Ngiti, sekreto ng mga pogi, ang nakatatak sa suot kong itim na t-shirt kaya 'matic akong ngumiti. 'Di bale nang mas lalo pang naningkit ang mga mata at tagaktak ang mga pawis dahil sa bagsik ni haring araw, basta nakangiti ako, ang ganda pa lalo ng mundo.
Bitbit ang basket ng mga bulaklak, naglakad ako papasok sa isang malapad na gate.
"Kung ikaw ay masaya, pumalakpak." Pumalakpak ako ng tatlong beses. "Kung ikaw ay masaya pumalakpak. Kung ikaw ay masaya buhay mo ay sisigla. yeah! Kung ikaw ay masaya, pumalakpak." At pumalakpak ako ulit.
"Pucha." Napakamot ako ng batok habang natatawa sa sarili. Kung ano kasing ikinasaya at ikina-ingay ko, kabaliktaran no'n ang mood ng nilalakaran ko.
Nandito lang naman kasi ako sa sementeryo. Mga lapida to the left at lapida to the right.
'Di ko na lang 'yon pinansin at lumiko na pakaliwa bago nagpatuloy sa pagkanta. "Kung ikaw ay masaya—" napatigil ako, 'di lang sa pagkanta kundi pati na rin sa paglalakad nang may nakita ako.
Sa ilalim ng nag-iisang malaking puno sa gitna ng sementeryo, sa katabing lapida ni Popo, may nakaupong isang babae. 'Di ko kita 'yong mukha n'ya pero nag-alangan akong lumapit.
Nakasuot s'ya ng kulay puting long sleeves at maong habang nakalugay naman ang kanyang mahaba at itim na buhok.
Bumilis ang tibok ng puso ko . . .
"Pag-ibig na kaya? Pareho ang nadarama ito ba ang simula?"
Pakanta-kanta lang ako pero ang totoo, natatakot na ako. Hindi naman yata ako minumulto. Totoong tao naman s'ya . . . 'ata.
Para masiguro, lumapit pa ako. Dahan-dahan lang ang bawat hakbang. Mamaya, madistorbo ko s'ya, baka magalit tapos iikot ng three hundred sixty degrees ang ulo, tapos aangat sa ere ang buhok, tapos panlakihan ako ng mga itim na mata tapos—umiling-iling ako. Okay, tigil ko na 'tong kalokohang 'to. Tinatakot ang sarili ampucha.
Parang 'di naman s'ya multo!
Konting lapit pa hanggang sa natigil ako ulit sa paglalakad.
Tangnajuice! Umiiyak s'ya.
Humahagulgol sa harap ng isang lapida. Napakamot ako ng batok. Sige, 'di ako magmamalinis, gago ako, pero ako rin 'yong gagong natataranta kapag may nakikitang umiiyak na babae.
'Di ko alam ang gagawin kaya nagpunta muna ako sa nakaparadang kulay light blue na Beetle Volkswagen, na tingin ko ay sa kanya. Ilang metro lang ang distansya n'on mula sa nakatalikod na babae. Napasandal na lang ako sa gilid ng sasakyan pero mabilis ding lumayo kasi kasing hot ko siya, literal nga lang 'yong sa kotse.
Rinig na rinig ko ang bawat paghagulgol ng babae.
Pucha.
Parang may binabanggit siyang pangalan pero 'di ko gaanong makuha kung ano 'yon.
Napahimas ako sa biglang sumakit kong batok. Gusto kong may gawin pero iniisip ko ring dapat bang may gawin ako.
Dos, ano na?
Natigil ako, mas kumabog ang dibdib. Bigla kasing napaayos ng pagkakaupo 'yong babae at walang anu-ano'y nilingon ako.
Na-thinking out ba ako do'n?
Pero parang natigil ang lahat nang makita ko ang mukha n'ya. Napatitig ako sa ganda n'ya. Hindi s'ya multo. Katunayan, para s'yang anghel sa ganda. 'Yon nga lang, anghel na umiiyak.
Humihikbi s'yang parang batang inagawan ng kendi. Gusto kong mangiti dahil kahit umiiyak, ang cute n'ya pa rin. Namumula ang pisngi at ilong, at nakatitig sa akin ang mga bilugang mga mata. Natulala ako ro'n. Kitang-kita ko ang mga luhang umaagos. Walang tigil.
Pucha part two.
Humugot ako ng malalim na hininga at ibinuga 'yon. Nasa mga sampung metro siguro ang layo namin pero ramdam ko ang bigat na nararamdaman n'ya hanggang sa kinatatayuan ko.
Kung ikaw ay masaya . . .
May pumatak na namang mga bagong luha.
Pucha, pareho kaming 'di masaya.
BINABASA MO ANG
Dos and Don'ts
General FictionAko si Dos Solmeron, poging mekaniko sa umaga, pogi na lang sa gabi. Naniniwala sa kasabihang, "If there's a Will, there's a jacket. At kung umiyak ka, may payb tawsan ka pa." S'ya si Brielle Ybañez, isang dalagang ayaw mag-move on sa fiance n'yang...