HINDI agad ako nakatulog nang gabing iyon. First time kong matutulog na mag-isa mula nung magsama kami ni Rob. Mahirap pala. Hindi pala madaling isipin na alam mong 'yung taong dati-rati ay katabi mong matulog, ngayon ay wala na sa tabi mo at hindi mo alam kung babalik pa ba.
"Asan na kaya si Rob?" bulong ko sa sarili. "Ano kayang ginagawa niya ngayon? Kumain na ba siya?" Napatingin ako sa kahon ng cake na ibinigay niya sa akin kanina bago siya umalis. Bigla ay parang gusto ko na namang umiyak. Number one talaga si Rob sa pagiging sweet. Kahit madalas ko siyang awayin, hindi siya nagbago ng pagtingin sa akin. At kahit umalis na siya dito sa bahay, alam kong hindi pa rin ako tuluyang nawala sa buhay niya dahil mahal na mahal niya ako, 'di ba? Iyon ang sinabi niya bago siya umalis. Mahal na mahal niya raw ako, pero ayaw niya ng magulong relasyon.
Sino ba ang nagpapagulo? Si Rico lang naman. Mula nang dito na siya tumira totoong nagulo na ang pagsasama namin ni Rob. Alam ko naman umpisa pa lang na magdadala sigurado ng gulo si Rico sa buhay namin pero paano ang gagawin ko kung wala akong choice? Ang hirap kasing mag-decide kung alam mong ano man ang piliin mo eh ikaw pa rin ang lalabas na talo.
Rob, bumalik ka na rito. Mas makakaya kong harapin ang ano mang gulo at problema kung kasama kita, sabi ng isip ko.
Sana maintindihan mo na sobrang mahal ko na si baby Gab. Oo, sandaling panahon pa lang siya sa piling natin pero anong magagawa ko kung sobrang attached na ako sa kanya. Eto nga at isang linggo na akong absent sa trabaho para lang may magbantay sa kanya. Baby ito, eh. Kung walang magmamalasakit sa kanya, paano na? Sino ba ang tunay na magmamahal sa batang ito? May ama nga siya pero anong klaseng ama naman? Kung hindi ko siguro kilala ang tunay na ugali ni Rico, baka pumayag na ako na dalhin na lang niya si baby Gab. Bahala na silang mamuhay nang sarili nila. Mag-ama naman sila, eh. Kaso, alam ko ang likaw ng bituka ni Rico. Patapon ang buhay niya. Anong klaseng pag-aalaga at pagmamahal ang maibibigay niya kay baby Gab kung mismong pagkatao niya ay 'di niya kayang pahalagahan?
Hindi ko na namalayan ang paglipas ng oras. Nakatulog akong baon ang mga pag-aalala sa mga mangyayari pa ngayong wala na si Rob dito sa bahay.
Nagising ako bandang alas-singko. Tila sasabog na kasi ang pantog ko. Bumangon ako at lumabas ng silid para magbanyo. Marami rin ang naiihi ko. Punong-puno ng laman ang pantog ko. Pabalik na ako sa silid nang mapansin kong bukas ang kuwarto ni Rico. Bahagya akong sumilip at nakita kong wala roon ang tatay ni baby Gab. Oo nga pala, natulog ako kagabi na hindi pa ito umuuwi. Pagkatapos kasi ng kaguluhan namin dito sa bahay ay umalis din si Rico. Hindi pa ito umuuwi hanggang ngayon? Hmp, buti naman. At sana, huwag na siyang babalik dito para bumalik na sa ayos ang buhay ko.
Pumasok ako sa loob ng silid. Wala namang nagbago maliban sa may gumagamit na ng kama at may dalawang bag na naglalaman ng gamit ni Rico. Napansin kong bukas ang isang bag. Hindi na naisara pagkatapos kumuha ng damit. Halata kasing tila hinalungkat ang laman ng bag dahil hindi maayos ang mga damit na nasa ibabaw nito.
Burara talaga itong si Rico. Obvious naman eh. Dito na nga lang sa bahay, walang pakialam kung ibalandra ang hubad niyang katawan. Ano pa ba ang aasahan ko? Kung burara sa sariling katawan, e 'di siguradong mas burara sa mga gamit.
Ano 'yun? May napansin akong tila ibang bagay na bahagyang natatakpan ng damit ni Rico. Bahagya lang, dahil may parte ng gamit na nakalantad. Bakal?
Inalis ko ang nakapatong na damit at lumantad sa akin ang isang baril!
Baril?
Bakit may baril si Rico? Oo, adik itong gagong 'to. At siguro ay pusher din paminsan-minsan. Pero bakit siya may baril? Anong ilegal na gawain na naman ang pinasok ng gagong ito?
BINABASA MO ANG
Two Daddies (Completed)
General FictionIsang baby... Dalawang beki... Walang mommy. Paano aakuin nina Paulo at Rob ang responsibilidad sa isang sanggol na hindi naman nila kadugo? This story is now self-published. If you want to get a copy, just send me a message. Rank 91 in Humor - M...