"Dos, apo."
Mabilis kong nilapitan si Wawa sa kanyang hospital bed. "Wawa kong maganda, bakit po?"
"Ang mama mo?"
"Inuwi po saglit si Duke. Bakit po?"
"Wala naman. Anong oras na ba?"
Tiningnan ko ang suot kong relo. "Malapit na po ang oras ng mga pogi."
"Ano?"
Natawa ako. "Mag-a-alas dos na po."
Nagtaka si Wawa, inayos niya ang maliit na tubo sa ilong. "Hindi ko nakuha ang biro mo."
"Wawa naman!" natatawa kong sabi bago naupo sa stool na nasa gilid ng kama niya. "Nahihilo pa po ba kayo?"
"Hindi na gaano. Kapag tumatayo na lang. Gusto ko nang umuwi sa atin."
Hinaplos ko paitaas ang puti niyang buhok. "Sabi ng doktor, kung magtutuloy-tuloy daw po 'yong pagkawala ng hilo niyo, posible daw pong makauwi na kayo bukas."
"Mabuti naman."
"Opo. Pero babaunin natin 'yang oxygen mo. Kailangan mo pa kasi 'yan. Mahina pa rin ang kabilang lungs mo kaya ka po nahihilo."
Tumango-tango si Wawa. "Maiba tayo. Hindi ka ba aalis ngayon?"
"Hindi po." Maliban na lang kung darating ulit siya. "Dito lang po ako. Babantayan kita, Wa."
"Kumusta ang talyer mo?"
"Ayos naman po. Si Mang Kulas na muna namamahala."
"Eh, iyong babaeng kinikita mo sa sementeryo."
Kamuntik na akong mahulog sa inuupuan ko. "Wa! Pa'no niyo alam 'yon?"
Tumawa si Wawa. "Naikwento sa akin ni Dondon" May chismoso akong magugulpi mamaya. "Nagtataka kasi ako sa araw-araw mong pagpunta doon."
"'Di ba pwedeng si Popo ang dahilan?"
"Ng napakasaya mong ngiti?" balik na tanong ni Wawa kaya natigilan ako. Ayon, nangiti siya sa reaksyon ko. "Sa tuwing nagpapaalam kang dadalaw sa iyong Popo, napakaliwanag ng mga ngiti mo sa labi. Iba ang kaligayahan sa iyong mga mata. Kabaliktaran ng mga unang araw ng pagdalaw mo doon. Kanya naisip kong may ibang dahilan ang kasiyahan mo. Tinanong ko ang mama mo at saktong nandoon si Dondon."
Napahimas na lang ako ng batok.
"Kailan mo siya ipapakilala sa akin?"
"Wa, chill ka lang."
Ewan ko lang kung dadating ang araw na 'yon.
"May problema ba, apo?"
"Po?"
Tumagilid sa Wawa para mas makita ako nang maayos, hinahawakan ang kamay ko. "Ayaw mong sabihan si Wawa?"
"Hindi naman po sa gan'on. Pero..."
"Ano?"
"Dapat 'di niyo iniisip 'yang mga ganyan. Dapat nagpapagaling kayo. 'Yon ang dap—"
"Umiiwas ka na naman."
Sapul ang poging si ako. "Wa..." Nagkamot ako ng batok.
"Nakahiga lang ako dito sa kama ng ospital pero maayos pa ito." Binitawan niya ang kamay ko para ituro ang sintido niya. "Handa namang makinig si Wawa kung ano man 'yan. Naalala mo pa ba 'yong dati? Sa tuwing may problema ka sa babae, ako, kami ng Popo mo ang kinakausap mo." Tapos tumawa siya.
BINABASA MO ANG
Dos and Don'ts
General FictionAko si Dos Solmeron, poging mekaniko sa umaga, pogi na lang sa gabi. Naniniwala sa kasabihang, "If there's a Will, there's a jacket. At kung umiyak ka, may payb tawsan ka pa." S'ya si Brielle Ybañez, isang dalagang ayaw mag-move on sa fiance n'yang...