Bukod sa magpakalayo-layo at tuparin ang nasa listahan ng pagmo-move on, may natatanging rason talaga kung bakit ko inimbita si Brie dito sa probinsya namin.
Kaya habang nag-aagahan kami kasama nina Tita Veron at mga anak n'ya at mga apo, sinabihan ko s'ya ng pakay namin.
"Tita, si Manang Paz po, and'yan pa?"
Mula sa dulo ng mesa, napatingin s'ya sa akin. "Si Aling Paz? 'Yong manghuhula?"
"Opo. May kailangan lang po sana kami sa kanya."
"Naku, Dos, matagal nang patay si Aling Paz. Sakit sa baga. Bakit? Magpapahula sana kayo?"
Nagkatinginan kami ni Brie, tapos ay nginitian niya ako, pinapayagang sabihin kay Tita ang dahilan.
"Magpapa-interpret po sana ng panaginip, 'Ta."
"O," tumatangong react ni Tita.
"Pero, Ma, si Cresensia, 'yong anak niya, nag-i-interpret 'yon ng panaginip, 'di ba?" sabat sa amin ng pinsan kong si Kuya Seph.
"Ay, oo! Siya pala ang pinamanahan ni Aling Paz ng ganoong kakayahan." Sumubo si Tita ng sinangag. "Kaninong panaginip?"
"Sa akin po," si Brie na ang sumagot.
"What dream?" ngumunguyang tanong naman ni Jade. Tiningnan lang siya nang makabuluhan ni Brie at napa-"oh, okay," na siya.
"Pwede po ba naming mapuntahan 'yang si Cresensia ngayon, 'Ta?" tanong ko kay Tita Veron pero si Ate Josè ang sumagot.
"Pwede, Dos. Sasamahan ko kayo mamaya pagkatapos nating mag-agahan. Magkaibigan kami n'yang si Cresensia, 'wag kang mag-alala."
At iyon nga ang nangyari. Sinamahan niya kami sa bahay n'ong Cresensia.
At tulad kahapon, marami na namang bumati sa akin. Mga dating mukha na nagbigay din ng saya sa kabataan ko. Kung dati'y konsumisyon ang makikita ko sa mukha nila sa t'wing nakikita ako, ngayon ngiti at tuwa na.
"Woah, sikat, a?" komento ni Jade mula sa likod ko, katabi niya si Brie na nasa palayan ang tingin, mukhang nasa malayo ang isip.
"'Di naman masyadow," pabiro kong tugon. "Nakaka-appreciate lang sila ng tunay na kapogian."
"Ang aga-aga, Dos, ha."
Natawa na lang ako pero mabilis namang nawala ang ngiti ko nang mapansin kong parang distracted si Brie. "Ayos ka lang, Brie?"
Kung 'di pa siya siniko ni Jade, 'di siya mapapakurap saka ako nagtatakang tiningnan. "I'm sorry, pero ano 'yon?"
Tumawa na lang ako. "Sabi ko, ayos ka lang ba?"
"Of course," sabi niya saka siya ngumiti. "I'm fine."
"Beryo!"
Natigil ako pagkarinig sa tumatawag. Isa 'yong pangalan na matagal ko nang binaon sa lupa. Iniwan ko na 'yon dito. At ngayong nakabalik na ako, nagbabalik na rin siya!
"Beryo!"
'Di ko sana papansinin ang tumatawag pero nakita kong natatawa na si Ate Josè sa harap ko. Alam niyang ako ang tinatawag.
Pucha, sino ba 'yong tumata—"Mang Teban!" bulalas ko pagkakita sa isang matandang nakangiti sa akin sa kabilang side ng kalsada. Nakatayo siya sa labas ng kanilang bakod.
"What the? Ikaw si Beryo?"
Napatingin ako kay Jade, nanlalaki na ang singkit kong mata. Mas lalo namang napahalakhak si Ate Josè.
Mga mata naman ni Jade ang nanlaki nang marealize niyang ako nga si Beryo.
BINABASA MO ANG
Dos and Don'ts
General FictionAko si Dos Solmeron, poging mekaniko sa umaga, pogi na lang sa gabi. Naniniwala sa kasabihang, "If there's a Will, there's a jacket. At kung umiyak ka, may payb tawsan ka pa." S'ya si Brielle Ybañez, isang dalagang ayaw mag-move on sa fiance n'yang...