KABANATA 13

7 0 0
                                    


Napatikhim ako nang mapagtanto ko kung ano ang sinabi ko sa kaluluwang kasama ko. Mabilis akong bumalik sa bintana at binuksan ito upang makalanghap ng hangin.

"Ang init," saad ko upang mawala ang pagkahiya ko. Hindi rin ako makahinga ng maayos dahil sa sobrang bilis ng tibok ng puso ko. Bakit parang ang sikip dito sa loob ng storage room?

"S-Susubukan kong humingi ng tulong, binibini"

"S-Sige," sagot ko. Sinubukan kong hindi mautal pero halos isumpa ko na ang sarili ko dahil nautal pa rin ako.

Tumitig na lamang ako sa labas. Nilanghap ko ang sariwang hangin na sumasalubong sa akin at ikinalma ang sarili ko. Ang bilis ng tibok ng puso ko.

Ilang minuto rin akong nakatayo dito sa loob ng storage room. Naglakad-lakad ako ng pabalik-balik habang nag-iisip ng paraan kung paano ako makalalabas dito. Pero hindi ibig-sabihin non na hindi ako naniniwala na walang magagawa si Soul para humingi ng tulong. Nagawa nga niyang sumipa ng bagay noon, baka makagawa rin siya ng paraan para may mapadaan dito.

"A-Aiko,"

Napatigil ako sa nakakahilo kong ginagawa nang marinig ko si Soul.

"Nariyan na si Gael,"

"Paano ka nakahingi ng tulong?" tanong ko kay Soul.

"Nagtanong siya sa binibini na iyong tinulungan kanina."

Napatango ako. Lumapit ako sa pintuan at kinatok-katok ito.

"Aiko?! Nandiyan ka ba? Ikaw ba iyan?!" Napangiti ako nang marinig ko ang pagtawag sa akin ni Gael. Nahanap niya ako.

"Nandito ako sa loob Gael. Tulungan mo akong makalabas dito," tugon ko.

"Walang susi. Lumayo ka muna sa pintuan,"

Mabilis kong ginawa ang iniutos sa akin ni Gael. Lumayo nga ako sa pintuan at ilang saglit lang ay kumalampag Ito. Mukhang pilit itinutulak ni Gael ang pintuan gamit ang kaniyang paa o hindi kaya ay ang kaniyang katawan.

Dahil sa matipunong pangangatawan ng isang lalake, nagawang mabuksan ni Gael ang pinto. Mabilis akong lumapit sa kaniya nang may ngiti sa labi. Pero nagulat ako nang bigla akong gawaran ng mahigpit na yakap ni Gael. Naramdaman ko pa na umangat ang paa ko dahil sadyang matangkad si Gael.

Kahit hindi pa ako nakakabawi sa pagkakagulat ko mula sa biglaang pagkayakap sa akin ni Gael ay ngumiti ako.

"Salamat Gael," saad ko.

Kumawala si Gael mula sa pagkakayakap sa akin at hinawakan ang magkabila kong balikat. Napalunok na lamang ako dahil sobrang lapit sa niya sa akin.

"Ano ba ang nangyari? Paano ka nakulong dito?" tanong niya sa akin at bakas sa kaniyang mukha ang labis na pag-aalala.

Hindi naman ako kaagad nakakibo. Nakakahiyang sabihin ang katangahan ko.

"Kase... Akala ko kase 'yung nakaharang na upuan kanina sa pinto at kagagawan lamang Ng mga tamad na estudyante. Kaya inalis ko at inayos dito sa loob. Hindi ko naman inakala na harang pala iyon para hindi magsara ang pintuan." kwento ko sa katangahan ko.

Napatango naman si Gael. "Hindi ka siguro aware na may sira ang pintuan ng storage room," wika niya sa akin at sa wakas ay binitawan na niya ang balikat ko. "Pero ayos ka lang? Hindi ka ba nasaktan?" tanong pa niya.

"Ayos lang ako," nakangiti ko namang sagot.

"Pawis na pawis ka,"

"Nako. Ayos lang, hindi mo na kailangang gawin 'yan," nahihiya Kong pagpigil kay Gael nang punasan niya ang pawis ko gamit ang puti niyang panyo.

Ako na mismo ang nagpunas Ng pawis ko gamit ang sarili kong panyo. Nakakahiya na nga ang sitwasyon namin kanina ni Soul tapos ngayon sunod naman si Gael. Mas lalo akong pinagpapawisan, eh.

Lumabas kami ng storage room at hindi na ito isinara pa. Ipaaalam na lang daw ni Gael ang nangyari at ipaaayos ang nasira.

"Inisip ko kanina na baka sinaniban ka ng mga kaluluwa kaya ka nawawala. Pero no'ng sinabi ni Ate Delia na nandito ka lang sa storage room, napanatag ako." kwento sa akin ni Gael. Marahil ay iyong tinulungan ko kanina ang tinutukoy niyang Ate Delia. "Kaso no'ng narinig ko naman na sumigaw ka, bigla ulit akong kinabahan." dagdag pa niya.

Napangiti na lamang ako dahil naalala ko na naman ang ginawa ko. Pumasok pa sa isipan ko ang makapigil hininga na sitwasyon namin kanina ni Soul.

Nagpatuloy kami sa paglalakad at lumabas sa gusaling iyon. Napadaan pa kami sa horror house kung saan puro mga sigawan Ng kababaihan ang narinig namin. Ang iba naman na estudyante ay nagtatawanan sa labas habang hinihintay ang pagkakataon nila na makapasok din sa loob.

Inaya ako ni Gael na subukan ang horror house pero hindi ako pumayag. Natawa na lamang ako dahil tunay na nakakikita ako Ng kaluluwa. Kung Kaya ay hindi ako matatakot sa mga nananakot sa loob ng booth na iyon Kung saan gumagamit lamang sila Ng mga props.

Habang naglalakad kami ni Gael at tumitingin-tingin sa mga ginagawa ng ibang estudyante ay hindi ko maiwasang mailang. Bawat kababaihan kase na madaanan namin ay nakatingin sa akin ng masama. Ang iba ay tila isinusumpa na ako sa isipan nila habang nakatingin sa akin.

Pero binalewala ko na lamang sila. Hindi iyon maiiwasan lalo na at habulin ang kasama ko.

"Nabalitaan mo na ba? Magbubukas daw sila ng auction sa huling araw ng school fair," biglang sabi sa akin ni Gael. "Date for hire. Doon daw sa may gymnasium."

"Panigurado na kukunin ka nila. Lalo na at marami ang nagkakagusto sa'yo rito sa campus." nakangiti ko namang saad.

Nagkibit-balikat lang si Gael sa sinabi ko. Sigurado ako sa sinabi ko. No'ng mga nagdaang auction nga ay parati siyang kabilang sa paglalabanan. Napakaraming kababaihan ang nakikipagtaasan Ng pera para lamang mailabas nila si Gael at makasama.

Mga adik sa taglay niyang kaguwapuhan.

"Ah, M-Mr. Enrique?"

Sabay kaming napalingon ni Gael sa likod namin nang may tumawag sa apilyedo niya. Bumungad sa amin ang isang babaeng matangkad at maganda. May salamin sa mata at halatang matalino. Wala siyang kasama at pansin ko na nanginginig ang mga kamay niya.

"Yes?"

"P-pwede ba kitang i-d-date?" tanong ng babae na mukhang nahihiya. Kumpara sa mga lumapit na kay Gael para ayain siyang pakasalan ang mga ito, hindi siya tumitili na parang hihimatayin na. Bagkus, nanginginig at nakayuko lamang siya na parang gusto na niyang umatras.

Tumingin sa akin si Gael na tila gustong kunin ang pagpayag ko.

"Hindi na ako pupunta sa storage room," natatawa kong saad. Maging si Gael at napatawa na rin.

Tumango siya sa akin at lumapit sa babae na gusto makipag-date sa kaniya. Si Gael na mismo ang humawak sa kamay no'ng babae at inaya na ito papunta sa dating area.

Ang bait niya talaga.

Nagpatuloy na ako sa paglalakad at nagmuni-muni sa paligid. Hanggang sa maalala ko si Soul. Napatigil ako at pinakiramdaman ang paligid ko. Pero mukhang wala siya.

"Soul?" tawag ko pero wala akong nakuhang tugon.

Nasaan kaya siya?

#

Mourning SoulsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon