SAMANTHA, NASAAN KA?

161 9 0
                                    

FEBRUARY 14, 2018
.
KALMADO ang panahon nang mga oras na iyon. Isa sa pinakamasayang araw ng buhay ko- ang maka-date ang aking pinakamamahal na si Samantha. Magkikita kami sa isang sikat na Restaurant sa Baguio City. Heto ako, nag-aayos ng aking damit. Kaunting suklay, sabay kindat sa malaking salamin na nasa aking harapan. Dala ang ilang regalo, pinulot ko ang aking cellphone sa kama at tinungo ang pulang kotse sa ibaba. Bulaklak na lang, puwede na akong dumiretso sa kanya.

Sakay ng aking sasakyan, huminto ako sa harap ng isang Flower Shop. Pagpasok ay langhap ng aking ilong ang iba't ibang mababangong bulaklak na naroon. Ano kaya ang magugustuhan at paborito ni Samantha sa mga ito? Ito kayang rosas? Inamoy ko at nagbigay ito ng kakaibang ngiti sa akin. Araw naman ng mga puso kaya't kulay pula ang aking napili.

"Have a nice day Sir! Sigurado akong magugustuhan iyan ng masuwerteng babaeng napili ninyo." Nakangiting wika ng ginang sa akin nang ako'y magbayad para sa mga bulaklak.

Gumanti ako ng ngiti at pagtango bilang pasasalamat. Kinabahan tuloy ako sa mga mangyayari mamaya sa date namin. First time ko ito at ako nga yata ang masuwerte sapagkat sa lahat ng lalaking naglakas-loob na manligaw kay Samantha, tanging ako lamang ang kanyang sinagot. Daig ko pa ang nanalo sa lotto. Bilang patunay, papasayahin ko siya ngayong araw. Inayos ko muna ang aking asul na long sleeve bago tuluyang paandarin ang sasakyan.

Malapit ng kainin ng dilim ang buong paligid. Marahil ay naroon na si Samantha at naghihintay. Tumingin ako sandali sa aking wristwatch at hindi pa naman ako late ayon sa oras na aming pinag-usapan. Ilang minuto, tumunog ang aking cellphone. Napasulyap ako roon- tumatawag si Samantha. Napangiti ako at sinagot iyon.

"Hello?"

"Nasaan ka na babe?"

"Heto, nasa biyahe pa. Medyo traffic kasi kanina. Pero ngayon, tuloy-tuloy na ang biyahe ko at malapit na akong makarating. Ikaw? Nasaan ka na ba?" hawak ng kaliwang kamay ko ang manibela habang ang kanan sa cellphone.

"Kakarating ko lang. May dare tayo kapag late 'di ba? Alam mo 'yan."

Narinig ko pa ang mahinang halakhak ni Samantha. Mukhang ikakatuwa niya ang iuutos sa akin kapag na-late ako.

"Okay babe, deal ako diyan. Hanap ka na ng table natin. Ako na bahala mamaya. Mag-iingat ka diyan. I love you babe!" pinarinig ko pa ang aking paghalik kahit sa speaker lamang.

"Mag-iingat ka rin. I love you too."

Nang kanyang ibaba ang linya, nakaramdam ako ng kakaibang hapdi sa tiyan. Nanlaki ang mga mata ko. Nakalimutan ko palang uminom ng gamot kanina. Wala rin akong kain. Ayos lang, malapit na rin naman ako.

Nakahawak ako sa aking tiyan. Pakiramdam ko'y gusto ko ng sumigaw sa sobrang sakit. Ano'ng nangyayari? Ba't tila lumalabo ang paningin ko? Napahawak ako sa aking ulo. Iba na talaga ang nararamdaman ko. Ano 'to? Panginoon, huwag ninyo akong pababayaan.

Ilang sandali, dalawang nakasisilaw na liwanag ang papasalubong sa akin. Palakas nang palakas. Napahawak ako ng mahigpit sa manibela.

"Ano'ng mayro'n? Bakit parang..." napahinto ako sa pagbulong.

Nakarinig ako ng malalakas na ingay. Nararamdaman ko ang pinagsamang init ng apoy at hampas ng tubig. May mga nagbubulungan. Napakarami nila. May nagsisigawan. May pangamba sa tinig nila. Napahawak ako sa aking ulo. Unti-unting nandidilim ang aking paningin.

"Samantha..." mahina kong usal.

NAPABALIKWAS ako ng bangon mula sa aking kama. Napasulyap sa bintana at madilim na sa labas. Napakagat ako ng labi nang maalalang may date pala kami ni Saman... pero teka, parang papunta na ako roon, a? Naalala ko pa ngang bumili ako ng mga pulang rosas para sa kanya. Hindi, nanaginip lang ako. Napaglinga-linga ako sa paligid. Hindi ako mapakali at natataranta ako kung ano'ng una kong gagawin. Late na ako. Malalagot ako kay Samantha.

Mabibilis ang paghakbang ko pababa ng aming hagdan. Paglabas, wala roon ang aking sasakyan. Muntik na akong mapamura sa kamalasan ko ngayong araw. Nang muli akong humarap sa aming bahay, naging isa iyong mahabang kalsada. Maraming ilaw sa buong paligid. Iba't ibang sasakyan ang dumadaan. Agad akong umalis at muntikan na akong masagasaan. Nang ibaling ko muli ang aking paningin sa likuran, nasa harap na ako ng isang malaking Restaurant. Ito 'yung pinag-usapan namin ni Samantha. Balot man ang pag-iisip ko ng mga gumugulong pangyayari, agad akong tumahak patungo sa loob.

Hindi pa man ako nakakahawak sa kristal na pintuan, napagmasdan ko siya sa isang sulok. Umiiyak habang nagmamasid sa labas. Muli akong napangiti. Mukhang pinaghintay ko siya ng may katagalan. Sandali kong kinapa ang aking bulsa upang kunin ang cellphone. Muli kong ibinalik ang aking titig sa loob. Wala na roon ang aking mahal. Diretso akong pumasok. Wala akong pakialam sa mga mababangga ko.

"Samantha, nasaan ka?" inilibot ko ng tingin ang buong paligid. "Babe, magpapaliwanag ako!" wala akong pakialam sa mga taong makakarinig sa akin.

Naririnig ko ang iyak niya. Lumalakas. Tinatawag nito ang pangalan ko. Ramdam ko sa tinig niya ang pag-iisa. Samantha, nasaan ka na ba? Nagimbal ako. Kinakabahan. Unti-unting naglalaho ang mga taong naroon. Parang makapal na ulap na dahan-dahang nagninipis. Napapatakip ako ng tainga. Paikot-ikot ako na tila nababaliw.

"Samantha, nasaan ka?" isinisigaw ko iyon ngunit, bakit tila ako lang ang nakakarinig?

"Jeffrey... Jeffrey..."

Hinahanap ko kung saan nanggagaling ang tinig. Kay Samantha galing iyon, hindi ako maaaring magkamali. Tumakbo ako palabas. Mabilis at hindi alintana ang bawat madadaanan. Wala ng mga sasakyan. Wala akong kahit anong ingay na naririnig. Humakbang ako patungo sa gitna ng mahaba at malawak na kalsada. Nakabibingi ang katahimikan. Sa hindi kalayuan, natatanaw ko ang isang babae. Nakatalikod ngunit batid kong si Samantha iyon.

"Babe, nandito ako. Sorry kung pinaghintay kita ng matagal." Mabilis akong lumapit habang nakataas ng bahagya ang aking kanang kamay na animo'y hinihikayat siyang humarap.

Naririnig ko uli ang iyak niya. Ang sakit. Tagos sa damdamin kong tila matagal ng nangungulila. Sa hindi inaasahan, bigla na lamang tumulo ang aking mga luha.

"Samantha, narito ako..." pabulong iyon.

Bigla siyang tumakbo. Nabigla ako. Hinabol ko ito. Pabilis siya nang pabilis. Bakit niya ako tinatakbuhan? Hindi niya na ba ako mahal?

"Samantha! Samantha!" sunod-sunod kong sigaw sa kawalan.

Hanggang sa mawala siya sa paningin ko. Napahawak ako sa magkabilang tuhod. Tuloy sa daloy ang luha. Unti-unti, napapaluhod ako sa kalsadang kinatatayuan ko. Muli kong sinulyapan ang kawalan kung saan siya naglaho. Ano ba'ng nangyayari sa akin? Bakit ako nagkakaganito? Walang tugon. Walang kahit anong sagot ang pumapasok sa aking isipan. Pangungulila. Iyan ang nag-iisang bagay na patuloy na isinisigaw ng puso kong tila matagal ng naghihintay. Sandali akong pumikit upang isipin ang simula. Wala. Walang kahit ano'ng alaala ang pumapasok sa aking naguguluhang isipan.

"Jeffrey..." bumasag sa katahimikang nararamdaman ko.

Dahan-dahan akong tumingala. Naroon si Samantha. Nakangiti sa akin. Ang nakataas nitong kanang kamay ay may mga bulaklak. Rosas iyon sa iba't ibang kulay.

"S-Samantha?" nanginginig ang aking tinig habang humahakbang papalapit sa kanya.

Ngunit, bakit hindi ako makaalis sa aking kinatatayuan? Napatingin ako roon. Unti-unti akong kinakain ng lupa. Muli akong tumingin kay Samantha. Nakita ko uli siyang lumuluha at inihagis ang hawak na mga bulaklak sa aking harapan.

"Rest in peace, babe..."

NOVEMBER 1, 2018

At doon, naramdaman ko ang kakaibang kaginhawaan. Lahat ng pangungulila sa aking puso, naglaho. Nasagot ang mga tanong sa aking isipan. Sadyang hindi lang pala ako matahimik sa mga buwang lumipas na iyon. Sadyang nabigla at hindi ako naging handa sa aking kamatayan matapos mabangga ng isang malaking truck noong nasa gitna ako ng biyahe.

Matapos magtirik ng mga kandila at mailagay pa ang ilang bulaklak sa aking kinalibingan, nagyakap-yakap ang aking pamilya kabilang si Samantha. Napatingin ako sa kalangitang may nakasisilaw na liwanag. Ngayon na ang panahon ko sa paglisan dito sa mundo. Hindi ko na hahanap-hanapin pa ang aking pinakamamahal na si Samantha. Ngunit, mananatili siya habang buhay sa aking puso't isipan saan man ako mapadpad.

WAKAS

SHORT STORIES - Horror/DarkTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon