"Po! Wazzup! Wazzup!"
Naglatag ako ng dala kong tarpaulin sa harap ng lapida ni Popo bago ako naupo do'n. Bago pa lang kasi ang puntod n'ya kaya wala pang gaanong tumutubong damo.
Nalalanta at nalalagas na ang ilang petals at mga dahon ng mga bulaklak na dinala ko no'ng unang dalaw ko sa kanya.
"Po, pagkabalik ko, anong gusto mong bulaklak? Gusto mo ferfel plawers na lang? Paboritong kulay mo naman 'yon, 'di ba?"
Sa 'di ko malamang dahilan, bigla na lang umihip ang malakas na hangin. Nagkiskisan ang mga dahon sa puno.
Kinilabutan ako.
"Joke lang, Po! Sige na, fenk na lang."
Pinakiramdaman ko ang paligid, tiningala ang higanteng punong nagbibigay sa akin ng lilim. Chill na ang lahat.
"Jusko, fenk flawers lang pala ang nais, wala namang takutan. Madali naman akong kausap."
Nag-indian sit ako, ang tahimik ng paligid. Bigla kong naalala 'yong dati. 'Yong kwentuhan namin ni Popo na nauuwi lagi sa ingay, lokohan at tawanan.
"Po, miss na kitang kausap." Nginitian ko nang malapad ang lapida n'ya. "Miss na miss na kita." Kumurap-kurap ako at tiningala ulit ang mga maliliit na dahon sa itaas. Nililipad sila ng hangin.
"Stay strong, mga dahon. Kapit lang!"
Kapit lang . . .
Naramdaman kong may tutulong sipon mula sa ilong ko kaya suminghot ako.
Mabilis akong tumayo at itinupi ang tarp bago 'yon inipit sa dalawang sanga ng puno para magamit ko pa sa susunod kong pagdalaw.
"Po, kailangan ko nang umuwi, sumaglit lang talaga ako dito," paalam ko nang bumalik ako sa harap ng lapida n'ya. Suminghot-singhot ulit ako. "Nakakasipon pala dito. Parang ayoko na ulit dumalaw."
Umihip na naman nang malakas ang hangin. Napahawak ako sa dibdib ko.
"Jusko naman, joke lang, Po! Dadalaw ako ulit. Mahirap na, baka ma-miss mo ang pinakapogi mong apo, ako pa ang dalawin mo." Ngumiti ako sa lapida. "Sige na, babush na."
Hingang malalim, buga ng hangin.
Pagkatalikod ko, sakto namang dumating ang isang light blue na Beetle Volkswagen.
'Yong kotseng kasing hot ko!
Ibig sabihin . . .
Tumigil ang kotse sa tapat ng motorsiklo ko, nagbukas ang pinto at ayon na nga, mga madlang dabarkads, bumaba na nga mula sa Beetle 'yong anghel na nakita kong umiiyak no'ng nakaraan.
'Matic, nagkaroon ng background music sa utak ko.
Nakakakaba, nakaka-aliw, nakakabaliw—biglang nakarinig ako ng scratch ng cd dahil napahinto 'yong babae nang makita ako, parang nag-alangang lumapit.
Ngayon lang ba s'ya nakakita ng pogi?
Nilabas ko na ang killer smile kong may bonus pang malalalim na mga dimples.
"Hello," kaway ko sa kanya. Huling beses na ginamit ko ang awkward kaway na 'to ay no'ng high school pa ako at nagpapa-cute ako sa crush kong crush din pala ako.
Nginitian ako pabalik ng anghel, pero maliit lang. Ngiting respeto kumbaga.
Awts. Na-crush puso ko.
Buti na lang, bumaba 'yong tingin n'ya.
Doon.
Doon sa good vibes shirt kong may nakasulat na PAGKATAPOS NG ULAN . . . basa ang daan.
Ayon na, madlang dabarkads! Tuluyan na s'yang napangiti nang malapad habang naiiling. Ayiiee! Kinilig ako. Napangiti ko s'ya! Ng t-shirt ko pala pero ako naman ang may suot, ba't ba?
Nagsimula s'yang maglakad kaya humakbang na rin ako, nakakahiya namang magmukhang tanga sa harap ng isang anghel.
Nakayuko s'ya habang bitbit ng dalawang kamay ang kanyang bag na kasing-kulay ng kanyang palda at ng kanyang kotse. Light blue. Siguro, paboritong kulay n'ya 'yon. Simpleng V-neck shirt naman ang pang-itaas n'ya. Sumasabay sa pag-sayaw ng kanyang palda ang kanyang buhok.
Ang ganda pa n'ya lalo ngayong wala nang bahid ng luha ang maamo n'yang mukha.
Isa pang hakbang.
Uy, parang ka-edad ko lang s'ya.
Isang hakbang ulit.
Matangos na ilong, defined na panga at maninipis na mga labi na . . .
Napalunok ako.
Pang-ilang hakbang na ba 'to?
Sobrang lapit na namin.
Ang cute ng dalawang maliit na nunal sa kaliwa n'yang pisngi. Nagpadagdag 'yon sa sex appeal n'ya.
Isang hakbang . . . nalagpasan na namin ang isa't-isa.
Ang bango ng cotton candy . . . 'yon ang pabango n'ya. Hindi ko mapigilang lingunin s'ya. Pati likod n'ya bakit parang sobrang perpekto?
Nagtuloy-tuloy na ang paglaki ng distansya sa pagitan namin.
Sinuntok ko nang mahina ang upuan ng motor ko habang parang adik na ngiti nang ngiti. Nasabi ko na bang ang ganda-ganda n'ya? Juskopo.
Sumakay na 'ko sa motorsiklo bago pa ako tuluyang mabaliw. Pagkatapos magsuot ng helmet, nilingon ko s'ya ulit. Nakaupo na s'ya sa harap ng katabing labida ni Popo.
Nagtaka ako, pangalawang beses na naming pagkikita 'to.
Palagi ba siya rito?
BINABASA MO ANG
Dos and Don'ts
General FictionAko si Dos Solmeron, poging mekaniko sa umaga, pogi na lang sa gabi. Naniniwala sa kasabihang, "If there's a Will, there's a jacket. At kung umiyak ka, may payb tawsan ka pa." S'ya si Brielle Ybañez, isang dalagang ayaw mag-move on sa fiance n'yang...