ESPESYAL NA KABANATA

2 0 0
                                    


Muli akong napatitig sa rosaryong hawak ko. Itinukod ko pa ang siko ko sa ibabaw ng study table ko at komportableng umupo sa mono block chair dito sa loob ng kwarto ko.

Sinuri ko ang bagay na hawak ko. Sabi ni tiyo Ramon noon sa akin ay hindi ito basta-basta rosaryo lamang. Hindi raw ito ordinaryo katulad ng iba. May kung anong mahika raw ang bumabalot dito.

Kahit papaano ay naniniwala naman ako dahil katulad ng sabi niya, hindi nga ako nagagawang sapian ng sinumang kaluluwa ang umaaaligid sa akin. Iyon nga lang, nakakausap at nakikita ko pa rin sila.

Maliban sa isang kaluluwa na ilang araw ko na ring nakakasama at naririnig.

Hindi ko nakikita o kahit maamoy man lamang ang kamatayan ng kaluluwang ito. Nakakausap ko lamang siya at nararamdaman ang kaniyang presensiya.

At katulad ng pagiging iba niya sa mga kaluluwang nakikita at nakakasalamuha ko sa pang-araw-araw kong pamumuhay, ay may kakaiba ring epekto sa kaniya ang rosaryong hawak ko.

Kung ang ibang kaluluwa ay nagagawang lapitan ako at kausapin kahit suot ko ang rosaryo, ang kaluluwa naman na ito ay hindi niya ako magawang lapitan. Tila isa itong apoy para sa kaniya na hindi niya maaaring lapitan, dahil kung hindi ay masusunog siya.

Kaya kapag suot ko ang bagay na hawak ko, hindi ako malalapitan at makakausap ni Soul, ang kaluluwang kasalukuyan kong tinutulungan at hinahanapan ng impormasyon dahil hindi nito maaalala ang kaniyang nakaraan.

"B-Binibini?"

Napalingon ako sa gawi ng nakasaradong pintuan ng kwarto ko. Hindi ko man nakikita ang kaluluwang nasa kabilang bahagi ng pintuan, nais ko siyang matulungan. Sabihin man niya na hindi niya nais ang tulong ko at ang tanging kagustuhan lamang niya ay ang magkaroon ng nakakausap, alam ko na nais niyang malaman ang naging dahilan ng kaniyang pagkamatay. Lalo na ang dahilan kung bakit siya nanatiling nandito sa ibabaw ng lupa.

Tumayo na ako at itinago sa aparador ang rosaryong kinakatakutan ng mga kaluluwa. Kinuha ko ang bag ko at isinukbit ito sa aking balikat bago naglakad patungo sa pintuan ng aking kwarto. Bumungad sa akin ang malamig na hangin, maging ang kakaibang katahimikan, na parati kong nararamdaman araw-araw.

"Tara na?" nakangiti kong tanong, hindi ko nakikita ang kausap at kasama ko ngayon, ngunit batid ko na nakatingin ito ngayon sa akin at nakatayo siya sa harapan ko. "May naghihintay pa ng tulong natin."

"K-Kasama ba natin si Gael?" narinig kong tanong ng kaluluwang kausap ko. Nagsimula akong maglakad patungo sa pintuan ng bahay ng tiyo Ramon ko. Wala siya ngayon, o baka mas magandang sabihin ang 'sila', sapagkat natitiyak ko na kasama niya ngayon si Mayumi, ang first love niya na kaluluwa na ngayon.

"Oo. Sabi niya hindi muna siya dadalo sa laro nilang ahedres ng mga kaibigan niya para makasama sa gagawin natin." tugon ko sa katanungan ni Soul sa akin.

Hindi ko alam kung nagkamali lamang ako ng narinig pero narinig ko ang pagsinghal ni Soul sa naging sagot ko.

"Iniisip ko nga e', kulang tayong tatlo para sa kahilingan ng kaluluwang tutulungan natin ngayon." saad ko at lumabas ng bahay. Matapos kong ikandado ito ay muli akong nagpatuloy sa paglalakad. Ramdam ko naman ang presensya ni Soul sa tabi ko.

Kahapon ay may kaluluwang lumapit sa akin at humingi ng aking tulong. Hindi ako tumanggi ng marinig ko ang tulong na kakailanganin niya. Siguro sadyang mahirap nga ang pagkakaroon ng abilidad na katulad ng mayroon ako, pero may maganda naman itong naidudulot para sa mga nilalang na hindi na dapat nananatili rito sa ibabaw ng lupa kasama ang mga nabubuhay.

"Malaki sana ang maitutulong ni tiyo Ramon at Mayumi kung wala silang lakad ngayon." wika ko.

"Siya nga pala, saan sila nagtungo? Kaya pala hindi ko sila masumpungan kanina sa loob ng bahay." sabi naman ni Soul.

Mourning SoulsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon