ROB'S POV
NAGKAGULO ang mga nurse at doktor pagdating namin sa emergency room ng ospital. Halos wala nang buhay si Pau. Pakiramdam ko'y hindi na siya humihinga. Hindi ko alintana ang dugong nagkalat sa aking kamay, braso at damit. Wala akong pakialam sa itsura ko. Ang tanging nasa isip ko ay mailigtas si Pau.
Ilang minuto lang ang lumipas at nagmamadali nilang dinala sa operating room si Pau. Tinangka kong sumama hanggang sa loob pero pinigilan ako ng attendant. Wala akong nagawa kundi tumayo sa labas ng pinto ng operating room. Magkahalo ang pawis at luha sa aking mukha. Doon ay tahimik akong lumuha.
Nakita ko sa isang gilid ng pasilyo si Imelda, lumuluha rin ito habang kalong si Baby Gab.
"Sir..." Narinig ko ang tawag kaya lumingon ako. Nakita ko ang isang staff ng ospital.
"Bakit?" Pinahid ko ang luha ko gamit ang braso ko.
"Kailangan po namin kayo sa admission para kunin ang info ng pasyente. At para kumuha na rin ng room para sa kanya."
"Sige, susunod ako."
Lumapit ako kay Imelda. "Umuwi na muna kayo ni Baby Gab para makapagpahinga kayo. Ako na lang ang bahala rito. Mag-taxi na lang kayo." Dinukot ko ang wallet sa bulsa sa likod ng pantalon ko at kumuha ako ng dalawang limandaang piso at ibinigay ko 'yon kay Imelda. "Bumili ka na rin ng makakain mo. Ikaw na ang bahala kay Baby Gab. Pagkatapos ng mga nangyari, sigurado akong hindi mo siya pababayaan."
Tumango si Imelda sa pagitan ng mga paghikbi. "Sige, boss. Lalakad na kami."
Nakakailang hakbang pa lang si Imelda nang tawagin ko siya. "Imelda."
Lumingon ang yaya. "Bakit, boss?"
"Ang tapang mo pala. Salamat... Maraming salamat..."
Nakita kong umagos ang luha ni Imelda sa kanyang pisngi. Pero nagawa nitong ngumiti sa akin. Tapos ay ipinagpatuloy na nito ang paglalakad.
"Mag-iingat kayo," pahabol kong bilin.
Papunta na ako sa admission nang masalubong ko ang dalawang pulis na nagdala sa amin sa ospital.
"Sir, babalik na kami sa opisina. Kokontakin na lang namin kayo."
"Salamat, officer. Mabuti at dumating kayo kanina. Paano n'yo nalaman na nando'n kami?" tanong ko.
"May nag-tip sa amin. Isa sa mga police assets namin ang nakarinig kagabi na may umiiyak na bata do'n sa lumang abandonadong gusali. Nagtaka siya kaya pinuntahan niya at sinilip. Doon niya nakita at narinig ang plano nila sa bata kaya agad niyang itinimbre sa amin. Kaya pagtawag niya sa amin kanina, agad kaming pumunta do'n sa lugar."
"Gumawa ang Diyos ng paraan para mailigtas si Baby Gab. Saktong-sakto ang dating n'yo. Maaaring patay na kaming lahat ngayon kung hindi kayo dumating. Maraming salamat, officer."
"Walang anuman... trabaho talaga namin ang proteksyunan ang taong bayan. Aalis na kami."
Tumango ako at ngumiti. Sinundan ko sila ng tingin habang papalabas ng ospital. Nang tuluyang mawala ang mga pulis sa paningin ko ay tumuloy na ako sa admission para ikuha ng kuwarto si Paulo. Nang matapos ay natagpuan ko ang sarili kong nasa chapel, nakaluhod at nakikiusap sa Diyos para sa kaligtasan ni Paulo.
"Diyos ko... alam kong marami akong kasalanan Sa'yo. May mga pagkakataong nakakalimot ako. Naaalala lang Kita kapag may kailangan ako. Andito ako ngayon... humihingi ng konting awa para kay Paulo. Marami na kaming problemang pinagdaanan pero lahat pinipilit naming solusyunan at lagpasan. Pero 'yong dinaranas naming sitwasyon ngayon, hindi ko alam kung paano ko kakayanin dahil nakataya ang buhay ni Paulo. Diyos ko, maaaring kasalanan sa tao at Sa'yo ang relasyon namin ni Paulo pero hindi ako mahihiyang humingi ng tulong Sa'yo. Dugtungan mo pa ang buhay ng taong mahal na mahal ko. Huwag Mo muna siyang kukunin sa akin. Huwag mo munang kunin ang isa sa mga taong nagpadama ng tunay na pagmamahal sa batang dumating sa buhay namin, kay Baby Gab. Iligtas mo si Paulo, Diyos ko! Nakikiusap ako..." Ramdam ko ang pag-agos ng masaganang luha sa pisngi ko. Luhang nagpalabo sa aking paningin. Hindi ko na nadugtungan ang dasal ko. Para na akong batang umiyak nang umiyak habang nakaluhod sa chapel ng ospital.
BINABASA MO ANG
Two Daddies (Completed)
General FictionIsang baby... Dalawang beki... Walang mommy. Paano aakuin nina Paulo at Rob ang responsibilidad sa isang sanggol na hindi naman nila kadugo? This story is now self-published. If you want to get a copy, just send me a message. Rank 91 in Humor - M...