CHAPTER 1 | He Who Holds The Other Half

85 11 0
                                    

Pilipinas. Lugar kung saan biniyayaan ng magagandang tanawin, masasayang mga tao ngunit hindi ng nag-uumapaw na pera at kayamanan. Isang lugar kung saan hindi para sa lahat ang ideya ng kaginhawaan. Swerte mo sa siguro kung ipinanganak ka na isang heredera o kung ano pa mang tawag d'yan. Dito sa lugar na 'to, lalong lalo na sa syudad na kinalakhan ko, kapag hindi ka gumalaw ay magugutom ka.

Kasalukuyan kong binabagtas ang kahabaan ng kalye Cruz habang pilit iniinda ang napakainit na umaga. Ewan ko ba, nag-iba na ata ang takbo ng mundo. Alas nuebe palang ng umaga pero napakainit na. Medyo ma-traffic narin kapag ganitong oras, may mga nanininda narin ng fishball, quek-quek, at mga anik-anik sa gilid ng daan.

"Pogi, may binebenta akong sunglasses. Branded 'to, bili ka na," alok ng isang manong sa akin. Napangiti nalang ako.

"Naku kuya, 'di mo ako maloloko. Hulaan ko, inangkat mo lang 'yan mula sa tindahan ni Mr. Cheng," sabi ko.

Napakamot naman siya ng ulo.

"Sus. Sinasabi ko sa'yo, lumipat ka na kasi ng pinag-aangkatan. Dun ka nalang kumuha ng produkto sa tindahan nila Mang Todocio, katapat lang yun ng tindahan ni Mr. Cheng. Maliit lang ang patong doon tsaka mas mukhang branded pa 'yung produkto," pabulong na sabi ko sa kanya.

"Talaga ba? Sige, ita-try ko nga d'yan kina Todocio. Ang taas kasi ng patong ni Mr. Cheng sa produkto nila tsaka kuripot din," sabi niya.

"Sakto! 'Yan ang pinakamaganda mong gawin. Tsaka kung pupunta ka na 'don, sabihin mo kay Mang Todocio na ako ang nagsabi sa'yo ha. Para naman may komisyon ako kahit papaano." Tinapik-tapik ko ang likod niya sabay nagpatuloy na sa paglalakad.

Napahugot naman ako ng isang malalim na buntong-hinga. Kahit na medyo mausok at maalikabok dito dahil sa polusiyon, masasabi ko naman na hindi nakakamatay ang hangin dito. Tama ng-tama lang para mabuhay ka at masanay ka sa mundo na madumi.

Sa mundo ko, ang pagiging maarte ay tanda ng isang pagiging mahina. Para mabuhay, kailangan mong lumaban. Swerte ko lang, may kakayahan akong hindi kaya ng iba. Sabihin na nating may third eye ako, pero hindi multo ang nakikita ko kundi mga sinulid na nakatali sa daliri ng isang tao habang ang dulo naman ay nakatali sa kung sino man ang magiging destiny nito. Tinatawag ko itong 'strings of destiny'. Ito din ang dahilan kung bakit kilala ako dito sa amin sa pagiging isang 'Break-up Planner'.

Cool ba? Siguro nga para sa iba masaya ang magkaroon ng ganitong kakayahan. Yung iba naman ay hindi naniniwala pero okay lang, 'di ko rin naman sila pinipilit maniwala. I let my works do the talking.

Bigla nalang naagaw ang atensiyon ko kay aleng Merna na lumuluha habang nag-iihaw ng tinda niyang barbeque.

"Abay pwede ka nang maging artista n'yan aleng Merna. Naunsa man diay ka? (Anyare sa'yo?)"tanong ko sa kanya.

Wala parin siyang tigil sa kakaiyak. "Magtagalog ka Kendrick! Wala ako sa mood ngayon. Baka paliparin kita pabalik ng Davao gamit lang 'tong suntok ko?"

Napatawa naman ako sa sinabi niya. "Eto naman si aleng Merna 'di mabiro. Sige na sabihin mo na kung bakit parang damsel in distress yung drama mo ngayon?"

"Manahimik ka, Kendrick. Alam ko na 'yang style mo. May bayad na naman 'yan," sabi niya sabay pinahiran ang luha niya.

"Wala namang kasing libre sa panahon ngayon aleng Merna. Eto nalang, kung may maitulong man ako problema mo na 'yan, bayaran mo lang ako ng sampung tuhog ng isaw. Pang-ulam lang namin mamaya ni lola. Ano, deal?" pangungumbinse ko sa kanya.

Ilang segundo rin siyang nag-isip bago pa man siya sumagot ng oo. Kahit umiiyak, tinuro niya ang isang lalaking mala Pepe Smith ang pormahan na may nilalanding magandang chicks sa tapat. "Iniwan na ako ni James dahil sa babaeng 'yan. Hindi na niya ako love."

To (Not) Fall In LoveTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon