Two

125 2 0
                                    

ATS: Chapter 2


"Ayos lang po ako, Mama."


Nakatitig ako sa kama ng roommate ko sa itaas lamang ng higaan ko. Dumiretso na ako sa dorm at hindi na nag-inom. Gabi na rin kasi at hindi ko na maaya sila Jordan. Gusto ko nalang din humilata sa kama.


"Pasensya ka na sa Lola mo anak ha, Lauraine," malumanay ang boses niya sa kabilang linya.


"Sanay na, Mama," ngumuso ako na nauwi sa pag-ngisi. Inangat ko ang kamay ko at inabot ang kama ng roommate ko. Binaba ko rin agad. "'Wag po kayong mag-alala, Mama. Ayos lang po ako. Malayo sa bituka."


Bumuntong hininga siya sa kabilang linya. She's probably very sad by now. That thought makes me sad too. Lalo pa at ito ang masasabi kong unang beses na nag-walk out ako sa kanila. Ito rin kasi ang unang beses na masyadong hinamak ni Lola ang Papa ko.


At inaamin ko na ayaw ko ang narinig ko. Hindi ko kayang maupo roon buong durasyon na ganoon ang mga salitang naririnig ko sa Lola ko. My father did a mistake, but he learned his lessons. He changed himself and worked hard to grow and be a better person that he is right now.


"Nakabalik ka na sa dorm, anak, diba?" 


"O-opo... medyo kanina pa."


Narinig ko ang buntong hininga ni Mama ulit sa kabilang linya, she felt relieved. Naging panatag na ang loob ko kahit papaano dahil doon. Muli kong inaabot-abot ang kama ng roommate ko na tila bubong ko iyon.


"Malaki na po ako, Ma. Kaya ko naman na ang sarili ko. 'Wag niyo na po ako gaanong isipin," may kung anong nakabara sa lalamunan ko. "A-ang sarap po pala ng pasta niyo, Mama. Walang kupas," peke akong humalakhak.


"E, alam kong pupunta ka. Kaya niluto ko iyon," I can hear her smile.


"Thank you, Mama," umigting ang panga ko nang mamuo ang luha sa sulok ng mga mata ko.


Bumibigat ang paghinga ko. 


"T-take care, anak, Lauraine ha?" 


Tumikhim ako para tanggalin ang bara sa lalamunan ko. "Opo, Ma. Kayo rin po... nila Madeline."


Bumuga ako ng hangin nang maibaba ang cellphone. Mabilis ko iyong binitawan kaya nahulog iyon sa may unan ko. Kinagat ko ang pang-ibabang labi. Ngumisi ako at pagak na tumawa sabay iling.


"Tangina," sambit ko matapos bumuntong hininga.


Mariin akong pumikit at nilagay ang hintuturo at hinlalaki sa mga mata, tila minamasahe ko na iyon. I sighed and let my thumb and forefinger travel down my nose so I could massage the bridge of my nose this time.


Natigil ako sa pagmasahe ng ilong nang marinig ang isang tikhim. Nilingon ko ang roommate ko na nakatingin sa'kin. Hindi na nakasalpak sa tenga niya ang earphones niya. Yakap-yakap niya ang stuffed toy na brown. Mukhang kanina pa ata siya nakatingin sa'kin. Baka nakikinig pa.


Hanep naman!


"Tinitingin-tingin mo?!" medyo iritado ang boses ko. 


Nagsalubong na onti-onti ang kilay ko habang nakatingin sa kaniya. Medyo kinabahan siya at mabilis na dinampot iyong biscuit niya sa study table niya. Bahaw pang ngumiti sa'kin at pinakita sa'kin ang biscuit niya na kulay blue ang balot. Halatang may palaman na biscuit. Mukhang napaka-tamis.


"G-gusto mo?" alok niya sa biscuit niya.


"Hindi. Mukha ba akong kumakain niyan?!" inirapan ko siya at inayos ang pagkakahiga sa kama, tinalikuran siya. 


Bumuntong hininga ako, iritado na. I shook my head mentally. Niyakap ko nalang ang isa kong unan. Dahan-dahan kong pinikit ang mga mata. Gusto nalang matulog. Kaya lang malakas na tumunog ang cellphone ko.


Padabog ko iyong kinuha nang hindi tinitignan ang roommate ko. Galing kay Joaquin ang text kaya umirap ako bago iyon buksan. Tatadyakan ko 'to kapag walang kwenta at pang-aasar lang ang text niya. Makikita niya.


Joaquin:

oy, mag-online ka!!


Ako:

ayaw q.


Pero nag-online ako. Bungad na bungad ang GC naming apat. Mukhang marami na silang napag-usapan doon. Kakatamad naman magback read. Umay!


Justin:

birthday ng pinsan ko bukas.


Joaquin:

punta kami?


Kunot-noo ako habang binabasa ang mga napag-usapan nila. Naiirita lang ako kay Joaquin na panay tanong kay Justin kung may magaganda bang pinsan si Justin na pupunta bukas sa birthday. Gago talaga.


Nawala lang ata ang badtrip ko nang mabasa na may alak daw. Kaya natuwa ako dahil saktong-sakto at hindi ako uminom ngayon. Kaya babawi nalang ako bukas. Libre pa! Agad akong nagchat na sasama ako. Wala naman kaming pasok. 


Joaquin:

sabi na e, sasama Rain.


Ako:

oo, pero di dahil sayo.


Joaquin:

Jordan o, inaaway ako :(


Ako:

tutulog na aq. bahala na kayo dyan. 


Justin:

logtu mainam reyn.


Ako:

ge.


Pinatay ko na agad ang data ng cellphone ko. Nilagay ko iyon sa may sahig sa ibabaw ng bag ko. Hindi naman magnanakaw ang roommate ko. Ilang beses ko nang iniiwan ang cellphone ko sa ganoong ayos, hindi naman niya kinukuha. Hindi naman siya gumaganti kahit masama ugali ko sa kaniya. 


Hapon na kami nagkita-kita nila Joaquin at Jordan sa Katipunan Station. Doon kasi kami susunduin ni Justin. Sa may Recto nakatira sila Justin. Pero sa may Katipunan nakatira ang pinsan niyang may birthday.


"Tin? Anong pulutan?" si Joaquin na umakbay kay Justin.


Umiling ako at nilingon si Jordan na siyang kasabay ko sa paglalakad. Nasa unahan naming dalawa si Justin at Joaquin. Nasa kanila Joaquin din ang tingin niya, pero nang mapansin ang pagbaling ko, tumingin din sa'kin. Tinaas ko ang dalawang kilay at ngumisi lang sa kaniya.


"Ayos ka lang?" tanong ko.


"Goods naman," sagot niya kaya tumango ako.


Sa kanilang tatlo, si Jordan talaga ang pinakatahimik at seryoso lang. Minsan lang umiingay kapag nade-demonyo ni Joaquin. Si Joaquin, sobrang bibo palagi, umiinom ata ng yakult araw-araw kaya everyday okay. Si Justin naman ang neutral lang. 50% na Joaquin at 50% na Jordan siya.


"Ikaw? Ayos ka lang?" tanong pabalik ni Jordan sa'kin.


Ngumisi ako sa kaniya at matagal na tumitig. Tila pinapahula sa kaniya ang sagot sa sarili niyang tanong. Sobrang amo ng mukha niya habang nakatitig sa'kin. Lalo pa at bagong gupit lang siya last week. Kaya malinis tignan ang buhok niya.


"Ano sa tingin mo, Jordan?" I smirked even more.


"Hoy! Amin si Jordan! Bakit kayo ang magkasama dyan?!" sigaw ng ugok na Joaquin at hinawakan sa braso si Jordan. "Hindi ka VIP dito Rain ha. Kahit schoolmate pa kayo noong Junior High, amin si Jordan. 3J kami!"


Umismid lang ako at ngumisi lalo kay Jordan. Inalis ko na rin ang tingin sa kaniya at nauna nang maglakad. Nasa likod ko na silang tatlo. Panay pa rin ang sabi ni Joaquin na sa kaniya raw si Jordan.


"Kahit kainin mo pa si Jordan, Joaquin. Wala ako pake," baling ko sa kaniya. "Nagiging sa'yo lang naman ako kapag nagpapaturo ka sa precal. Hanep."


"Oh! Grabe 'yan!" si Justin at lumapit sa'kin sabay akbay. "Ako, kay Rain nalang ako."


"Isa ka pa. Sipsip," inalis ko ang akbay niya habang nakangisi. 


"E, ikaw leader namin e. Kaya ka nga L e," pagdadahilan ni Joaquin.


Maraming bisita sa kanila Justin. Malaki pala ang bahay noong pinsan niya. Mukhang mayaman sila dahil halos kasing-laki iyon ng bakuran nila Madeline. Marami ring bisita sa loob ng bahay nila. Meron din namang mga table sa may bakuran, doon kami pumwesto.


"Hanep, makakainom din pala tayo ng expensive na alak," ngising-ngisi si Joaquin, iniikot-ikot ang alak sa loob ng baso niya. "Akala ko red horse at beer nalang habang buhay e."


Prente akong nakasandal sa upuan, hawak ang baso ko. Nagkakatuwaan ang mga bisita ng pinsan ni Justin. Halatang saling-pusa lang kami sa handaan na 'to. Pero ayos lang, inulanan naman kami nang mamahalin na maiinom. 


"Anong masasabi mo, Rain?" baling ni Joaquin sa'kin.


"Salamat, Justin," nakangisi kong binalingan si Justin.


"Tama! Tama! Salamat, Justin!" inangat niya ang baso. "Cheers nga mga gago!"


"Gago ka rin," sagot ko at tinaas din ang baso.


"Syempre, magkakaibigan tayo," nakangisi niyang sagot.


Nagpatuloy ang birthday celebration ng pinsan ni Justin. Gian pala ang pangalan ng may birthday. Lumalabas-labas siya kanina para i-check ang mga bisita na nasa labas. Kaya nagawa siyang kausapin nila Joaquin. Ako tahimik lang na umiinom.


"Nakakarami ka na oy, baka malasing ka na," siniko ako ni Joaquin.


"Gaya mo 'ko sa'yo," umismid ako at uminom ulit.


Naparami ang inom ko. Masarap talaga ang mamahaling alak. Lasang juice lang siya, pero nakakalasing talaga sa totoong buhay. Kaya medyo masakit na sa ulo at mata ang mga tila disco lights sa may bakuran nang buksan iyon.


"Oy, sabay daw kayo sa amin nila Kuya mamayang uwian," si Justin na bumalik na sa mesa namin. Galing siya sa loob dahil tinawag ng isa sa mga pinsan niya. "Nice, road trip!"


"Gagi, nakakahiya. 'Wag na kamo," si Joaquin.


"'Di, sa may Recto kami nakatira diba? Kaya madadaanan ang Pureza," baling niya sa'kin. "Pati sa Cubao at V. Mapa makakadaan," bumaling siya kay Jordan at Joaquin.


"Nice, naki-birthday na nga. Naka-libre pa pamasahe," humagikhik si Joaquin, may amats na ata.


Naghanda na kami sa pag-alis kalaunan noong lumabas na ang asawa ng Kuya ni Justin. Nagsipag-kainan ng kendi sila Joaquin, para 'di raw sila mabaho sa kotse ng Kuya ni Justin. Nag-spray pa ng pabango. Hanep, bakit may ganoong dala si Joaquin.


"Handang-handa ah," pang-aasar ko kay Joaquin habang ini-s-spray-han ako ni Jordan ng pabango ni Joaquin. "Hanep, pare-parehas na tayo ng amoy. Cute niyo."


Sa likod ng kotse kami nagsiksikan lahat. Panay sipsip si Joaquin sa Kuya ni Justin. Kung ano-anong kuwento niya. Mukhang may amats na nga ata. Panay tawa kahit 'di naman siya nagjo-joke.


"Anong isda ang nagiging bato? Ano? Ano?" tanong-tanong ni Joaquin sa amin.


"Stone fish?" sagot ni Justin.


"Gago! Anong stone fish?! Mali!" umirap ako. "Ikaw Jordan? Anong sagot mo?"


"Pass," sagot ni Jordan.


"E, ikaw, Rain?" baling niya sa'kin.


"Secret," sagot ko.


Malakas siyang tumawa. "Mali kayong lahat! Alam niyo kung anong sagot?"


Tila nanggago lang. Sinabi na nga niyang mali sagot namin, itatanong pa rin. 


"Edi, piranha!" tila nakalunok ng mic si Joaquin.


Mabuti nalang 'di kami sinasaway ng Kuya ni Justin.


"Alam niyo bakit piranha?" tanong niya ulit. Umiling si Justin, tila interesado. "Dahil piranha na nga, naging bato pa!"


Pairap kong inalis ang tingin sa kaniya. Itinuon ko na lamang ang atensyon ko sa bintana ng kotse. Pinapakiramdaman ko ang sarili ko. Lalo pa at medyo nahihilo na ako. Panget na rin sa ilong ang amoy ng pabango ni Joaquin nang tumagal.


Mas malapit ang Cubao sa Katipunan. Kaya si Joaquin ang siyang pinaka-naunang bumaba sa kotse ng Kuya ni Justin. Ako ang dapat na huling bababa, dahil mas mauuna ang V. Mapa kesa sa Pureza. Kaya lang sumabay sa'kin si Jordan. Sa Pureza rin siya bumaba.


"Gago mo, edi sana nakauwi ka na ngayon," nasa tapat na kami ng dorm.


"Madali lang naman umuwi. Isang sakay ng jeep lang galing dito," pagrarason niya. 


"Ulol mo pa rin, libre na nga pamasahe. Gumastos ka pa rin," umismid ako. "May kikitain ka lang ata rito sa Pureza. Kaya rito ka rin bumaba."


"Wala ah," sagot niya.


"Sus, Jordan Steven," ngumisi ako at binuksan na ang gate ng dorm. "Sige na, pasok na ako. Ingat sila sa'yo."


Ngumisi ako ulit sa kaniya nang makapasok na sa gate. Onti-onti ko na iyong sinara at naglakad na papasok. Maliit lamang ang pagkakabukas ko ng mata ko habang papasok dahil sobrang liwanag ng ilaw sa may lounge. Lalo akong nahihilo, idagdag pa ang nanuot nang pabango ni Joaquin sa ilong ko.


Nasa may harapan pa lang ako ng pintuan ng kwarto, nang manginig ang cellphone sa bulsa ng maong ko. Kinuha ko iyon at nakitang si Papa ang tumatawag. Napailing ako at napangisi. Agad kong sinagot ang tawag, hindi na muna pumasok sa kwarto.


Sumandal ako sa pinto at pumikit. "Oh?"


"Anong secret secret? Kelan ka kako uuwi next week? At hindi ka na nagreply kahapon?"


Dahan-dahan akong dumilat. Nilandas ko ang dila sa panloob na pisngi. Humapdi ang tungki ng ilong ko bigla. Kaya bumuntong hininga ako.


"Secret nga po, para surprise," ngumisi ako. 


"Ayusin mo, at baka wala kami ng Tita Yssa mo sa araw na 'yun."


"Miss na miss mo naman ata ako Papa? Cute mo naman po. Kiss kita pag-uwi ko dyan," muli akong pumikit habang hinahagod ng dila ang panloob na pisngi.


"Ay, sabihin mo 'yan kapag nandito ka na."


"Oo nga po, Papa. Ki-kiss nga kita pag-uwi ko. Ayaw maniwala ah," peke akong tumawa nang maramdaman ang pamumuo ng luha ko. "B-basta, ingat kayo diyan, Papa... nila Tita Yssa at Ara."


"Isa pa 'yan, hinahanap ka na ng kapatid mo. Hindi na madalas ang pag-uwi rito ano."


"Kaya nga sabi ko sa text next week, Papa, e," umayos ako sa pagkakatayo. 


"Haynaku, Latisha. Kapag next week at ika'y 'di nakauwi rito, babawasan ko allowance mo," banta niya, kahit 'di naman talaga niya ginagawa. "Kumakin ka maayos diyan. At si Mama mo, dalaw ka roon sa kanila."


"O-opo, Papa..." nagtiim bagang ako at dinaan sa pagkurap ang mata para mawala ang luha roon. "S-sige na po, Papa. Antok na ako e."


"Kaya pala ganiyan iyang boses mo. Aba'y tunog nakainom," napangisi ako bigla sa sinabi niya. "Sige na. Matulog na. Ingat ka dyan."


"Opo... love you, Papa..."


Bumuntong hininga ako nang matapos ang tawag. Mag-isa akong ngumiti at umiling. Umalis ako sa pagkakasandal sa pintuan at dahan-dahan na iyong binuksan. Tahimik ang roommate ko ngayon. Nakayuko sa study table niya, mukhang nag-aaral. Mabait na mag-aaral naman pala.


Binagsak ko ang katawan sa kama ko. Paulit-ulit kong nilunok ang bara sa lalamunan ko habang nakapikit. Kahit nakapikit ako, nararamdaman ko ang onti-ointing pag-ikot ng mundo ko. Onti-onti ring bumaliktad ang sikmura ko. 


Agad akong umahon sa higaan at sumuka sa sahig. Hindi na ako aabot sa banyo, dahil nasa labas pa iyon ng kwarto. Nasa dulo pa iyon ng pasilyo. Hinawakan ko ang sikmura ko habang patuloy ang pagsuka sa sahig.


Umayos ako sa pagkakaupo, naluluha dahil sa pagsuka. Muli rin akong napayuko nang maramdaman na may maisusuka pa ako. Sobrang sakit na ng sikmura ko, kaya lalong naluha ang mga mata ko habang sumusuka ako. Tangina. Buti 'di ako sa kotse ng Kuya ni Justin nasuka.


"A-ayos ka lang?" lumapit na sa'kin ang roommate ko.


Tangina. Sarap naman supalpalin ng isang 'to? Kitang mamatay na ako kakasuka rito, itatanong kung ayos pa. Hindi ko nalang pinansin dahil tuloy-tuloy na ang pagsuka ko. Lahat ata ng kinain ko sa kanila Justin, maisusuka ko. Baka pati bituka ko na rin.


Naramdaman ko ang kamay ng roommate ko sa likod ko. Marahan niya iyong hinahagod. Sisikuhin ko sana para itigil niya ang ginagawa. Kaya lang, aaminin kong maganda sa pakiramdam iyong ginawa niya. Kaya hinayaan ko nalang siya.


"T-tangina..." bumuntong hininga ako at pinunasan ang bibig gamit ang manggas ng t-shirt ko.


Umalis sa pagkaka-upo ang roommate ko sa kama ko at lumapit sa mesa niya. Bitbit na niya ang tumbler niya pati ang isang plastic. Ngumiti siya sa'kin at lumuhod sa harapan ko, malapit sa mga suka ko. 


"G-gago umalis ka dyan. Gusto mo bang maupuan mga suka ko dyan?" kunot na ang noo ko.


Nabadtrip ako lalo nang ngumiti lang siya, hindi umalis. Aba'y gago? Gusto ata ka-bonding ang suka ko roon sa sahig. 


"Tapos na ba?" tanong niya.


"Ano?!" kunot noo kong tanong.


"Hindi ka na ba nasusuka ulit?" nakangiti siya sa'kin kahit masungit ako. Aba'y napakabait naman nito. "Kung hindi na... ito oh, magmumog ka muna. Dito sa plastic mo na iluwa. Para hindi ka na lumabas."


Tumitig siya sa'kin nang matagal, nakangiti pa rin. Bakit parang sobrang saya naman ata nito? Masaya siguro kabataan nito at ngumiti-ngiti sa'kin kahit walang nakakatuwa. 


"Ito oh, tubig," binuksan niya ang tumbler niya at inabot sa'kin. "Mumog muna, bago ka uminom," ang plastic naman ang inasikaso niya.


Hindi ko inalis ang tingin sa mukha niya habang pinapahawak niya sa'kin ang tumbler niya. Nagbaba siya ng tingin sa plastic at dahan-dahan iyong binuksan. Tinapat niya iyon sa mukha ko kalaunan. 


"Sige na," malumanay ang pagkakasabi niya. "May candy ako roon, bibigyan kita pagkatapos."


Iniwas ko ang tingin sa kaniya. Inangat ko ang tumbler niya. Lasing na ata ako dahil hindi na ako nahiya. Nagmumog nga ako gamit ang tubig niya. Niluwa ko rin ang tubig galing sa bibig ko roon sa plastic na hawak-hawak niya. Nakangiti lamang siya sa'kin habang pinapanood akong magmumog.


"P-puwede uminom?" tanong ko matapos magmumog.


"Oo, ubusin mo kung gusto mo. Ayos lang," nakangiti pa rin siya.


Kunot noo akong uminom ng tubig sa tumbler niya. Dahan-dahan siyang tumayo bitbit pa rin iyong plastic kung saan ko niluwa ang tubig. Bumalik siya roon sa study table niya at may mga bitbit ng mga scratch paper ata niya.


"H-hoy, anong gagawin mo?!" binaba ko agad ang tubig dahil lumuhod na siya sa sahig. "Gago na 'to, 'wag mo sabihin ililigpit mo pa 'yang suka ko dyan?" tumango pa nga. 


Agad akong umalis sa pagkakaupo sa kama at nilapag sa malinis na parte ng sahig ang tumbler niya. Mabilis kong inagaw ang plastic na bitbit niya pati ang mga papel. Nilinis ko ang suka ko habang pinapanood niya ako. Hindi ata maarte, kaya 'di nandidiri sa suka ko.


Umalis siya sa tabi ko nang makitang paubos na ang scratch paper. Muli siyang bumalik na may dala ulit na ganoon. May dala na rin siyang wet wipes. Tinanggap ko ang scratch nang hindi siya matignan. Nahihiya pa pala ako. 


Pagilid ko siyang tinignan nang ang wet wipes naman ang iabot niya nang tuluyan nang malinis ang sahig. Tumayo siya kalaunan. Nakita kong kinuha niya sa ilalim ng mesa niya ang medyo may kaliitan na trashbin. Nilapit niya iyon sa'kin.


"Dito mo nalang ilagay. Ako na ang magtatapon bukas," malumanay pa rin ang boses niya. "Bukas darating ata iyong mangongolekta ng basura rito sa dorm."


Hindi ako nagsalita at tinapos na ang paglilinis. Nahihiya pa akong ipasok sa loob ng trash bin niyang may cute na design ang plastic. Kahit basurahan naman iyon, masyadong cute ang hitsura para lagyan ng suka.


"Ayos lang," ngumiti siya at kinuha ang plastic sa kamay ko. 


Nag-iwas ako ng tingin sa kaniya nang siya na ang magpasok noon sa trash bin niya. Umalis siya saglit sa tabi ko at pagbalik, dala na niya ang alcohol at pabango niya. Tahimik niyang binubudburan ng alcohol ang sahig.


Hindi ko siya halos matignan ngayon. Paano, sinusungitan ko siya at hindi pinapansin simula noong dumating siya. Tapos ngayon, siya pa ang nag-aasikaso ng kalat ko.


"B-bayaran ko nalang 'yang pabango mo," tumikhim ako. Nag-umpisa na kasi niyang budburan din ng pabango niya ang sahig. "P-paubos na."


"Ano ka ba. Ayos lang, meron pa ako," mahina siyang humalakhak.


Sobrang saya ata nito sa nakaraang buhay niya. Tapos nadala niya ngayon, kaya panay ngiti at tawa siya. 


Noong umalis na siya sa pagkakaluhod sa sahig, dahan-dahan na rin akong tumayo. Maingat akong umupo sa kama ko. Mabuti nalang hindi ako sa kama nasuka. Kundi, baka sa sahig na ako matutulog ngayong gabi.


Tahimik kong pinapanood ang roommate ko. May kinakalkal siya sa loob ng bag niya. Nag-iwas ako ng tingin nang mapatingin siya sa'kin. Nagkunware ako na nakatingin sa sahig. Hindi ko na siya magawang tignan.


Baka iniisip niya, inom-inom ako, tapos 'di pala kaya. 


Maya-maya lumapit siya sa'kin at umupo sa kama ko. Nilahad niya ang kamay niya sa'kin. May tatlong candy roon at lollipop. Tinitigan ko lamang iyon, nahihiyang pumulot ng kung alin sa mga gusto niyang ibigay. Mahina siyang tumawa nang wala akong kinuha.


Inalis niya ang kamay sa harapan ko at dahan-dahang binuksan ang lollipop. Panay ang sulyap ko sa kamay niya na binubuksan iyon. Iniwas ko ang tingin nang itapat niya sa bibig ko ang lollipop matapos niyang buksan.


"'W-wag na. Baka pabayaran mo pa," usal ko.


"Shunga, hindi," tumawa siya ulit.


"Shunga ka rin," sagot ko at sinubo nalang ang lollipop.


Akala ko aalis na siya sa tabi ko, pero nanatili siya roon. Naabutan ko pa siyang sinisipat ang damit ko. Tila may hinahanap na dumi roon. Ngumiti agad siya nang makita niyang nahuli ko siyang nakatingin sa damit ko.


