Chapter 22 - Flashback

3.4K 199 14
                                    

NAGISING ako dahil sa sunod-sunod na pagkatok sa pinto. Si Rico marahil iyon. Ngayon lang siya umuwi? Anong oras na ba?

Dinampot ko ang cellphone ko at tiningnan ng oras. Alas-tres ng madaling araw. Uwi ba 'to ng matinong tao?!

Lumabas ako ng silid at binuksan ko ang pinto. Si Rico nga. Lasing.

"O, ba't gising ka pa? Hinihintay mo 'ko? Na-miss mo siguro ako, 'no?" sabi ni Rico na namumungay na ang mata sa kalasingan.

"Asa ka naman. Sino ang hindi magigising sa pagkatok mo? Nakakaistorbo ka, alam mo ba 'yun?" Pinipigil kong lakasan ang boses ko dahil baka magising si Rob.

"Shhh... 'wag ka nang magalit. Halika na sa kuwarto, matulog na tayo."

"Ulol! Matulog kang mag-isa." At tatalikuran ko na sana si Rico pero bigla niya akong hinawakan sa kamay kaya napaharap ako sa kanya.

Hindi ko inaasahan ang sunod niyang ginawa. Bigla niya akong hinalikan sa labi. Mariin. Langhap na langhap ko ang amoy ng beer sa kanyang hininga.

Nagpumiglas ako pero hawak niya ang magkabilang braso ko. Mahigpit ang pagkakahawak niya at nasasaktan ako.

"O, sige mag-ingay ka para mahuli tayo ng jowa mo. Mas maganda 'yun, 'di ba?"

Pinunasan ko ng kamay ko ang aking bibig. Pilit kong tinuyo ang laway ni Rico na pakiramdam ko ay dumikit sa aking mga labi.

Napaismid si Rico. "Ang arte mo. Dati nga ikaw pa 'tong nanghahalik sa akin. Nandidiri ka sa laway ko? Eh, dati nga hindi lang laway ko ang nilulunok mo."

"Bastos!" Mahina lang pero madiin nang sinabi ko 'yun kay Rico.

Ngumisi lang si Rico, tapos ay hinubad nito ang suot na t-shirt at pumasok na silid niya.

"Bantayan mo si baby Gab mamaya. Papasok kami ni Rob sa trabaho. Ikaw muna ang mag-alaga sa anak mo habang wala pa kaming nakukuhang yaya."

"Ha?" Napatigil sa pagpasok sa silid si Rico. Tumingin ito sa akin.

"Gusto mong makasama ang anak mo, 'di ba? Puwes, ikaw muna ang mag-yaya sa kanya. At 'wag ka nang tumanggi dahil wala ka rin namang magagawa kundi alagaan siya pag-alis namin ni Rob para pumasok sa trabaho." Iyon lang at iniwan ko na si Rico. Hindi ko na hinintay na makasagot pa siya at makapagprotesta. Pumasok na ako sa kuwarto namin ni Rob.

Tulog na tulog pa rin si Rob at baby Gab. Buti na lang at hindi nagising si Rob. Sigurado, malaking gulo kung nakita niyang hinahalikan ako ni Rico.

Bigla kong naisip, tama bang iwan ko si baby Gab kay Rico? Oo nga at mag-ama sila, pero paano kung topakin bigla si Rico at iuwi sa kanila si baby Gab at hindi na ibalik sa amin?

Hindi puwede!

Muli akong lumabas ng kuwarto at pumunta sa silid ni Rico. Bukas ang silid, at nagulat na naman ako pagkakita kay Rico na nakahiga sa kama na hubo't-hubad na naman.

"Hindi ba sabi ko mag-lock ka ng pinto? Ano ba'ng akala mo, mag-isa ka lang na nakatira rito?" Medyo napalakas ang boses ko.

"Boses mo, malakas masyado. Gusto mo yatang magising ang jowa mo at makita kang pinasok ako sa kuwarto." Kalmadong-kalmado si Rico. "Ikaw rin, 'wag mo akong sisisihin 'pag nag-away kayo ng jowa mo."

"Pumasok lang ako rito para sabihin sa'yong ako na lang ang mag-aalaga kay baby Gab. Hindi na lang muna ako papasok ulit." Naiinis ako sa sarili ko. Padalos-dalos magdesisyon, tapos babawiin.

"Eh, 'di okay. Gusto ko 'yan, para magkasama tayo rito sa bahay buong maghapon."

"Gago!" Nilayasan ko na si Rico. Isinara ko ang pinto ng silid niya paglabas ko.

Two Daddies (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon