binalewala ko ang taong tunay na nagmahal sa akin, samantala ay ginawa ko ang bagay na magpapasaya sa mga magulang ko. Noong mga araw na ipinaglaban ni Ramon ang pagmamahalan namin, ako mismo ang nagtaboy sa kaniya."

"Bakit niyo naman po pinagsisisihan na pinili niyo Ang kababata niyo kaysa kay tiyo?"

"Noong nakaraang araw. Noong dinalaw ni Ramon ang puntod ko, dumalaw din si Robert noon. Pero hindi ko akalain na magdadala siya ng ibang babae. Matatanggap ko sana iyon Kung hindi lang kami kasal. Pero hindi ko siya masisisi, katulad ko ay kagustuhan lang din Ng kaniyang mga magulang na maikasal siya sa akin. At matagal ko na ring alam na may ibang siyang kinakasama, kahit noong nabubuhay pa ako." mahabang paliwanag ni Mayumi sa akin.

Hindi kaya siya ang dahilan kung bakit hindi nag-aasawa si Tiyo Ramon? Baka mahal pa nito ang una niyang pag-ibig.

"Marahil ay hindi mo na ako nakikilala, Aiko. Pero noong pitong taong gulang ka pa lamang ay kasama ako ng tiyo mo sa pag-alaga sa'yo." nakangiting kwento sa akin ni Mayumi.

Ngumiti naman ako pabalik. "Kayo po ba ang unang pag-ibig ni tiyo?" tanong ko.

"Hindi ko alam," natatawa nitong sagot. Napatawa na lang din ako. Hindi nga naman niya masasabi kung siya ang unang pag-ibig ni tiyo. Si tiyo lang ang makakasagot sa katanungan kong iyon.

Pero bakit hindi man lang ito ikinuwento sa akin ni tiyo Ramon? Si Mayumi pala ang kasangga niya noon sa pag-alaga sa akin. Kung iyon ang pagbabasehan, nakatitiyak ako na si Mayumi ang unang pag-ibig ni tiyo. At marahil ito na rin ang gusto niyang maging huli.

"Kung mabibigyan po kayo ng pangalawang pagkakataon, pipiliin niyo po ba si tiyo Ramon?" tanong ko kay Mayumi. Pero nasa malayo ang tingin ko. Nalulungkot ako para sa kanilang dalawa.

"Kung mabibigyan nga ako ng pangalawang pagkakataon, hindi ko na sasayangin pa. Kahit ang ibig-sabihin no'n ay suwayin ko ang mga magulang ko. Pipiliin ko ang tiyo mo. Pipiliin ko ang taong tunay na nagmamahal sa akin." sagot sa akin ni Mayumi. Ramdam ko ang sinseridad sa kaniyang tono.

Napangiti ako. Ang saklap ng kwentong pag-ibig ni tiyo Ramon. Sa tahimik niyang pamumuhay ay nakakubli ang masakit na nakaraan.

Gusto ko mang sabihin na hindi pa huli ang lahat, alam naming pareho na isa iyong malaking kasinungalingan. Maaari man silang magsama ngayon, pero hindi na pwedeng magkatuluyan. Dahil isa na lamang kaluluwa si Mayumi samantala ay nabubuhay pa si tiyo Ramon.

#

Mourning SoulsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon