Chapter 17 - Problema

3.9K 212 11
                                    

"IMPOSIBLE ANG GUSTO MO!" napasigaw ako. Anong pumasok sa kukote ng gagong ito at gustong tumira dito? Kapal ng mukha. Pati siya bubuhayin ko? The nerve talaga!

"Kung ganun, imposible ring manatili rito ang anak ko," kalmadong tugon ni Rico.

Hayup! Sinasabi ko na nga ba at hindi maganda ang tinatakbo ng usapan namin. Ramdam ko na agad umpisa pa lang.

"Kukunin ko na ang anak ko. Iuuwi ko na siya ngayon."

"Teka..." Hindi ko alam kung ano'ng sasabihin ko. Paano ba 'to?

Naghihintay si Rico na magsalita ako. "Ano na?"

"Bakit ba kasi kailangang dito ka rin titira? Eh, pwede ka ngang dumalaw kahit anong oras mo gustong dumalaw."

"Para makasama ko ang anak ko araw at gabi."

"Napakaimposible mo! Pinagugulo mo lang ang sitwasyon."

"Ikaw ang nagpapagulo ng sitwasyon. Ibigay mo sa akin ang anak ko, tapos ang usapan."

"Iiwan-iwan mo tapos kukunin mo uli? Ano ka sinuswerte?" Nakipagbangayan talaga ako kay Rico. Pero mukhang wala ring balak na magpatalo ang kumag na 'to.

"Nagkamali ako nang iniwan ko siya. Kaya nga nandito ako para itama ang pagkakamaling iyon. Hindi kita pinipilit na pumayag na tumira ako dito. Basta 'wag mo rin akong piliting ibigay sa'yo ang pangangalaga sa anak ko," litanya ni Rico. Desidido talaga siyang bawiin si baby Gab. Ramdam na ramdam ko 'yun. At malapit na akong pumayag sa gusto niya huwag lang tuluyang mawala sa akin si baby Gab.

Pero paano si Rob? Siguradong hindi papayag 'yon na dito titira si Rico. Lalo na 'pag nalaman niyang ex ko ang gagong ito, naku tiyak na malaking gulo.

"Ano na? Naiinip na ako!"

"Ahhh!" napasigaw ako habang sinasabunutan ko ang sarili ko sa pinaghalong inis at pangamba. Naiinis ako kay Rico dahil sobrang ginigipit niya ako porke hawak niya ang sitwasyon. Takot dahil alam kong kayang-kaya niyang kunin at ilayo sa akin si baby Gab.

Biglang umiyak si baby Gab dahil nagulat siguro sa sigaw ko.

"Ayan, pati bata tinatakot mo," singhal sa akin ni Rico.

"Akina nga ang bata," kinuha ko si baby Gab na agad din namang huminto sa pag-iyak. Mas lalo akong nakadama ng lungkot nang pagmasdan ko ang maamong mukha ni baby Gab. Paano ko isusuko ang batang ito na sobrang napamahal na sa akin? This house will never be the same again if baby Gab will not be around.

Hindi ko namalayan na tumulo na pala ang luha ko at dumaloy sa aking pisngi. Matiim kong tiningnan si Rico at sa mahinang tinig ay sinabing, "Sige, pwede kang tumira rito kasama si baby Gab."

Nagliwanag ang mukha ni Rico at sumilay ang isang malapad na ngiti. "Good! Madali ka naman palang kausap, eh. Magkakasundo tayo kung ganyan ka lagi. Sige, uuwi na ako. Pero maaga akong babalik bukas dala ko na ang mga damit ko."

Hindi na ako sumagot. Parang bigla akong nakadama ng sobrang pagod.

"Bye! See you tomorrow, baby." Ngising-aso si Rico habang lumalakad patungong pinto. Huminto ito saglit para buksan ang pinto pero bago ito tuluyang lumabas ay nilingon ako. "Hindi ka pa rin nagbabago. Ikaw pa rin ang Paulo na kilala ko."

"Lumabas ka na," madiin kong sabi habang tinataasan ko siya ng kilay. Ampota, gusto pa yatang magpa-cute sa akin ng gagong ito. Sorry, pero hindi ko na siya type!

Na.

Ibig sabihin, type ko siya dati. Noon.

Oo naman. Aminado naman ako roon. Ex ko nga siya, 'di ba? Ibig sabihin, naging kami. Hindi naman magiging kami kung hindi ko siya type.

Nakahinga ako nang matiwasay nang tuluyan ng lumabas ng bahay si Rico. Nakita ko siyang pumara ng tricycle at sumakay.

Pero saglit lang ang pagkawala ng problema ko dahil ang totoong mabigat na problema ay paparating pa lang. Bukas. 'Pag bumalik na si Rico, sigurado na ang malaking gulo.

Haay, paano ko ito ipaliliwanag kay Rob?

At saka ko napansin, nakatulog na pala si baby Gab habang karga ko. Ipinasok ko siya sa kuwarto at inihiga sa crib niya. Pagkatapos ay humiga rin ako sa kama. Pakiramdam ko ay pagod na pagod ako. Sobrang pagod na di ko namalayang nakatulog na rin pala ako.

ROB'S POV

Pagkatapos ng trabaho ay tumuloy na kami sa bahay ni judge. Ganito talaga ang boss ko, tuwing birthday niya imbitado kaming lahat sa salo-salo sa bahay nila. Madalas ipagmalaki ni judge ang masasarap na luto ng kanyang maybahay na isa ring batikang huwes. Bilib nga ako sa mag-asawang ito, kahit parehong busy sa kanilang propesyon ay sinisiguro nilang hindi sila nawawalan ng panahon para sa isa't-isa.

"O, kain lang kayo d'yan. Pwedeng bumalik, 'wag kayong mahihiya," sabi ni judge sa amin habang abala ang lahat sa pagkain. Kami pa lang ang bisita pero sigurado may dadating pa mamaya. Andaming pagkain eh. Hindi naman siguro sila maghahanda ng ganito karami kung iilang tao lang ang ini-expect nilang darating.

"Mas masaya sana kung andito si Shiela, 'no?" sabi ni Mario, katrabaho ko.

"Palibhasa, crush mo si Shiela. Kaso, panis ka. Si Rob ang mahal n'un."

Tawanan ang iba naming kasamahan. "Asan na nga kaya si Shiela? Mula nung nag-resign siya wala na tayong balita sa kanya. Ang kulit n'un. Sobrang masayahin. Kaya kung andito 'yun, mas buhay ang party," sabi naman si Ico na court stenographer namin.

"Ikaw, Rob may balita ka ba sa kanya?" tanong ni Mario.

Umiling ako. "Wala. 'Di rin nagpaparamdam sa akin 'yun."

Nambuska si Ico. "Binasted mo kasi. Ayan tuloy, nag-resign at di na nagpakita pa."

Ngumiti lang ako. Pero iniisip ko kung nasaan na nga kaya si Shiela. Medyo emosyonal ang mga eksena ilang araw bago siya mag-submit ng resignation letter sa office. Dun niya ipinagtapat sa akin na mahal daw niya akong talaga. Siyempre, nagulat ako. Although binibiro siya ng mga office mate namin, akala ko biruan lang talaga. Di ko inakala na totoong na-in love na siya sa akin.

Nung araw na iyon na nag-usap kami, umiyak siya nang sabihin kong hanggang friendship lang talaga ang kaya kong ibigay. Sobrang pag-iyak ang ginawa niya na sobrang nagbigay ng guilt sa akin kaya para di siya masyadong manghinayang sa akin, inamin ko sa kanya na lalaki rin ang gusto ko. Ewan ko kung naniwala siya sa sinabi ko kasi malungkot pa rin siya hanggang nung ihatid ko na siya sa inuuwian niyang apartment sa Malabon. Pagkatapos nung araw na 'yun hindi ko na siya nakita dahil naka-vacation leave na ako until her last day sa trabaho. Hinihintay kong mag-text siya pero di na niya ginawa. Sinubukan kong i-text siya pero hindi na siya nag-reply. Hanggang nung minsang mag-attempt akong tawagan siya, cannot be reached na ang number niya. Nagpalit na siguro siya ng cellfone number. Naisip ko nga, siguro kung magkakagusto ako ulit sa babae, baka si Shiela na 'yung naging girlfriend ko. May naging girlfriend naman ako before, dalawa. Pero mula nung naging kami na ni Paulo, hindi na ako nagkagusto pa sa babae. Kahit paano faithful naman ako kay Paulo. Kahit lagi kaming may di pinagkakasunduan, never pumasok sa isip ko na lokohin siya. Pero kung nagkataon talaga na di ko nakilala si Paulo, baka si Shiela ang karelasyon ko ngayon. Nasaan na nga kaya ang babaing 'yun? Totoong masarap siyang kasama. Kalog, makulit, at magaling kumanta. Ilang beses din namin siyang nakasamang mag-videoke at enjoy na enjoy akong pakinggan ang pagkanta niya.

"O, Rob para kang namatanda d'yan. Siguro iniisip mo si Shiela. Huwag mong isipin iyon, mahal na mahal ka n'un," pang-aasar sa akin ni Ico.

Napahalakhak na lang ako dahil tumbok na tumbok niya ang laman ng isip ko.

'Di namin namalayan ang oras. Sa sarap ng pagkain at pagbaha ng inumin, 'di pa malalim ang gabi ay lasing na ang iba sa amin. Hindi alintana na may pasok pa kinabukasan. Talagang sinulit namin ang handa sa kaarawan ni judge.

Two Daddies (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon