"MAUPO KA," sabi ni Rob pagkapasok ni Rico. Bitbit pa rin nito ang dalawang bag.
"Anong pag-uusapan natin?"
"Ano ang totoong intensyon mo at ginawa mong kondisyon ang pagtira rito kapalit ng pagpayag mong dumito sa pangangalaga namin si baby Gab?" deretsahang tanong ni Rob.
Tumingin sa akin si Rico.
"Papasok lang ako sandali sa kuwarto. Titingnan ko lang si baby Gab," sabi ko sabay talikod para pumunta sa aming silid.
"Tinatanong kita at gusto ko sumagot ka nang maayos." Parang pulis si Rob na pinapaamin ang nahuling kriminal.
"Dapat kasi nag-usap na lang muna kayo ni Paulo. Nasabi ko na lahat sa kanya, eh. Halos imbestigahan din niya ako kahapon. Paulit-ulit naman," tila naiinis na si Rico.
"Gusto kong marinig sa bibig mo mismo."
"Okay, 'yun ang sinabi kong kondisyon dahil una, gusto kong makasama ang anak ko. Ikalawa, akala ko 'pag sinabi ko 'yun ay hindi siya papayag at ibibigay na lang niya sa akin ang anak ko. Eh kaso, pumayag. 'Di panindigan ko na. Ano, okay na ba 'yung sagot ko?"
"Iyon lang ba ang dahilan?" Nanunukat ang tingin ni Rob.
"Ano pa ba?" Sinalubong ni Rico ang tingin ng kausap.
"No'ng iniwan mo ang bata sa labas ng pinto, alam mo bang kami ni Paulo ang nakatira rito?"
"Oo."
"Sinadya mong dito iiwan ang baby dahil alam mong si Paulo ang makakakuha at 'yun ang magiging dahilan para magkabalikan kayo, 'di ba?"
"Hindi. Dito ko iniwan ang baby dahil alam kong maaalagaan siyang mabuti ni Paulo. Tinanong na rin 'yan sa akin ni Paulo kahapon. Kayo kasi ang dapat mag-usap."
Poker-faced si Rob. Walang nakakaalam kung ano ang iniisip nito.
"Ano, okay na ba? Puwede ko na bang ilagay sa kuwarto ang mga gamit ko? Saan ba ang kuwarto ko?"
"Hindi mo ba iniisip 'yung komplikasyon ng pagtira mo rito?"
"Eh, madali naman akong kausap. Kung ayaw n'yo na narito ako, ibigay n'yo na sa akin ang anak ko. Gano'n kasimple. Puwede ko namang kunin sa legal na paraan ang bata. Pero si Paulo 'yung nakiusap na siya na lang ang mag-alaga sa baby. Siguro napamahal na sa kanya ng sobra."
Lumabas ako ng kuwarto, dala si baby Gab. "Rob, sana pumayag ka nang dumito muna siya. Please..."
"Tayong tatlo rito sa bahay? Tayong tatlo ng ex mo? Ano ba? Ano itong ginagawa natin, bahay-bahayan?"
"Please... Para sa baby, Rob." Parang gusto ko ng umiyak nang mga sandaling iyon. Ang hindi pagpayag ni Rob ay kasingkahulugan ng pagkawala ni baby Gab sa poder namin.
"Ano na? Magdesisyon na kayo," sabi ni Rico na halatang naiinip na.
Tumingin sa akin si Rob, tapos ay tumingin siya kay Rico.
"Papayag akong tumira ka rito pero ipangako mong hindi ka magdadala ng kahit anong gulo sa pamamahay na ito."
"Sige, 'yun lang pala eh."
"Kailangan mo ring maghanap ng trabaho. Hindi kami obligadong buhayin ka."
Ngumisi si Rico. "Raraket ako, 'wag kang mag-alala."
"Siguruhin mong legal ang raket mo, Rico!" sabi ko. Kabisado ko ang taong ito na pag sinabi niyang raket, puro 'yun katarantaduhang paraan para kumita ng pera.
BINABASA MO ANG
Two Daddies (Completed)
General FictionIsang baby... Dalawang beki... Walang mommy. Paano aakuin nina Paulo at Rob ang responsibilidad sa isang sanggol na hindi naman nila kadugo? This story is now self-published. If you want to get a copy, just send me a message. Rank 91 in Humor - M...