Chapter 12 - Takot at Pangamba

4.4K 247 8
                                    

"PAREHO ba tayo ng iniisip, Rob?" Sobrang naguguluhan ako sa mga nangyayari. At natatakot rin na baka anumang oras ay may biglang kumuha sa amin kay baby Gab. Napamahal na nang lubos sa akin ang sanggol at ayoko siyang ibigay kahit na kanino pa. Ayoko nang mawala pa si baby Gab sa akin, sa amin ni Rob.

"Iniisip mo bang 'yung magulang ni baby Gab ang nagtangkang nakawin siya sa atin?" tanong ni Rob.

"Pwedeng oo, pero pwede rin namang hindi. Baka kidnapper talaga 'yun. At si baby Gab ang target niya." Gusto ko na talagang mag-panic. "Anong gagawin natin, Rob?"

"Gusto mo bang i-report natin sa barangay?"

"Huwag! Ayoko. Baka mas malaking gulo pa pag nakarating sa ibang tao ang nangyari. Baka magkaroon pa ng maraming tanong tungkol kay baby Gab. Baka mas maging magulo pa ang kuwento 'pag nalaman sa barangay na hindi naman natin talaga kaanu-ano ang bata."

Natutop ni Rob ang kanyang noo sa sinabi ko. Knowing Rob, siya yung tipong gusto'y laging nasa tama ang lahat. Siya 'yung law-abiding citizen sa aming dalawa. Ako naman yung medyo pasaway at padalos-dalos sa lahat ng bagay, pati sa pagdedesisyon.

"Paano kung bumalik 'yung nag-akyat-bahay sa atin?" tanong sa akin ni Rob.

"Hindi naman siguro," sagot ko. Pero ang totoo'y ganun din ang naglalaro sa isip ko. Paano kung sa susunod ay magtagumpay na siyang makuha si baby Gab at hindi na namin alam kung saan siya hahanapin? Ah, mababaliw siguro ako 'pag nangyari iyon.

"Eh, paano nga kung bumalik? Anong gagawin natin?"

"Hindi niya makukuha si baby Gab. Gago siya! Subukan niyang bumalik dito at 'pag nahuli ko siya, sisiguruhin kong may paglalagyan siya!"

"'Yan! Ang tapang-tapang mo. Hindi dapat dinadaan lagi sa tapang. Dapat kumikilos tayo ng tama. Dapat ginagawa natin ang tama para hindi mas nagiging kumplikado ang sitwasyon. Kung ba naman pumayag ka na sa sinabi ko dati na ipaalam natin sa DSWD na may nag-iwan ng baby sa pintuan natin, eh 'di sana nasa DSWD na si baby Gab ngayon at mas secure siya doon. Hindi tulad ngayon, ni hindi natin alam kung kidnapper ba o kaanak niya ang nagtangkang kumuha sa kanya."

"So, sinasabi mo na kasalanan ko kaya muntik nang mawala sa atin si baby Gab? Ganun ang gusto mong palabasin, Rob?"

"Ang sinasabi ko, hindi natin pwedeng basta aakuin si baby Gab dahil lang gusto natin siya. Hindi natin siya pwedeng ariin dahil lang ayaw natin siyang mawala sa piling natin. Dapat, idaan natin sa tamang proseso para maging sa atin siya ng legal. Para kung may magtangka mang kunin siya sa atin, may karapatan tayong tumanggi. May karapatan tayong ipaglaban siya. Naiintindihan mo ba ako?"

"Hindi! Hindi kita maiintindihan kahit kelan dahil kahit minsan naman hindi mo rin inintindi ang mga sinasabi ko. At 'wag kang magtatangkang isumbong sa barangay o kahit na kanino ang nangyaring ito, sinasabi ko sa'yo Rob!" At buong ningning akong nag-walkout dala si baby Gab. Pumasok ako sa loob ng kuwarto. Inihiga ko sa kama si baby Gab at humiga na rin ako sa tabi niya. Hindi ko siya inihiga sa crib dahil baka may demonyo na namang makapasok sa bahay namin at magtangkang kunin ulit ang baby ko.

Naiwan sa labas si Rob. Hindi ko alam kung anong ginawa niya sa labas dahil hindi pa rin siya bumabalik dito sa aming kuwarto. Maya-maya'y may narinig akong tila nagpupukpok sa labas. Pero di ko na lang pinansin. Niyakap ko na lang si baby Gab na noon ay tulog na at sinikap kong ibalik rin ang naputol kong pagtulog.

Tirik na ang araw nang magising ako. Sabado naman kaya okay lang, walang pasok sa opisina. Gising na rin si baby Gab pero tahimik lang itong nakahiga. Sa tabi niya ay naroon ang bote ng gatas niya na wala nang laman. Si Rob naman ay wala rin dito sa kuwarto.

Bumangon ako at binuhat si baby Gab para ilipat sa crib. Pagkatapos ay lumabas ako ng silid diretso sa kusina. Andun si Rob at naghahanda ng makakain.

"O, gising ka na pala," bati ni Rob sa akin. "Halika, tapos na akong magluto. Kain na tayo."

Pumasok ako sa banyo nang 'di pinapansin si Rob. Umihi ako at naghilamos. Paglabas ko ng banyo ay nakapaghain na si Rob at handa nang kumain.

"Halika na rito, kain na tayo."

"Mauna ka na. Hindi pa ako gutom."

"Imposibleng 'di ka pa gutom. Anong petsa na, o? Kagabi pa 'yung huling kain mo. Halika ka na rito, 'wag ka nang magtampo."

Lumapit na ako sa hapag at umupo. Nilagyan ni Rob ng pagkain ang plato ko.

"Kumain ka na," sabi ni Rob. "Pasensya ka na kagabi."

"Tapos na 'yun, 'wag na nating pag-usapan." Nag-umpisa na akong kumain.

"Nilagyan ko ng bisagra 'yung pinto natin para di tayo basta-basta napapasok ng magnanakaw. Mag-ingat na lang tayong mabuti."

Hindi ako umiimik. Tuloy lang ako sa pagkain.

Diretso lang sa pagsasalita si Rob. "Sasabihan ko rin si Imelda na mag-ingat. Hindi siya dapat nagpapapasok ng ibang tao rito. Lalo na kung wala tayo. Mahirap na ang masalisihan. Buti sana kung mga gamit lang natin ang puntirya. Eh, mukhang si baby Gab talaga ang target na kunin. Kailangan talaga nating mag-ingat. Dobleng pag-iingat." Nakatitig sa akin si Rob, alam ko 'yun kahit hindi ako tumitingin sa kanya.

Natapos akong kumain. Tumayo na ako dala ang platong ginamit ko at dinala sa lababo para hugasan. Naiwan sa mesa si Rob, tahimik lang. Pero alam ko na pinagmamasdan niya ako.

"Papasok na muna ako sa kuwarto, walang kasama dun si baby Gab," matabang kong sabi pagkatapos maghugas ng plato. Walang lingon-lingon na lumakad ako papasok sa silid.

Kinuha ko sa crib si baby Gab para paliguan. Napakabait talaga ng batang ito. Pwedeng iwanan mag-isa at 'di man lang umiiyak. Kung sa ibang sanggol lang iyon, siguradong nagpalahaw na ng iyak 'pag napansing nag-iisa siya. Paanong 'di mo mamahalin ang ganito kabait na sanggol? Huwag na nating sabihing sobrang cute din niya. Mahal na mahal ko na ang batang ito. Kaya mag-iingat sa akin ang sino mang magtatangkang kunin si baby Gab. Kung si Rob nga inaaway ko dahil kay baby Gab, e di mas lalo na 'yung hinayupak na nagtangkang nakawin si baby Gab sa amin. I swear, lalabas ang pagka-amasona ko oras na malaman ko kung sino ang walanghiyang nagtangkang kumuha kay baby Gab!

Two Daddies (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon