0

60 17 2
                                    

Makulimlim na langit, malakas ang hangin at nagbabadyang ulan ang paparating pero imbes na umalis ako ngayon sa kinatatayuan ko para humanap nang masisilungan ay 'di ko ginawa.

Mula rito sa kinatatayuan ay tanaw ko ang bawat galaw nila. Ang bawat ngiting hindi mawala-wala sa labi at tawanan na puno ng saya; pagmamahal para sa isa't isa. Habang ako, nandito sa malayo. Nakamasid lang habang nasasaktan. Hindi ko akalain na ganito ang aabutan kong eksena sa labas ng bahay nila.

Napakatanga ko. Alam ko naman na may iba siyang hinihintay pero pinilit ko pa rin ang sarili sa kaniya. Kaya tingnan mo ngayon, ako lang din naman ang nasasaktan.

Ikakasal na sila, Dexie. Ba't ba hindi mo matanggap 'yon?

Pinunasan ko ang luhang tumulo. Ba't ba ang unfair ng mundo sa akin? Lahat na lang ng taong pinahahalagahan ko-iniiwan ako? Kailangan ko pa ba talagang manlimos nang atensiyon nila, para lang mapansin ako? Ba't nangyayari lahat ng 'to sa 'kin? Bakit?

Unti-unti at dahan-dahang pumatak ang ulan. Kasabay no'n ay ang pagbagsak nang sunod-sunod ang mga luha ko. Sinasabayan niya ako, nakikisimpatiya rin sa dinaramdam kong lungkot ngayon. Sa ganoong paraan ay naramdaman kong may karamay ako. 'Di man nakikita pero nararamdaman ko.

Muli kong pinunasan ang luhang tumulo sa mukha ko, pero parang nabalewala lang ito dahil patuloy pa ring nagsibagsakan. Parang ayoko na, ako na lang palagi ang lumalaban at nagmamahal. Palagi na lang ako ang nagbibigay ng pagmamahal sa kanila, pero anong natatanggap ko? Puro sakit lang. 'Di ba p'wedeng sila naman? Sila naman ang magmahal sa 'kin at pahalagahan ang isang tulad ko?

Oo, masama ang ugali ko pero hindi 'yon dahilan para gagawin nila, 'to! May pakiramdam din ako! Nasasaktan at nagtatanim nang galit sa kanila! Kaya hindi nila ako masisisi, because it's also their fault why I'm like this! They did it to me, so they will regret it!

Ang kaninang puno ng lungkot at paghihinagpis na puso ko'y napalitan nang galit at pagkamuhi. Hindi lang dahil sa mga taong nanakit sa 'kin, pati na rin sa sarili ko dahil hinayaan kong magpakababa. Bakit kailangan kong manlimos nang atensiyon sa kanila? Ba't ko hinayaan?

Matalim ang iginawad kong tingin sa dalawang taong nasa malayo. Katulad ko ay basa na rin sila ng ulan. Hindi nila ito alintana dahil kapuwa nakatingin sila sa isa't isa at walang pakialaman sa paligid.

Mas lalong nadagdagan ang pagkamuhi ko sa mga nakita ko ngayon. Unti-unting naglapit ang mukha nila sa isa't isa ngunit bago naglapat ang mga labi nila ay tumalikod na ako. At sa huling pagkakataon, hinayaan ko ang sarili na umiiyak ulit dahil pagkatapos nito. Babalik na ako sa rati.

Ang dating Dexie Cuevas, na hindi mahina at walang kinatatakutan sa mata nilang lahat.

Loving This Moment ✓Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon