HUWEBES
Pangalawang araw ngayon na absent ako sa trabaho dahil ako pa rin ang magbabantay kay Baby Gabriel. Maaga pa lang ay pinaliguan ko na ang baby. Pagkatapos ay pinadede ko ito hanggang makatulog.
Ganoon naman talaga ang mga baby. Ang takaw sa gatas, ang takaw rin sa tulog. Sabagay, ano pa ba ang inaasahan nating gagawin ng baby? Maglilinis ng bahay?
Sinamantala kong tulog pa si Baby Gabriel. Mabilis akong sumaglit sa talipapa. Malapit lang dito iyon kaya makakabalik ako agad. Gusto ko lang magluto ng pakbet. Iyon na lang ang uulamin ko ngayong pananghalian. Iyong tira ay para mamayang gabi. Paborito rin ni Rob ang pakbet na luto ko.
Mga gulay pangpakbet lang ang binili ko. May karne ng baboy naman sa ref. Iyon na lang ang isasahog ko at ang matitira ay ipiprito ko na lang.
Dahil mabilis lang naman lutuin ang gulay ay agad akong natapos sa pagluluto. Lalo na at habang niluluto ko ang pakbet ay nakasalang na sa rice cooker ang sinaing. Nang maluto ang pakbet ay nagprito na ako ng karneng baboy. Sakto na itong kapartner ng pakbet although mas gusto ko talaga ang pritong isda bilang the best na partner ng pakbet.
Tulog pa rin si Baby Gabriel kaya naisipan ko munang manood ng tv sa salas. Maaga pa naman para mananghalian. Alas onse y medya pa lang ng umaga. Noon ako napatingin sa bintana at kitang-kita ko ang isang lalaki na tila sumisilip o may kung anong gustong makita dito sa loob ng aming bahay.
Agad akong lumabas pero nakatakbo na ang lalaki.
Sino kaya 'yon? At bakit biglang tumakbo? Hindi naman siguro magnanakaw iyon dahil ang aga-aga at maraming tao sa paligid. Nagkibit-balikat na lang ako. Dedma!
Binuksan ko ang tv at nanood ng palabas. Biglang nakarinig ako ng iyak ng baby.
Naku, gising na si Baby Gabriel!
Patakbo akong pumasok sa silid at naabutan kong humihikbi na ang munting anghel. Agad ko siyang binuhat at ipinaghele para tumahan na. Dinala ko siya sa salas kung saan nakahanda na ang paglalagyan ko sa kanya. Nilatag ko na ito umaga pa lang dahil dito ko sana siya ilalagay kung hindi lang siya nakatulog habang dumedede.
Inihiga ko muna si Baby Gabriel sa latag na ginawa ko at saka mabilis akong pumunta sa kusina para magtimpla ng gatas niya. Siguradong gutom na naman ang baby ko.
Hindi nga ako nagkamali. Ilang minuto lang ay naubos agad ni Baby Gabriel ang gatas na tinimpla ko. 'Di na siya nakatulog kaya hinayaan ko siyang maglaro sa kinahihigaan niya. Ginawa niyang laruan ang bote ng gatas niya. Naroong kagatin niya ito at pagtangkaang ngasabin. Kung minsan ay nabibitawan niya ang bote at inaabot ko na lang ulit sa kanya.
Haay, may nakita na kayang yaya si ate? Eh, si Rob kaya, may nahanap na?
***
ROB'S POV
Pagdating ko pa lamang sa opisina kaninang umaga ay nilapitan ko ang isang kaopisinang alam kong may anak na. Baka sakaling may alam siya kung saan madaling makakakuha ng yaya. Sakto naman, kinausap pala siya kagabi ng yaya ang anak niya at nagtanong kung may kakilalang naghahanap ng yaya dahil umalis daw sa pinagseserbisyuhang pamilya ang isang kaibigan nito na nagtatrabaho rin bilang tagapag-alaga ng bata.
Suwerte! Solb na ang problema namin ni Paulo.
Nang malaman ng kaopisina ko na urgent ang pangangailangan ko ng yaya, tinawagan agad nito ang yaya ng anak niya at sinabihang papuntahin dito mamayang bago mag-alas singko ang kaibigang naghahanap ng mapapasukan. At bago nga pumatak ang alas singko ng hapon, dumating ang yayang sasalba sa problema ni Paulo.
Pagkatapos ng trabaho ay pinuntahan ko ang nag-aapply na yaya sa reception area kung saan siya naghihintay.
"Anong pangalan mo?" tanong ko sa babaeng papasok na yaya ni Baby Gabriel. Tingin ko sa kanya ay mga edad 23 lang. Maliit na babae lang ito, morena at may kapayatan.
BINABASA MO ANG
Two Daddies (Completed)
Narrativa generaleIsang baby... Dalawang beki... Walang mommy. Paano aakuin nina Paulo at Rob ang responsibilidad sa isang sanggol na hindi naman nila kadugo? This story is now self-published. If you want to get a copy, just send me a message. Rank 91 in Humor - M...