"Tinitignan ko lang... kung may suka ka rin sa damit," ngumiti siya ulit. "Gusto mo bang magpalit ng damit?"


Umayos siya sa pagkakaupo sa kama ko, nakangiti pa rin. Habang subo-subo ko ang lollipop, nakatingin lang ako sa mukha niya. Bumukol ang pisngi ko nang panatilihan ko roon ang lollipop.


"Pangalan mo?" tanong ko nang mapatingin siya sa mukha ko.


Ngumiti muna siya. "Glory."


"Ayan lang? Wala ka ng ibang pangalan?" tinaas ko ang kanang kilay.


"Ginn. Glory Ginn," ngumiti siya ulit.


"Ah," tumango ako.


"Ikaw?" tanong niya nakangiti pa rin.


Akala ata niya makikipagkaibigan na ako sa kaniya. Swerte ko naman.


"Secret," sagot ko.


Umayos ako sa pagkakaupo at sumandal sa pader. Nakasandal sa pader ang higaan namin. Kaya nagagawa kong sumandal din doon. Niyakap ko rin ang dalawang binti ko habang nakatingin pa rin sa kaniya. Tahimik naman niya akong pinapanood.


"Sabihin mo nga, kapag ba umiinom, masamang tao na agad?" hindi ko naiwasang itanong.


"Hindi. Kelan pa naging masama ang uminom ng tubig?"


Umirap ako. "Tanga. 'Wag mo akong kakausapin," umirap ako at sumipsip sa lollipop.


Napangiti siya dahil sa sinabi ko. Kaya lalong nangunot ang noo ko.


"Okay ka na ba?" tanong niya. "Hindi ka ba nahihilo? Gusto mo bang magpalit ng damit?"


Tumaas ang dalawang kilay ko dahil doon. Nilabas ko rin ang lollipop sa loob ng bibig ko. Naamoy siguro niya ang alak sa'kin, kaya niya natanong 'yan. Hindi rin ito ang unang beses na umuwi ako sa dorm na naka-inom. Kaya malamang naamoy na rin niya noon pa man.


"Marami ka sigurong nainom ngayon no? Kaya ka nasuka?" she softly chuckled. "Mabuti nalang naka-uwi ka rito sa dorm at hindi naligaw."


Hindi ko inalis ang mga mata ko sa kaniya. Her soft features somehow reminds me of Mama. Ganiyan na ganiyan ang mukha ni Mama kapag nag-aalala siya sa'kin. Ganiyan na ganiyan 'yun. Iyong mukha na hindi siya aalis hanggat hindi bumubuti ang pakiramdam ko.


Tumagal ang paninitig ko sa kaniya. Naramdaman ko rin ang mainit na luhang dumaloy sa pisngi ko.


"B-bakit ka umiiyak?" tanong niya. Medyo nataranta at hindi alam kung lalapit ba sa'kin. "Nasusuka ka ba ulit? M-may candy pa ako kung ayaw mo niyang lollipop."


"P-puwede mo ba akong yakapin?" a tear fell from my left eye again.


I don't know what's with me that night, it was the alcohol perhaps. Kung ganoon nga, 'di ako makapaniwalang tinraydor ako ng alak. 'Cause drinking was giving me comfort. It takes my sadness away. It makes me forget for a while. Minamanhid ako ng alak. Pero bakit bigla akong naghanap ng yakap?


Tuloy-tuloy ang naging pag-agos ng luha ko nang yakapin nga niya ako. Dumikit ang lollipop sa damit niya. Naramdaman ko ang pag-alog ng balikat ko habang yakap-yakap niya ako. Pumikit ako at dinama ang yakap niya.


"M-mama..." I mumbled.


Mahina niyang tinatapik-tapik ang balikat ko habang umiiyak ako. Ginusot ko ang damit niya gamit ang kamay na hindi nakahawak sa lollipop. Tuloy-tuloy ang pag-agos ng mga luha ko. Her hug was so comforting.


Glory Ginn... she was a stranger. But her warm embrace, I didn't know, would make feel better. Her warm embrace was home. A safe haven. It was so soft.


***












Across the Sky (Sintang Paaralan Series # 4)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon