Chapter 27
Ilang oras na ang lumipas simula nang marinig ko sila Mama at Papa at ang pag-alis ni Dreo.
Ako lang mag-isa ang naiwan sa bahay. Tahimik at ang lungkot ng pakiramdam. Hanggang ngayon hindi pa rin ako makapaniwala sa narinig ko. Hindi ko akalain na kayang gawin iyon ni Papa. Sinubukan ko silang tawagan pero walang sumasagot ni isa sa kanila, kahit si Dreo.
Hindi ko alam kung sino ang kakausapin ko. Para akong mababaliw kakaisip. Simula nung umalis si Dreo ay nagkulong na lang ako sa kwarto. Iniisip ko ang lahat ng narinig ko habang umiiyak. Nagagalit ako kay Papa. Paano niya nakayang ipalaglag ang kapatid ko? At bakit gusto niyang ipalaglag ang kapatid ko? Hindi ba niya mahal ang anak niya? Anak niya 'yon. Katulad ko, anak niya rin 'yon. Dugo niya 'yon!
Pinunasan ko ang mga luhang tumulo sa pisngi ko at simubukan ulit tawagan sila Mama pero wala pa ring sumasagot. Ring lang nang ring pagkatapos ay mamatay na.
Huminga ako ng malalim at kinalma ang sarili. Nag-aalala rin ako kay Dreo. Hindi niya sinabi sa akin kung anong emergency at hindi ko rin siya ma-contact. Halata kanina ang pagkataranta at pagmamadali sa kaniya. Hindi ko nagawang makapagsalita kanina nang nagpapaalam siya dahil hindi pa ako nakakabawi sa pagkabigla.
Hindi ko na alam ang gagawin ko. Gusto kong hanapin sila Mama at Papa pero ewan ko kung saan. Nag-aalala ako kay Mama. Gusto ko siyang makausap. Gusto ko silang makausap na dalawa. Pero pagkatapos ng narinig ko kay Papa parang hindi ko ata kayang harapin siya.
Nagagalit ako. Kapatid ko 'yon, e! Inosenteng bata at wala pang muwang tapos nanakawan niya ng karapatan na mabuhay? Bakit? Paano niya naisip 'yon?! Oo, maselan si Mama sa pagbubuntis, naiintindihan ko kung ang dahilan niya ay sa pag-aalala kay Mama. Pero hindi ba niya naisip ang kapatid ko? Hindi ba niya naisip ang anak niya? Hindi ba niya naisip na ninanakawan niya ng buhay ang kapatid ko?
Tuloy-tuloy ang tulo ng luha ko. Kanina ay kalmado na ako pero tuwing naiisip ko ang gusto ni Papa ay nagagalit ako.
Tumayo ako sa kama. Kinuha ko ang cellphone ko at sinubukan ulit tumawag. Walang sumagot. Naiinis na hinalamos ko ang kamay ko sa mukha at lumabas ng kwarto. Bumaba ako at pumunta sa kusina para uminom. Baka sakaling kumalma ako. Pauwi na rin siguro sila kung saan man sila pumunta, anong oras na rin naman.
Ilang beses akong huminga ng malalim at binubuga iyon. Nanginginig ang kamay ko at ang paghinga ko. Kumalma ako ng kaunti dahil sa tubig. Tumigil na rin ang pag-iyak ko.
Tiningnan ko ang cellphone ko at tiningnan ang oras. Tapos na ang tanghalian pero hindi pa ako kumakain. Wala akong gana at wala rin akong kasabay.
Kinuyom ko ang kamao ko at ipinikit ang mata para pakalmahin ulit ang sarili. Kalmado na ang paghinga ko at nabawan na rin ang panginginig ko nang biglang nag-ring ang cellphone ko. Mabilis ko iyong kinuha at tiningnan kung sino. Bumagsak ang balikat ko nang makitang si Dreo iyon.
Huminga ako nang malalim at sinagot ang tawag.
"Nasa labas ako," bungad niya.
Kumunot ang noo ko at lumabas ng kusina para lumabas. Binuksan ko ang pinto namin at nakita ko roon si Dreo. Pero kumunot ang noo ko nang makita ang itsura niya.
Binaba ko ang cellphone ko at binulsa. Lumapit ako sa kaniya at hinawakan ang mukha niya.
"Anong nangyari sa 'yo? Sinong gumawa niyan?!" sigaw ko habang tinitingnan ang sugat niya sa mukha.
Putok ang labi niya at may pasa rin sa gilid ng mata, may ilang sugat rin siya sa pisngi.
Tiningnan ko si Dreo at sinamaan siya ng tingin.
BINABASA MO ANG
My Lover is a Cheater (Lover Series #1)
Teen Fiction"Bakit parang ang dali lang sa 'yo?" "You made it easy for me!" When they're in high school, Dreo and Ami are like an ideal couple. They are strong because of their genuine love for each other. They had been together for 5 years and had planned the...