July 31, 2017 | 01:04 PM

185 27 2
                                    


Malamig ang bakal na kinakapitan ng mga kamay ko kung saan nakapatong din ang baba ko. Tahimik lang ang buong kwarto at ang ugong ng aircon lang ang maririnig.

Pinagmamasdan ko si Wawa. Natutulog siya. Mahimbing.

Pinagmasdan ko ang kulay puti niyang suot.

'Di bagay sa kanya. Mas bagay sa kanya 'yong daster niyang kahit may butas na, sinusuot pa rin niya dahil komportable at presko daw.

'Di bagay sa kanya ang hospital gown!

Pati itong tubo sa ilong niya na nagbibigay sa kanya ng oxygen, 'di din bagay sa kanya.

Pati tong IV! 'Di rin bagay sa kamay niya.

"Apo kong pogi."

Napatingin ako sa mukha ni Wawa. Garalgal ang boses niya at mahina.

Agad akong napangiti.

"Wawa kong maganda!" masigla kong sabi sa mahinang boses. "Magaling ka na? Tara, uwi na tayo."

Pumikit siya nang mariin. "'Di pa pwede. Nahihilo pa ang Wawa."

Hahawakan ko sana ang kamay niya kaso sagabal ang IV. Sa braso na lang niya ako humawak."Anong gusto mong gawin ko, Wa?"

"Diyan ka lang sa tabi ko. 'Wag kang aalis."

"Dito lang ang pinakapogi mong apo, Wa. Magbabantay lang ako sa 'yo."

Kahit nahihirapan at nakapikit pa rin dahil sa hilo, nangiti pa rin si Wawa.

At sino ba naman akong bata, healthy at walang iniinda sa katawan ang 'di magpapakatatag? Wala akong karapatang sumuko. Si Wawa nga, kinakaya, ako pa ba? Ang poging 'to pa ba?

"Ang mama mo, Apo?"

"Umuwi po saglit sa bahay, Wa. Kumuha lang ng mga gamit. Babalik din 'yon agad."

Napalingon ako sa pintuan nang marinig kong magbukas iyon. Pumasok ang isang maganda at nakangiting nurse. "Good morning, Sir. Kukuhanan lang po namin ng dugo si Lola."

Napatayo ako.

May pumasok ding lalaki. Nakauniporme rin at nagkagulatan kami nang makilala ang isa't-isa.

"Jael!"

"Oy! Dos."

Mapagbiro ko siyang tinuro. "May tama ka."

Nagtataka 'yong magandang nurse na nagpabalik-balik ang tingin sa aming dalawa.

"Nakilala ko siya sa isa sa mga gala ko," paliwanag ni Jael. "Si Nurse Lia, pare. Lia, si Dos."

"Hello!" kaway ko kay Nurse Lia na nginitian ako bago nila nilapitan si Wawa.

"Lola, kukuha lang po kami ng dugo niyo para sa lab tests," malambing na sabi ni Nurse Lia kay Wawa habang chini-check nito ang IV ni Wawa.

Nasa may paanan si Jael at naghahanda ng mga gamit.

"Wa, 'di sila mga bampira, 'wag mag-alala."

Natawa si Jael at Nurse Lia.

"Lola, kukunan ko na po kayo ng dugo ha? 'Di naman 'to masakit," sabi ni Jael pagkalapit niya kay Wawa.

"Oo, Wa," sabat ko. "Parang kagat lang ng bampira."

Nagtawanan na naman sila.

Mabilis lang nakuhanan ni Jael ng dugo si Wawa at nilagay niya iyon sa maliliit na mga tubes tapos sinulatan isa-isa. Nang matapos siya, sabay silang nagpaalam ni Nurse Lia.

Dos and Don'tsTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon